Inday TrendingInday Trending
Pangarap at Guni-guni

Pangarap at Guni-guni

Makulimlim ang panahon, nagbabadya yata ang pagbagsak ng ulan ngunit hindi ito napapansin ni Lougie, na noon ay tulala sa hangin at pangiti-ngiti pa. Isa na namang araw ng kaniyang pagpapantasiya. Sa guni-guni niya ay maliwanag ang sikat ng araw, sa unang araw ng date, sa kaniyang kasal, honeymoon, pati na ang pangkaraniwang araw ng buhay may asawa. Ngiti at buntong hininga, paminsan pa ay maririnig na kinikilig ang impit na tili na animo’y kinikilig-kilig pa ang dalaga. Hanggang sa maputol ang guni-guni niyang ito nang tapikin ang kaniyang ulo ng kaibigan niyang si Ton-ton.

“Hoy! Ayan ka na naman sa mga guni-guni mo diyan?! Ang dami pa nating trabaho oh? Tapos ikaw nananaginip na naman diyan! Mag-ready na raw sabi ni direk!” pagsusungit nito.

Bilang tugon, inirapan lang niya ito at saka kumilos upang mag-ayos ng mga kagamitan sa shooting. Trabaho niya kasi ang mag-assist sa mga produksiyon ng mga pelikula. At sa bawat araw, para bang gumagawa siya ng sarili niyang istorya na imposible namang mangyari.

Hindi kagandahan ang itsura ni Lougie, kung tutuusin pa nga, ay nababansagan siyang paliparan at hipon dahil patapon ang mukha’t malapad ang noo. Balingkinitan ang pangangatawan niya at sabi ng iba, hindi siya kagandahan. Ngunit ang lahat ay natutuwa sa kaniya dahil sa kaniyang kagandahang asal at pagiging bibo. Mahal niya ang lahat at mahal din naman siya ng iilan. Ngunit sa edad niyang iyon ay hindi pa niya nararanasan ang magkaroon ng nobyo. Hilig niya lamang ay manood ng mga nakakakilig na pelikula sa telebisyon na maaaring dahilan ng madalas niyang pagpapantasya.

“Gusto ko talaga ng malaki ang katawan, iyong matigas-tigas ang braso! Isa pa siyempre, iyong matangkad at dapat, matalino! Tapos ang first date namin ay sa rooftop ng isang mataas na gusali. May mga ilaw na romantiko tapos may musika!” sa isip-isip ni Lougie habang siya’y naghahanda sa set ng pelikula.

Papikit-pikit pa siya sa kaniyang mga pantasya. Ngunit napatigil si Lougie matapos siyang bumangga sa dibdib ng isang lalaki. Parehong nagulat ang dalawa dahil hindi sila pamilyar sa isa’t-isa.

“Sino ka? Bakit ka nandito? Alam mo bang bawal ang outsiders dito? May kakilala ka ba rito? O baka gusto mo lang makita kung may artista rito?!” sunod-sunod na tanong ni Lougie sa patpating lalaki na malakas ang dating. Ngunit para sa kaniya, hindi iyon nakakahalina.

Sasagot pa lamang ang lalaki ngunit bigla na namang bumuka ang bibig ni Lougie.

“Teka nga, teka nga. Sa tingin ko stalker ka ng artista. Stalker ka ‘no? Stalker ka?! Gusto mo bang tumawag ako ng pulis ngayon din ha? Teka nga, ano bang pangalan mo? Sagot!” dagdag na pambubulyaw ng dalaga sa lalaki.

Kinuha niya ang telepono mula sa kaniyang bulsa upang tumawag sana ng guard nang bigla siyang hinawakan ng lalaki sa braso upang pigilan siya. Nanlaki ang mga mata ng dalaga at saka pilit na kumawala sa pagkakakapit sa kaniya ng lalaki. Umatras siya ng kaunti at huminga nang malalim. Bubuka na sana ang bibig niya matapos niyang tignan nang diretso ang lalaki nang bigla siyang tawaging muli ni Ton-ton.

“Psst! Lougie! Naku, lagot tayo kay direk hinahanap tayo!” Pagmamadali nito.

Walang ano pa’t kumaripas ng takbo ang dalawa upang tingnan kung bakit nagagalit ang direktor.

Pagkarating nila ay galit na galit nga ito. Maraming mga gamit ang nawawala ngunit nandoon na mismo ang artista sa pelikula. Ganoon din, ang babaeng gaganap sa pagkakataong iyon ay wala rin at hindi na makakahabol pa.

“Lahat na lamang kulang! Lahat wala! Alam niyo bang ngayon ko lang napapapayag itong gaganap dito? Big time itong aktor na ito. Naku po!” galit na sabi nito.

Hindi naman makapagsalita sina Lougie dahil kahit siya, hindi niya kilala ang sinasabi ng direktor at ang tanging pinagbigyang pansin niya lang ay ang mga nawawalang kagamitan. Iniutos ng direktor na tapusin ang lahat sa loob lamang ng dalawampung minuto. Kaya naman ginawa nina Lougie ang lahat ng makakaya. Pagod na pagod sa araw na iyon dahil lamang sa eksklusibong aktor na nakuha ng direktor.

Naayos na ni Lougie ang lahat ng mga dapat ihanda. Nakaupo siya sa isang gilid at sa tuwing maaalala ang mga pangyayari kanina lamang, sumasakit na ang ulo niya.

Muli silang pinatawag ng direktor, kailangan nito si Lougie dahil nahahawig ang katawan at buhok nito sa bidang aktres. Kung kaya, kailangang siya ang gumanap bilang babaeng ikakasal. Ngunit lahat ay puro mga nakatalikod lamang. Nagulat siya sa narinig mula sa direktor ngunit wala naman siyang magagawa.

Binihisan at inayusan siya para sa mangyayaring shooting na kasama ang isang aktor. Paglabas ni Lougie, muli na namang nanlaki ang kaniyang mga mata sa nakita. Ang aktor na makakasama niya ay ang lalaking nakabangga niya kanina sa tent! Hindi niya alam kung paano ito babatiin, isa lamang ang nasa isip niya. Malamang ay hindi iyon papayag na makatrabaho siya. Kaya naman inunahan na niya ito. Akma siyang magpapaalam sana sa direktor ngunit sumabat ang aktor na nais na nitong magsimula.

Kinabahan at patuloy na kumakabog ang dibdib ni Lougie. Ang ikasal ang isa sa mga pantasya niya sa buhay. Habang papalit sa kaniyang groom, hindi man malaki ang katawan nito ay kitang-kita niya ang mukha ng lalaki na nakangiti ng napakalambing, pakiramdam niya ay nahuhulog na siya rito. Palapit nang palapit, ang ngiti sa kaniyang mukha ay tunay at hindi na mapatid pa. Halos mapunit na nga ang kaniyang pisngi sa sobrang lapad nito.

Nang makalapit sa aktor, biglang naputol ang panaginip niyang ito. Sumigaw ng “cut!” ang direktor na hudyat ng tapos na ang eksena. Nalungkot siya ngunit alam niyang kailangan niyang magising sa katotohanan na palabas lamang iyon, hindi iyon totoo at isang malaking guni-guni. Matapos ang ilang ulit pa, nagtagumpay siya sa kaniyang trabaho para sa araw na iyon. Nagpasalamat sa kaniya ang lahat pati na ang direktor.

Palabas na si Lougie upang burahin ang make-up sa mukha nang harangin siya ng lalaking aktor na naka-eksena niya. Nagulat siya sa ginawang ito ng aktor. Gusto sana niya itong takbuhan, ngunit nilaksan niya ang loob upang humingi ng tawad sa lalaki.

“Ah Sir… ano, sorry po kanina kasi…” hindi na siya pinatapos ng lalaki at nagsalita na ito. Nabingi siya sa lakas ng tibok ng kaniyang puso dahil sa sinabi ng aktor.

“Pwede ba tayo kumain sa labas?” marahang sabi ng binata habang direkta itong nakatingin kay Lougie.

“Po? Ako po?” tanong ni Lugie sabay turo sa sarili.

Hindi siya makapagsalita dahil hindi siya makapaniwala sa sinasabi ng lalaki. Ngunit nang makita ang seryosong mukha ng lalaki, pumayag siya sa gusto nito. Habang naglalakad ang dalawa papalabas ng tent, makikitang masaya itong nag-uusap. Lahat ay nagulat at nagtaka kung ito na nga ba ang hudyat ng pagsisimula ng kaniyang sariling kwento ng pag-ibig. Hindi na guni-guni kundi isang pangarap na matutupad.

Advertisement