Inday TrendingInday Trending
Simpleng Pamasko ng Batang si Piolo

Simpleng Pamasko ng Batang si Piolo

Pitong taong gulang pa lang si Piolo, grade one student sa paaralang Espiritu Santo Elementary School sa may Tayuman. Halos araw-araw kapag may pasok siya’y itinatabi na niya mula sa baon ang limang piso upang ihulog iyon sa alkansiyang ibinigay sa kanila ng teacher nila. Ginawa iyon ni Teacher Tess upang matuto sila kung paano mag-ipon at para na rin pagdating ng Disyembre ay may mabili silang sarili nilang gamit na bago.

“Piolo, malapit na ang December at malapit na rin nating mabubuksan ang alkansya mo. Sa tingin mo, marami na kaya iyan?” nakangiting tanong ni Teacher Tess kay Piolo.

Nagkibit-balikat si Piolo sabay ngiti ng matamis. “Hindi ko po alam teacher. Pero siguro po marami-rami na rin, kasi mahigit sa isang beses kung maglagay ako ng five pesos d’yan sa isang araw,” inosenteng sagot ni Piolo.

“Wow! Ang galing naman ni Piolo,” wika ni Tess habang pumapalakpak. “Kapag nabuksan na natin ‘yan, anong gusto mong gawin sa naipon mo? Ano ang naiisip mong bilhin ngayon sa inipon mo?” muling tanong ni Tess.

“Wala po akong naiisip bilhin teacher, pero may gusto po akong gawin sa naipon ko,” seryosong wika ni Piolo. “Gusto ko pong ibili iyan ng pagkain para sa mga mahihirap ngayong pasko. Katulad na lang ng pamilyang nakikita kong sa daan lang natutulog. Para po maging masaya sila ngayong pasko, teacher,” wika ni Piolo na labis nagpamangha sa damdamin ni Tess. Batang-bata pa lang ang kaniyang estudyante pero naiisip na nito ang tumulong sa mga mahihirap. Hindi niya inaasahan ang isasagot nito.

“Bakit naman iyon ang gusto mong gawin, Piolo?” naiintrigang tanong ni Tess.

“Kasi po sa palagay ko hindi ko naman kailangang bumili pa ng bagong gamit. Dahil bibilhan naman ako nun ni mama at papa ngayong pasko. Hindi ko rin kailangang ibili iyon ng pagkain dahil lagi namang may pagkain sa mesa namin at may mga nakatago pa ngang pagkain sa ref. Para sa sarili ko po teacher ay wala na akong kailangan. Pero sila po, iyong mga nanay na nakikita ko sa daan at mga batang nasa daan lang natutulog lalo na po tuwing dadaan ako sa Blumentrit, ang daming natutulog sa gitna ng riles. Mukhang hindi pa nga po sila kumakain eh. Mas magiging masaya po ako ngayong pasko, teacher, kung mapupunta sa mabuti ang naipon ko,” proud na proud na wika ni Piolo.

Hindi tuloy napigilan ni Tess ang yakapin ito. Sobrang inosente pa ni Piolo at sobrang totoo nito. Hindi ito madamot at hiling niya sana’y huwag itong magbabago paglaki. Kailangan ng lipunan natin ang mga katulad niyang may mabubuting puso. “Proud na proud ako sa’yo Piolo,” masayang sambit ni Tess.

Lumipas ang maraming linggo at dumating na nga ang araw kung kailan kailangan na nilang buksan ang mga naipon nila. Kanya-kanyang nagbilangan ang mga ito kasama ang kaniya-kaniyang magulang ng mga ito. Lahat excited at may mga listahan na kung ano-ano ang maaring bilhin sa perang naipon.

“Teacher, tapos na po kami ni mama,” bigay alam ni Piolo kay Teacher Tess.

“Talaga? Magkano ang naipon mo, Piolo?” magiliw na tanong ni Tess a estudyante.

“Ang sabi po ni mama, nakaipon daw po ako ng three thousand seven hundred. Sa tingin mo po teacher, ilang one piece chicken ang pwede kong bilhin para ipamigay ngayong pasko?” masayang wika ni Piolo.

“Marami na iyon Piolo, at saka huwag kang mag-aalala kasi dadagdagan ni teacher ang pera mo para mas marami kang mabibigyan,” nakangiting wika ni Tess sabay gulo ng buhok ni Piolo. Ang sarap lang isipin na pursigido itong tumulong. Matagal nang lumipas ang unang pag-uusap nila noon. Ang buong akala niya’y magbabago ang gusto nito pagdating ng December lalo na kung makikita na nito ang naipong pera. Baka manghinayang ito at mas gustuhing ibili na lang ng sariling gusto ngunit mali siya dahil gusto talaga ni Piolo ang tumulong.

December 24 ng umaga ay abala na ang buong pamilya ni Piolo sa pagluluto at pagbabalot ng ilang pirasong pagkain upang mamayang alas-diyes ng gabi ay maibigay na nila iyon sa lahat ng taong gustong bigyan ni Piolo. Kitang-kita ang saya sa mukha ni Piolo sa tuwing inaabot nito ang nakabalot na pagkain at juice. Ito mismo ang nag-aabot ng pagkain at nakikipag-usap na para bang matagal na nitong kilala ang mga taga-roon.

“Thank you, hijo! Merry Christmas sa’yo,” labis-labis na pasasalamat ng isang pamilyang inabutan ni Piolo ng pagkain.

“You’re welcome po. Merry Chirstmas din. Kain na po kayo, masarap iyan. Luto iyan ng mama at papa ko,” buong pagmamalaking wika ni Piolo sa mga ito. Hanggang sa naubos na rin nilang ipamigay ang lahat ng pagkaing kanilang ibinalot.

“Masaya ka ba, anak?” tanong ng papa ni Piolo na si Pio.

“Opo, papa. Ang saya-saya ko po. Lalo na kapag nakikita kong nasasarapan sila sa pagkaing ibinigay natin. This is the best chrismas for me!” masayang-masayang wika ni Piolo. “Thank you po mama at papa, ha? Kasi sinuportahan niyo ako. The best po talaga kayo,” dugtong pa nito tsaka humilig sa braso ng kaniyang ina.

“Basta hindi nakakasama sa’yo, anak. Susuportahan ka namin ng papa mo,” nakangiting wika ng mama ni Piolo sabay yakap sa anak. Nakangiting nakatulog si Piolo sa bisig ng ina. Sa pinaghalong pagod, sabik at saya ay mabilis itong nakatulog. Hindi pa doon natapos ang pagtulong ng pamilya ni Piolo.

Ang batang si Piolo ay ang patunay na walang pinipiling edad ang pagtulong. Basta hindi iyon labag sa kalooban mo ay tunay kang magiging masaya, katulad na lang ng ginawa ni Piolo. Tumulong tayo ng bukal sa loob natin.

Advertisement