Batang Nakita sa Basurahan

Gabing-gabi nang makauwi si Althea. Wala sa oras kasi siyang nag-overtime dahil sa tambak na trabahong naiwan niya nung nakaraan. “Kasi naman. Bakasyon pa more! Ayan natambakan ka tuloy ng trabaho,” naiinis na wika niya sa sarili.

Malayo-layo pa ang bahay na inuupahan niya at wala nang traysikel na dumadaan dahil alas-dose na ng hating gabi. Kaya wala siyang choice kung ‘di ang maglakad. Nang bigla siyang nakarinig ng iyak. Biglang nagtayuan ang balahibo niya. Sigurado siyang iyak iyon ng sanggol. May sumusunod ba sa kaniyang tiyanak? Kaya nakakarinig siya ng iyak nito? Tatakbo na sana siya ng mas lalo pang lumakas ang iyak nito.

“Bata ba iyon o tiyanak? Ano ba iyan, nakakatakot naman! Saan ba nanggagaling ang iyak na iyan?” kinakabahang kausap ni Althea sa sarili habang panay ang lingon sa paligid.

Kahit natatakot ay sinundan niya ang tunog ng iyak nito. Kung multo man iyon hiling niya sana ay huwag siyang saktan nito. Dinala siya ng mga paa sa tambakan ng basura sa baranggay nila, muntik nang mapaluwa ang mga mata niya nang makita ang sanggol na halos mamaos na kakaiyak dahil natatambakan na ito ng mga basura. Agad niya itong kinarga upang ilayo sa masangsang na amoy ng mga basura.

“Sinong walang pusong naglagay sa’yo rito?” mangiyak-iyak na wika ni Althea. Awang-awang sa sanggol na walang kamalay-malay kung ano ang nangyayari.

Nakapagdesisyon si Althea na iuwi ang sanggol sa boarding house niya. Wala siyang ibang taong nakita kanina sa daan kaya mukhang kanina pa inilagay ang bata sa basurahan, umiyak nga lang ito kanina dahil mukhang nakaramdam na ito ng gutom. Wala siyang ideya kung paano mag-alaga ng baby kaya natataranta siya kung paano aalagaan ang bata. Tinawagan niya ang kaniyang matalik na kaibigan na si Jean, para ikwento rito kung ano ang nangyari at kung paano niya nakita ang kawawang sanggol.

“Hala! Grabe naman kawawa naman ang batang iyan besh. Ikaw anong plano mo?” tanong ni Jean sa kaniya.

“Hindi ko talaga alam, Jean? Naguguluhan ako at pakiramdam ko hindi ko siya kayang alagaan. Hindi ko pa nga kayang alagaan sarili ko, mag-aalaga pa ako ng baby?” desperadang wika ni Althea.

Advertisement

“Ano ka ba?! Kahit sino naman ‘no mahihirapan talaga lalo na’t biglaan ang nangyari. Parang kumurap ka lang tapos nanay ka na. Hindi ka man lang nagbuntis. Pero nand’yan na iyan besh, alangan naman ibalik mo ‘yan ulit sa basurahan,” sermon ng kaibigan niyang si Jean.

“Anong gagawin ko, Jean?” naguguluhang tanong ni Althea.

“Panindigan mo na lang. Blessing sa’yo ang batang ‘yan. Isipin mo nga tsaka lang siya umiyak nung dumaan ka, napagkamalan mo pang tiyanak. Kakayanin mo ‘yan besh, minsan hindi naman mahalaga kung tayo iyong nagluwal sa anak natin. Ang pinaka-mahalaga magiging mabuting ina tayo para sa kanila at mahalin natin sila ng totoo. Kaya mong maging ina kasi nand’yan na siya,” wika ni Jean.

Alam niyang pinapalakas ng kaibigan ang loob niya. Tinitigan ni Althea ang batang babaeng ngayon ay nakatingin din sa kaniya. Ibibigay na lang kaya niya ito sa bahay ampunan? Sigurado siyang maaalagaan ito ng maayos doon. Nang akmang lalaruin niya na ito at bigla nitong hinawakan ang daliri niya’y biglang nagbago ang isip ni Althea.

Kakayanin niya nga siguro. Nakokonsensya siya kahit hindi naman dapat. Mas maigi nga sigurong siya na lang ang maging nanay nito. Tutal siya naman ang nakakita rito. Katulad nga ng napag-usapan nila ni Jean ay pinanindigan na nga lang ni Althea ang magpakain sa sanggol na nakuha niya sa basurahan. Pinangalanan niya itong si Heaven, dahil hulog ito ng langit para sa kaniya. Totoo ngang mahirap maging isang ina pero kapag nakikita niya si Heaven lalo na kapag nakangiti na ito ay napapawi ang lahat ng pagod at paghihirap niya.

Makalipas ang limang taon. Malaki na si Althea at malusog na bata. “Mama, sasama ako sa work. Pipirma ako dun tapos papabait ako ‘di ba?” bulol nitong kausap sa kaniya.

“Opo baby. I love you,” nakangiting sagot naman ni Althea habang binibihisan ang anak sabay halik sa labi nito.

“I lab you, mama,” sagot naman nito sabay yakap sa kaniya.

Advertisement

Napakadaldal na bata at napakaganda. Kahit sino ang titingin dito ay hinding-hindi sasagi sa isipan ng mga ito na napulot niya lang si Heaven sa basurahan. Walang nakakaalam kung saan niya nakuha si Heaven, pinalabas lang niyang inampon niya ang bata at anak ito ng dating kaibigan niyang takot sa obligasyon. Ayaw niyang malaman ng mga ito kung paano itinapon ang anak niya ng tunay nitong ina. Wala siyang balak itago kay Heaven, ang totoo. Maliban na lang siguro sa pagtapon ng tunay nitong ina sa basurahan. Sasabihin niya iyon sa tamang panahon. Kung kailan mauunawaan na nito ang lahat.

Walang pinagsisihan si Althea sa mga naging desisyon niya. Pakiramdam ni Althea ay isa sa pinakatamang desisyon niya ang pagkupkop sa anak niyang si Heaven, kahit mahirap. Napaka-kumplikado ang maging ina. Walang training sa pagiging mabuting magulang. Kaya nahihirapan ang iba. Pero hindi basehan iyon upang itapon o pat*yin mo ang sanggol na binigay ng langit sa’yo.

Hindi din porket ikaw ang nagluwal ay ina ka na, mas maraming naging ina na hindi sila mismo ang nagluwal sa anak nila.