Bayad Papuntang Langit

Nagising ang pitumpu’t apat na taong gulang na si Lola Elena at natagpuan ang sarili sa ospital. Masakit na masakit pa ang kaniyang balakang, ulo, at nahihirapan din siyang huminga. Kasama niya lamang sa silid niya ay ang tagapag-alaga na si Sharron na agad namang kumaripas ng takbo upang tumawag ng doktor nang makitang gising na ang matanda.

“Nay, napagod ho yata kayo ng maigi. Hindi ba ang bilin ko ho ay hindi niyo na dapat inaasikaso pa ang mga trabaho ninyo at magpahinga na lamang. Ikinalulungkot ko pong ipaalala na limang buwan na lang ang natitira sa inyong buhay,” sabi ng doktor sa matanda.

“Limang buwan ka riyan! Matagal pa ang buhay ko sa mundong ‘to! Huwag mo akong mapaalalahanan ng ganiyan, sinasabi ko sa iyo,” galit na tugon ng matanda.

Hindi na umimik pa ang doktor pati ang kasambahay ay nakayuko lamang. Naiwang mag-isa ang matanda sa silid habang kinakausap ng doktor ang tagapag-alaga ni Lola Elena. Lahat ng mga bilin, mga bawal, at dapat na inumin o kainin ng lola ay pilit sinaulo ni Sharron.

Masama ang pag-uugali ni Lola Elena. Lahat ng tao ay galit sa kaniya, kung hindi man, hindi na siya pinapansin pa. Lahat kasi ay napapansin niya, at masakit talaga kung siya’y magsalita. Kahit na sa huling sandali ng buhay niya, ayaw niyang magbago at patuloy pa rin siya sa dating gawi.

Hanggang sa dumating ang araw, gumising ang matanda na halos hindi na makahinga. Buti na lamang ay nabigyan kaagad siya ng lunas ni Sharron. Doon niya napagisip-isip ang katotohanang malapit na nga ang kaniyang oras. Gaano man niya ito ipagsawalang-bahala, darating din siya sa ganoong pagkakataon. Hindi niya mapigilang mag-isip tungkol sa kaniyang magiging hantungan.

“Sa langit, gusto ko sa langit,” mahinang bulong ng matanda habang nakatingin sa bintanang malaki sa kaniyang silid kung saan matatanaw ang malalaking tipak ng mga ulap.

Agad niyang tinawag si Sharron at sinabing maghanda para magtungo sa simbahan. Pagkarating ay nakilala ni Lola Elena ang namununo doon na si Padre Romulo.

Advertisement

“Ano ho ang inyong sadya sa aming munting simbahan?” marahang pagbati sa kaniya ng pari.

“Sharron, pakibigay ang isang bag dito sa lalaking ito,” pagtataray ni Lola Elena habang nakataas ang kilay pati na kaniyang baba. Hawak-hawak nito ang tungkod na siyang nagsisilbing alalay niya sa paglalakad.

Dito ay kumunot ang noo ng pari. Nang makita ang laman ng itim na bag, nagulat ito dahil punong-puno iyon ng pera.

“Maraming salamat po sa inyong donasyon para sa aming simbahan, Mrs?” nag-aalangang sabi ng butihing pari ngunit mahahalata ang kasiyahan sa mukha.

“Elena, Elena Busiños. Kung hindi mo ako kilala, mamaya ay ipagtanong mo na lamang sa mga tauhan mo dito, malamang ay kilala nila ako,” muling pagtataray ng matanda.

Maya-maya pa ay may tumawag sa pari. Aalis na sana ito ng iharang ni Lola Elena ang kaniyang tungkod.

“Sandali, sandali! Hindi pa tapos ang aking pakay. Hindi mo man lang ako tinanong para saan iyang perang ‘yan. Aba! Napakalaking halaga kaya niyan!” sabi ni Lola Elena.

Nagulat naman dito ang lalaki at pasensyosong ngumiti sa matanda kahit nakararamdam ng bahagyang pagkairita.

Advertisement

“Pasensya naman ho. Pero para saan ho ba ito?” tanong niya.

“Bayad ko. Bayad ko papuntang langit. Gusto kong ipagdasal mo ako araw-araw at gabi-gabi nang sa gayon ay pag pumanaw na ako ay siguradong sa langit ang punta ko,” paliwanag naman ni Lola Elena.

Hindi pala para sa simbahan ang limpak-limpak na perang ibinigay ng matanda, kung hindi pambayad niya para siya’y makapunta sa langit. Dahil alam niyang naging masama ang kaniyang ugali, aniya, hindi tatanggapin ng Diyos ang kaniyang mga panalangin.

“Aba’y makakaasa ho kayo Mrs. Elena na isasama ko kayo sa aking mga panalangin. Pagpalain ka pa nawa ng Diyos,” sabi ng kakatwang pari.

Lumipas ang isang buwan at nabalitaan na lamang ni Lola Elena na pumanaw sa sakit sa puso at nalaman ang iskandalo na pagkakaroon ng kalaguyong babae.

Galit na galit ang matanda sa nabalitaan. Malaking halaga nga kasi ang kaniyang binayad upang ipagdasal siya ng taong akala niya’y mataas at malinis ang konsensya ngunit nagkamali pala siya. Sa inis ng matanda, nais sana niyang bawiin ang kaniyang pera. Kaya naman, pumunta siya sa lamay nito.

Mabilis na humahakbang patungo sa bahay ng pari ang matanda dahil sa galit niya dito. Ngunit nang itanong iyon sa kapatid nito, wala raw inuwing pera ang lalaki maski na sa simbahan. Umuwing nanggagalaiti sa galit ang matanda. Nagdabog-dabog pa ito at aligaga dahil hindi na niya alam ang dapat na gawin. Inisip niyang ibenta ang lahat ng ari-arian upang gawin muling magbayad sa ibang tao upang ipagdasal siya.

Natigilan siya nang may humawak sa kaniyang balikat.

Advertisement

Lola, ayos na po, magdasal na lang po tayo,” maririnig ang malalambing na tinig ng kaniyang tagapag-alaga na si Sharron habang ito’y nakayakap sa kaniya. Nais sana niyang tanggalin ang pagkakayakap sa kaniya nito ngunit nabigla siya dahil sa sinabi nito. Naramdaman niya ang pagod sa araw-araw na nadadamang galit sa kapwa.

“May pag-asa pa ba ako, hija? Alam mo kung paano ako naging masamang tao. Kung paano ako makapagsalita at manira ng buhay ng tao. Alam kong wala na akong pag-asa…” mahinang tugon nito kay Sharron.

Tinignan siya ng diretso nito at hinawakan ang kaniyang mga kamay. “Lola, meron po. May pag-asa pa po hangga’t may buhay. Wala pong kayang magsalba sa atin o humingi ng pagpapatawad para sa atin kung hindi tayo lang din po,” marahan niyang pagpapaliwanag.

Napaiyak ang matanda at nakaramdam ng mainit na pagtanggap. Sa unang pagkakataon, ang matigas na puso ng mayanda ay napainit ng yakap at pagtanggap mula sa taong tunay na nagmamahal sa kaniya. Naisip niyang hindi pa huli ang lahat upang humingi ng tawad at magpatawad. Dahil wala naman talagang nakasisiguro ng ating hantungan. Higit sa lahat, hindi matutumbasan ng kahit na gaano kalaking pera o yaman upang masigurong sa langit nga ang hantungan natin.