Inday TrendingInday Trending
Pagkababae ko Kapalit ng Grades

Pagkababae ko Kapalit ng Grades

“Sino rito ang hindi nakapagpasa ng thesis nila?” tanong ni Sir Jay. Bata pa ang kanilang guro at gwapo pa. Katunayan, kaysa maging guro ay mas bagay rito ang mag-artista. Kaso mas pinili nito ang pagtuturo kaya ano pa nga ba ang magagawa nila.

“A-ako po, sir,” nahihiyang taas kamay ni Kim. Hindi pa niya nagagawa ang kaniyang thesis dahil mas inuna niya ang paghahanap ng pera. May sakit kasi ang kaniyang ama kaya kung ano-anong raket na lang ang pinasok niya. Sa umaga ay nagbebenta siya ng sampaguita at tubig, sa gabi naman ay sumasayaw siya sa isang club. Aminado siyang mas malaki ang kinikita niya sa pagsasayaw kaysa pagtitinda ng tubig at sampaguita, pero hindi pa rin niya kayang bitawan ang pagtitinda, pandagdag na rin kasi iyon. Kailangan niyang kumayod kalabaw para sa pamilya niya at para na rin sa sarili. Hindi kasi alam ng pamilya niyang nag-aaral siya dito sa Manila. Ang alam ng mga ito ay may maganda siyang trabaho. “Pwede po ba akong humabol?” nahihiyang tanong ni Kim.

“Sige bibigyan kita ng tatlong araw Kim, para ipasa ang thesis mo,” iyon lang at lumabas na ito sa classroom nila.

Imbes na magdiwang ang loob ni Kim ay mas lalo siyang nalungkot. Kulang ang tatlong araw na palugit. Pero susubukan pa rin niyang humabol. Pasalamat na rin siya dahil pinagbigyan siya nito. Malalim na buntong hininga ang kaniyang pinakawalan. Ang hirap mabuhay sa mundong ibabaw. Tunog ng kaniyang cellphone ang pumukaw sa kaniyang atensyon.

“Hello ma,” masiglang wika ni Kim sa kabilang linya.

“Nakuha na namin ang padala mong eight thousand anak. Maraming salamat dito ah, ipapatingin na namin si papa mo sa doktor mamayang alas nuwebe,” wika ng kaniyang ina na si Lourdes.

“Oo ma, para malaman natin kung ano ba talaga iyang sakit ni papa. Ma budgetin niyo muna iyong pinadala ko ah. Alam mo naman na mahirap mamuhay dito sa Manila. Pero hayaan niyo ma babawi po ako sa susunod kong padala,” kausap pa rin ni Kim ang ina.

“Oo, anak. Salamat ulit ah, mag-iingat ka d’yan palagi. I love you, anak,” wika ng kaniyang ina. Nais niyang maiyak sa huling sinabi nito.

“I love you too, ma. Pati kina kuya at papa,” wika ni Kim at saka binaba ang tawag.

Pag-uwi galing eskwelahan ay agad siyang dumiretso sa simbahan ng Quiapo upang simulan na agad ang pagtitinda ng sampaguita at tubig. Kailangan niya iyon para sa kaniyang tatlong araw na palugit sa thesis. Mamayang alas nuwebe pa naman ang pasok niya sa pinagtatrabahuang club.

“Uy Kim, kumusta ka na? Nag-level-up ka na ba sa Paraiso Club?” tanong ng kaibigan niyang si Maris.

Ito ang nagpasok sa kaniya para maging dancer. Kaso hindi sila magkapareho ni Maris dahil bukod sa sayaw ay nagpapagamit rin ito at nagpapabayad. Siya, hanggang sayaw lang ang kaya niya. Kahit maghubad pa siya sa harap ng entablado, basta hinding-hindi siya hahawakan ng mga nanunuod ay walang magiging problema.

“Dancer pa rin,” maiksing sagot ni Kim.

“Nakow! Ang liit pa rin pala ng kita mo. Bakit kasi pa virgin ka pa rin Kim? Kung pwede ka namang kumita ng mas malaki. Ayan tuloy hanggang ngayon nagtitinda ka pa rin ng sampaguita,” nag-uuyam na wika ni Maris.

Kaysa pansinin ito ay ipinagpatuloy na lang ni Kim ang pagkain. Stress na siya sa buhay, mas lalo pa siyang mai-stress kay Maris.

“Kim, hanggang bukas na lang ang palugit ng thesis mo. Siguraduhin mong maipasa mo na iyon bukas,” matigas na paalala ni Sir Jay.

Paano niya iyon maipapasa? Halos hindi pa nga siya nangangalahati? Kapag wala siyang thesis ay paniguradong bagsak siya. Paano na lang? Ito na ang huling taon niya sa koleheyo at ayaw na niyang balikan pa ang semister na ito. Wala na siyang ibang paraan pa na naiisip. Pinuntahan niya si Sir Jay upang makausap ito ng solo. Makikiusap siya at gagawin niya ang lahat huwag lang siyang ibagsak nito.

“Kim, pinagbigyan na kita ng tatlong araw tapos hanggang ngayon ay makikiusap ka pa rin?” wika ni Sir Jay.

“Sir handa po akong ibigay lahat huwag niyo lang po akong ibabagsak,” lakas loob na wika ni Kim. “Ayoko na pong bumalik pa sa semester na ito dahil lang sa hindi ko nagawa ang thesis ko. Alam ko pong mahalaga ang time management ng isang tao at aminado akong kasalanan ko kung bakit hindi ko nagawa ang thesis ko. Ayoko rin pong idahilan ang hirap ng buhay dahil hindi lang naman ako ang naghihirap sa mundong ito. Nakikiusap ako sir handa akong ibigay ang pagkababae ko kapalit ng isang linggong palugit para sa thesis ko,” mangiyak-iyak na wika ni Kim. “Isang linggo po ulit sir, kapalit ng virginity ko,” dugtong pa ni Kim.

Mahabang katahimikan ang namagitan sa kanila. Nakakahiya ang ginawa niya pero wala na talaga siyang ibang pagpipilian pa. Maya-maya ay hinawakan ni Sir Jay ang kamay ni Kim.

“Makikinig ako kung ano ang mga pinagdadanan mo Kim,” mahinahong wika ni Sir Jay.

Sa hindi malamang dahilan ay bigla na lang siyang naiyak sa harapan nito. Alam niyang wala siyang dapat iiyak pero ang bigat-bigat na kasi ng dinadala niya sa dibdib. Hindi niya napansin, na ikwento na niya rito lahat-lahat at walang itinirang detalye.

“Kim, hindi mo kailangang ibaba ang pagkatao mo para lang makiusap sa kahit sino. Naiintindihan na kita ngayon pero sana huwag mo nang uulitin ang ginawa mo kanina. Hindi lahat ng mai-encounter mo ay katulad ko. May mga taong mapagsamantala, paano kung sinamantala ko ang kahinaan mo? Pwede mo iyong pagsisihan habambuhay. Simpleng pakiusap at kwento lang ang pwede mong ibigay para maunawaan ka ng kapwa mo. Kapag hindi pa rin, hayaan mo sila. Basta huwag na huwag mong ibaba ang sarili mo at hayaan silang apakan ka pa lalo. Sige, bibigyan kita ulit ng isang linggong palugit at inaasahan kong maipapasa mo na iyon ng hindi na ulit makikiusap sa’kin,” wika ni Sir Jay matapos niyang magkwento.

Muli na namang naiyak si Kim sa sobrang sayang naramdaman. Kahit malupit ang buhay para kay Kim, nagpapasalamat pa rin siya dahil nakatagpo niya ang katulad ni Sir Jay na hindi mapagsamantalang tao. Nagawa niya ng maayos ang kaniyang thesis sa tulong na rin mismo ni Sir Jay, at sa wakas naka-graduate din siya. Malapit ng matupad ang mga pangarap niya at makakaalis na rin siya sa madilim niyang mundo.

Lumipas ang apat na taon. Ganap na elementary teacher na si Kim at bukod doon ay may sariling sari-sari store na ang kaniyang pamilya sa probinsya. Tumigil na rin siya sa pagsasayaw sa Paraiso Club mula noong gr-um-aduate na siya. Imbes na sampaguita at tubig vendor ay may sariling pwesto siyang nakuha sa canteen ng school. Naging masalimoot man ang nakaraan niya’y iyon ang naging pundasyon ng pagkatao niya kung ano at sino man siya ngayon.

Nandito siya ngayon sa paaralan niya noong siya’y kolehiyo. Balak niyang bisitahin at kumustahin si Sir Jay, upang personal na rin itong pasalamatan.

“Ang laki na ng ipinagbago mo, Kim,” masayang wika ni Sir Jay.

“Dinalaw talaga kita sir para pasalamatan. Kung hindi dahil sa’yo baka hanggang ngayon ay nagtatrabaho pa rin ako bilang dancer sa club. Maraming salamat sa’yo sir dahil hindi mo sinamantala ang pakiusap ko sa’yo noon. Kung nangyari iyon baka wala na akong mukhang ihaharap sa inyo at sa ibang tao,” nakangiting wika ni Kim.

“Ayos lang iyon Kim, ang mahalaga may natutunan ka sa pangyayaring iyon. Proud na proud ako sa narating mo ngayon. Isipin mo lagi na pagsubok lamang ang lahat ng nangyari sa iyong nakaraan para mas lalo kang pagtibayin ng panahon. Tingnan mo naman ang narating mo ngayon, sinong mag-aakalang dumaan ka rin sa matinding hirap noon. Always stay humble. Lagi lang dapat nakaapak ang paa sa sahig,” simpleng mensahe ni Sir Jay pero napakalalim ng ibig sabihin.

Niyakap niya ito ng mahigpit bago siya tuluyang umalis. Malaki ang utang na loob niya rito at habang nabubuhay siya’y hinding-hindi niya kakalimutang pasalamatan ito palagi.

Advertisement