Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Bakit Nagpakasal Kayo Agad?! - Inday Trending

Bakit Nagpakasal Kayo Agad?!

Kakatapos lamang ng magkasintahang sina Abby at Erwin ng kursong nursing at nakuha na rin nila ang kanilang mga lisensya. Ngayon ay magsisimula na sila sa kanilang karera bilang mga tunay na nurse.

“Mommy, kailan ang uwi niyo ni daddy rito? May gusto sana kaming sabihin sa inyo ni Erwin,” saad ng dalaga habang ka-video chat niya ang kaniyang nanay.

“Naku naman, anak, huwag niyong sabihin na buntis ka? Dahil ngayon pa lang ay maghahalo ang balat sa tinalupan. Hindi ko hinayaan na magsama kayo sa iisang dorm para lang masira ang pangarap mo! Isa pa, ‘yang si Erwin ay hindi magandang impluwensya sa’yo!” baling kaagad ni Elena, nanay ng dalaga.

“Ma, wait lang. Hindi ako buntis at mas lalong hindi mo kailangan maging O.A. ng ganyan kasi okay lang ako. Magpapaalam lang sana kami ni Erwin sa’yo, sa inyo ni daddy,” paliwanag naman muli ng dalaga.

“Magpapakasal na po kami!” rebelasyon nito.

“Nagbibiro ka ba, anak? Okay ka lang ba talaga? Ginayuma ka ba niyang nobyo mo? Ang kasal ay sagrado, permanente at panghabambuhay. Walang luwaan kapag umay ka na, walang ayawan kapag sobrang sakit na kasi habang buhay na pangako ‘yun sa Diyos!” galit na paliwanag ni Elena sa anak.

“Uuwi kami riyan next week kung ganyan ang mga tumatakbo sa utak mo. Kailangan mong masampal, Abby!” sita pa ni Glen, ang ama ng dalaga na nasa video chat din.

“Mommy, daddy, malaki na ako. Nasa tamang edad na ako. Tsaka, sigurado na kami ni Erwin. Kaya nga magpapakasal kami kasi ayaw na namin mahiwalay pa sa isa’t-isa. Pasasaan ba’t doon na rin naman ang punta namin kaya naman uunahan na namin ngayon pa lang,” paliwanag ni Abby sa magulang.

“Bakit?!” sabay na tanong ng kaniyang mga magulang.

“Mahal namin ang isa’t-isa, ‘yun lang sapat na! Basta po, hindi na magbabago ang isip namin. Magpapakasal kami bago matapos ang taon na ito,” saad ng dalaga at natapos na ang kanilang pag-uusap.

Nasa Canada ang pamilya ni Abby, doktor kasi roon ang kaniyang ama at napetisyon na nito ang buong pamilya nila para nga roon na manirahan. Ngunit mas pinili niyang manatili rito sa ‘Pinas kasama ng kaniyang nobyo.

Wala pa mang isang linggo ay mabilis na nakauwi ang mga magulang ni Abby para nga pigilan nila ang anak sa binabalak nitong pagpapakasal.

“Mommy, sigurado na kami ni Erwin at gusto na naming magpakasal. Hindi naman ako buntis. Ang amin lang naman ay magpapakasal na kami para maging legal na ang pagsasama namin,” paliwanag ni Abby sa kaniyang mga magulang.

“Bakit kailangan niyo pa ng kasal? Ang bata mo pa, baka kapag nakapagtapos kayo at nagkaroon kayo ng trabaho ay magbago ang bugso ng damdamin niyo. Nasa huli ang pagsisisi, anak. Saka hindi na nga namin kayo pinagbabawalan na magsama sa iisang dorm, bakit niyo pa kailangang magpakasal? Uso naman na ang ganitong set-up,” kontra naman ng kaniyang ina.

“Isa pa, mas mayaman pa tayo riyan sa nobyo mo. Baka naman kapag dumating ang araw ay ikaw pa ang bumuhay sa kaniya. Tsaka, kakasimula niyo pa lang sa trabaho, ngayon pa lang kayo mag-iipon at ngayon pa lang ninyo matitikman ang buhay. Bakit niyo kailangang magmadali? Anong meron!?” dagdag pa ng kaniyang ama.

“Alam po naming marami pang pwedeng mangyari, alam naming wala pa kami sa kalahati ng natatakbo sa buhay namin. Alam din naming papunta pa lang kami at pabalik na kayo sa aspetong ito. Pero, mommy, daddy, mahal namin ang isa’t-isa. Hindi naman ibig sabihin uso na ang live-in ay makikigaya na kami. Ngayon na nagtratrabaho na kami, gusto na namin planuhin ang buhay namin nang magkasama at hindi namin magagawa iyon nang hindi kami nagpapakasal,” paliwanag ng dalaga.

“Alam kong marami kayong ikokontra sa’kin, pero hindi ba sapat na mahal kasi namin ang isa’t-isa kaya gusto na naming humarap sa altar? Hindi ko kailangan ng lalaking maraming pera, dahil sasamahan ko siyang bumuo ng kastilyo niya at ako ang magiging reyna nun. Gusto lang namin magpakasal, hindi engrande, hindi pangmalakasan kung ‘di mangangako lang kami sa harap ng Diyos na kami na hanggang dulo,” dagdag pa nito.

Napapikit na lamang ang kaniyang mga magulang sa mga sinabi ni Abby sa kanila. Lumipas ang tatlong buwan ng pilitan ay hindi nagbago ang isip nito. Dumating sa punto na hinintuan nila ang suportang pinansyal sa anak para maramdaman nito ang hirap. At kung ano pa. Ngunit kitang-kita rin nila ang naglalagablab na pag-ibig ng dalawa para sa isa’t-isa. Walang nagawa ang mga magulang ni Abby at Erwin kung ‘di suportahan at ipagdasal ang pag-iibigan nito.

Ikinasal sa huwes ang magkasintahan, walang engrandeng handaan at pawang mga malalapit na kaibigan lamang nila ang nakasaksi noon.

Lumipas ang ilang taon, nakita naman ng kanilang mga magulang na maayos ang pagsasama ng dalawa. Mas nakita nilang nagsusumikap ang dalawa, nag-ipon ito para magkabahay, magkakotse at kung ano-ano pa. Sa edad na 28 ay nagka-anak si Abby. Ngayon ay masayang-masaya ang dalawa.

“Anak, salamat ha? Kasi uso pa rin pala ang tunay na pag-ibig sa panahon ngayon,” bati ni Aling Elena sa kaniyang anak.

“Alam mo, mommy, bata lang kami noon pero hindi ibig sabihin hindi pa kami sigurado sa nararamdaman namin. Hindi naman ibig sabihin na sobrang saya ng relasyon namin, kasi normal ang pagkakagalit at problema sa isang pagsasama. Pero lagi naming iniisip na pipiliin namin palagi ang isa’t-isa. Salamat kasi nagtiwala kayo sa amin,” yakap ni Abby. Nagngitian na lamang ang mag-ina at sabay na nagtawanan.

Sabi nila ang pag-ibig ay walang edad, walang panahon. Ang mayroon lang ay ‘yung pangakong bibitawan mo sa harap ng Panginoon. ‘Yung ikaw at ako hanggang dulo. Kaya sa lahat ng mag-asawa o magkasintahan, lagi niyo sanang piliin ang pangakong iyon. Lagi sanang manaig ang pag-ibig sa puso nating lahat, kabayan!


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.