Limang Dosenang Itlog ni Divina

Limang Dosenang Itlog ni Divina

FunKarmaStories

Lumaki si Divina sa probinsya. Isa siyang napakagandang dalaga. Napakasipag din niya sa mga gawaing bahay at maging sa pagtatrabaho sa bukid. Matalino rin siya at mahilig mag-aral kaya palaging matataas ang kaniyang marka nung pumapasok pa siya sa eskwelahan. Sa kasamaang palad ay nahinto siya sa pag-aaral dahil nagkasakit ang kanyang ama at ilang buwan din itong hindi nakapagtrabaho sa bukid. Siya ang pansamantalang umako ng trabaho nito kasama ang kanyang ina kaya hindi siya nakapagtuloy sa kolehiyo. Masasabing ulirang dalaga si Divina ngunit siya ay sobrang ‘mapangarapin’.

Umaga o tanghali man ay nangangarap si Divina. Lagi na lamang siyang nakikitang nakatingin sa malayo, waring nag-iisip at nangangarap nang gising. Dahil dito, nakilala siya sa tawag na Divinang Mapangarapin. Hindi naman nagalit ang dalaga bagkus pa ngang ikinatuwa pa niya ang bansag na ikinabit sa pangalan niya.

“O narito na naman si Divinang Mapangarapin. Kung ano-ano na namang bagay ang iniisip niya,” natatawang sabi ng isa sa mga kapitbahay niya na si Lucia sa mga kasama nito.

“Bakit ganyan na naman kayo makatingin sa akin?” tanong niya sa grupo ni Lucia.

“Nandyan na naman kasi ang presensya mo e. Kung ano-ano na namang pangarap ang ikukuwento mo sa amin,” wika ng isa sa mga kasama ni Lucia.

“Bakit, masama bang mangarap? Kayo kasi ay kuntento na sa mga buhay niyo, ako ay maraming malalaking pangarap na gustong maabot na kapag nakapagtapos ako ng pag-aaral ay hindi na imposible,” sagot niya sa mga ito.

Minsan ay niregaluhan siya ng isang binata ng isang dosenang dumalagang manok. Ang binata ay ang kaniyang kababata at manliligaw na si Alier. Tuwang-tuwa si Divina sa regalo ng guwapong binata.

“Para sa iyo iyan, mahal kong Divina. Sana ay pakaingatan mo at alagaan,” wika ni Alier nang dumalaw ito sa kanilang bahay.

“Naku maraming salamat mahal ko. Alam mo namang mahilig akong mag-alaga ng mga hayop. Mayroon na akong alagang kalabaw, baka, baboy at aso tapos ngayon ay mga manok naman,” masaya niyang tugon.

Inalagaan niyang mabuti ang alaalang bigay sa kanya ng nag-iisang manliligaw. Nagpagawa siya sa kanyang ama ng kulungan para sa mga manok niya.

“O anak hayan na, gawa na ang kulungan ng mga manok mo,” wika ng kanyang ama.

“Salamat po, itay. May bahay na ang mga alaga ko,” tuwang-tuwang sagot ni Divina.

“Alagaan mong mabuti ang mga manok na ibinigay sa iyo ng iyong manliligaw ha? Malaking pera ang maipapasok ng mga iyan sa atin,” saad pa ng ama.

Higit sa karaniwang pag-aalaga ang ginawa ni Divina sa mga manok. Pinapakain niya at pinaiinom ang mga ito sa umaga, sa tanghali at sa hapon. Dinagdagan pa ito ng pagpapainom ng gamot at pataba. At pinangarap ni Divina ang pagdating ng araw na magkakaroon siya ng mga inahing manok na magbibigay ng maraming itlog.

Lumipas ang ilang buwan hanggang sa dumating ang araw na nangitlog ang lahat na inahing manok na alaga ng dalaga. Labindalawang itlog ang ibinibigay ng mga inahing manok araw-araw. At kinuwenta ni Divina ang bilang ng itlog na ibibigay ng labindalawang alagang manok sa loob ng pitong araw sa isang linggo. Kitang-kita ang saya sa mukha ni Divina sa kaniyang pangarap.

“Wow, ang daming itlog! Tiyak na malaki ang kikitain ko rito,” bulong niya sa sarili.

At inipon na nga ni Divina ang itlog ng mga inahing manok sa araw-araw. Nabuo ito sa limang dosenang itlog. At isang araw ng linggo ay pumunta siya sa bayan. Sunong niya ang limang dosenang itlog. Habang nasa daan ay nangangarap na naman nang gising si Divina. Ipagbibili niyang lahat ang limang dosenang itlog. Pagkatapos ay bibili siya ng magandang tela, ipapatahi niya ito ng magandang bestida na teternuhan pa niya ng magandang sapatos na balak niyang bilhin sa bayan. Habang nangangarap na suot-suot na ang magarang bestida at sapatos ay saka siya lumakad ng pakendeng-kendeng. Lalong pinaganda ni Divina ang paglalakad nang pakendeng-kendeng nang biglang natapilok siya at ‘di sinasadyang nabitawan niya ang basket na may lamang mga itlog.

“Diyos ko, ang mga itlog ko!” sigaw niya.

Nahulog ang limang dosenang itlog sa lupa at nabasag ang mga iyon. Hindi nakapagsalita si Divina sa kabiglaan. Nang mahimasmasan ay saka napaiyak ang dalaga sa nangyari. Biglang gumuho ang kaniyang pangarap at naglahong parang bula kasabay ng pagbagsak ng limang dosenang itlog na kaniyang sunong-sunong.

Napagtanto niya na kung naging mas maingat sana siya sa paglalakad ay hindi mababasag ang mga itlog na maibebenta niya sana sa bayan. Walang nagawa si Divina kundi ang umuwing lulugu-lugo at nagsisisi sa kaniyang ginawa.

Hindi masama ang mangarap ngunit mas mabuti kung bigyan muna ng pansin at ituon ang isip sa kasalukuyan para makamit ang mga ninanais sa buhay.

More Stories