
Donasyon Mula sa Madudungis na Kamay
“Basura! Basura!” sigaw ng matandang basurero nang makalapit na siya sa gate ng Bahay Pag-asa, isang maliit na ampunan sa kanilang lugar. Dali-dali namang lumabas mula doon ang isang madre at pinatuloy siya.
“Pasok ka, Mang Tikoy! Naku, mukha ho atang tinanghali kayo ngayon ha,” sabi ng butihing madre saka iginiya ang mangongolekta ng basura sa loob ng ampunan.
“Dumaan pa ho kasi ako sa Bahay Kanlungan doon ho sa kabilang bayan, Sister Marita,” sabi naman ni Mang Tikoy na likas na palangiti kahit bulok-bulok at bungal ang mga ngipin.
Dahil matagal nang nangongolekta doon ay kilala na rin ito ng mga bata kaya binabati ito ng iilan habang ginagawa nito ang trabaho. Matapos isalansan ng maayos ang mga basura sa maliit na padyak ay tulad ng nakagawian, dumukot ng mga papel at barya ang matanda at saka inihulog iyon sa donation box na nakapwesto sa harapan ng bulwagan. Halos iilang barya lang ang itinira nito sa bulsa.
Lingid sa kaalaman ng matandang basurero ay palagi iyong napapansin ni Sister Marita. At talaga namang napapahanga siya sa walang palyang pagbibigay ng matanda sa kanilang ampunan kahit na kapansin-pansin na kapos din ito sa buhay. Minsan tuloy ay napapaisip siya kung bakit iyon ginagawa ng matanda imbes na itabi ang pera nito, halimbawa para sa pamilya o sarili. Naiisip na lang ng madre na minsan ay kung sino pa talaga ang hikahos ay siya pa ang bukas palad.
Isang araw na pinagbuksan niya ng gate ang matandang basurero ay halata ang hapo sa mukha nito. Panay rin ang ubo nito sa bimpong nakasukbit sa balikat nito. Nahabag naman ang madre sa kalagayan ng matanda.
“Magandang hapon ho Mang Tikoy, eh… mukha ho atang may sakit kayo ha? Pasok ho muna kayo at para mapagsilbihan ko kayo kahit tubig man lamang,” paanyaya ng madre sa basurero.
Nahihiya man ay tinanggap ni Mang Tikoy ang alok ng madre. Noong una ay ayaw pa nga nitong umupo sa sofa dahil madudumihan raw iyon at mahahawa sa mabahong amoy nito, ngunit sinabi ng madre na huwag iyong intindihin.
Dahil sa pagod ay bahagyang napaidlip ang matanda sa may sofa. Inilapag ni Sister Marita ang isang baso ng tubig at ilang prutas sa harap nito. Iiwan niya muna sana ito sandali nang bigla itong umungol na tila ba nananaginip, nakita niya rin ang pagpatak ng luha sa gilid ng mata ng matanda.
“Anak ko… bakit… hindi…” mahihinang sabi ng matanda. Marahang niyugyog ni Sister Marita ang balikat ng matanda upang gisingin ito.
“Mang Tikoy, Mang Tikoy!” gising ng madre sa matanda. Naalimpungatan naman ang matanda at nang mapagtantong nananaginip ito ay pinunasan kaagad nito ang luha at alanganin ang ngiting humingi ng pasensya sa madre.
“Pasensya na ho kayo sister, talaga hong nagiging emosyonal ako tuwing maaalala ko ang aking anak…” sabi ng matanda. Naramdam ng madre na mabigat ang dinadala ng matanda kaya naman ay nais niyang makatulong dito.
“Kung gusto niyo ho ay pwede niyong ikwento sa akin ang tungkol sa iyong anak, kung iyon po ay ikagagaan ng inyong loob.” Napabuntong hininga ang matanda at saka tumingin sa malayo na para bang doon tinatanaw ang nakaraan nito.
“Halos labinlimang taon na po ang nakakalipas noong ipaampon ng aking asawa ang aming anak. Nagtatrabaho ako noon bilang kargador sa ibang bayan kaya lagi kong naiiwan ang aking asawa. May isang pagkakataon na naipit ako sa isang gulo sa Maynila kaya matagal akong hindi nakapagpadala sa kanila ng pera. Hindi ko rin sila natawagan upang ipaalam ang kondisyon ko. Hindi ko ho alam na buntis pala ang aking asawa nang ako’y umalis…” muli namang napahikbi ang matanda kaya kaya tinapik-tapik ito ng madre sa balikat upang aluin.
“Nanganak siya ng wala man lang ako sa kaniyang tabi. At pag-uwi ko, ibinalita sa akin ng mga kapitbahay na pumanaw siya pagkapaanak. Ngunit dahil kay tagal kong dumating at naisip siguro ng aking asawa na hindi na ako babalik pa, napilitan siyang ipaampon ang bata kung sakaling may mangyari sa kaniya.”
Pati ang madre ay naiyak na rin dahil sa napakalungkot na kwentong iyong ng matandang basurero. Hindi niya akalain ganoon pala kalalim ang hugot ng bungisngis na matanda.
“Hindi ko na kailanman natagpuan ang aking anak. Umaasa na lamang ako na nasa mabuting pamilya o ampunan siya katulad nito,” sabi ng matanda. Ngayon naiintindihan na ng madre kung bakit palaging naghuhulog ng donasyon ang matanda. Kahit nawalay ito sa anak ay pinipilit pa rin nitong magpaka-ama at umaasang makapagaabot ng tulong sa anak kung sakaling nasa ampunan man ito. Dahil dito, lubos ang paghanga at respeto ni Sister Marita sa matandang basurero. Hindi maitatanggi na mahal na mahal nito ang anak kahit pa hindi nito iyon nakilala.
Pagkatapos makapagkwento ng matanda ay nagpasalamat ito sa pakikinig ng madre. Sa pagpipilit ng madre ay tinanggap nito ang alok niyang tubig at prutas upang manumbalik ang lakas na kailangan pa nito sa trabaho.
“Lagi ko hong ipagdarasal sa Panginoon na magkatagpo na kayo ng anak ninyo. Natitiyak kong magiging proud siya na malaman na napakarangal ninyong tao,” sabi pa ng madre sa matanda.
Nagpasalamat ang matanda dahil sa wakas ay naihinga na niya kahit papaano ang kaniyang mga panghihinayang at sakit na pinagdaanan. Ngayon ay lalong luminaw sa kaniya kung bakit araw-araw siyang nagsisikap, iyon ay para sa anak na kung mamarapatin ng Diyos, ay makakapiling niya balang araw.