Inday TrendingInday Trending
Sige, Sugal Pa!

Sige, Sugal Pa!

Kakamot-kamot sa ulong umuwi si Mang Ambo sa kanilang bahay nang araw na iyon. Naipatalo na naman niya ang kaniyang pera sa sabong. Mali na naman kasi ang manok na kaniyang napustahan.

“Ano na, Ambo? Talo ka na naman!” pagbubungangang tuloy ng kaniyang asawang si Aling Lorna. “Imbes na naipambili natin ng pagkain ʼyang ipinangsusugal mo, wala! Sayang lang!” dagdag pa nito. Halos matuliling ang tainga ni Mang Ambo sa tinis ng boses ng kaniyang misis.

“Oo, talo ako! Minamalas kasi ako palagi, dahil sa ingay ng bunganga mo!” hiyaw naman ni Mang Ambo pabalik sa kaniyang asawa.

“Ako pa? Ako pa ang malas? Ang sabihin mo, ikaw ang malas! Kailan man ay walang nangyaring maganda simula nang matuto kang magsugal. Pati kami ng anak mo, pinabayaan mo na!” galit na galit pang sumbat ni Aling Lorna.

Hindi na kumibo pa si Mang Ambo at pinabayaan na lamang magbunganga ang asawa.

Isang talamak na sabungero si Mang Ambo. Halos araw-araw ay maaga itong bumabangon sa higaan para lang haplos-haplusin ang kaniyang manok na pulang siya niyang panlaban sa sabong. Wala namang magawa tungkol doon ang kaniyang asawa dahil ayaw rin namang magpapigil nito.

Gaya ng umagang ʼyon. Napapailing na lang ang asawa ni Mang Ambo nang makitang naroon na naman ito at kaharap ang alagang manok na pula. Hahaplos-haplos na naman ito roon na animo nakakasuwerte ang kaniyang ginagawa.

“Mamang, bakit ganiyan si papang? Mahal na mahal ang manok niya, pusta pa nang pusta, e palagi namang talo,” naiinis na komento ng anak ni Mang Ambo.

“Ay ewan ko ba riyan sa ama mong ʼyan. Hindi na nadala! Sugal nang sugal! Kahit kailan naman ay hindi nanalo! Walang nananalo sa sugal!” galit namang saad ni Aling Lorna na hindi nangiming ipinarinig iyon sa asawa. Ang tagal nang panahon niya itong pinagbibigyan ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nadadala. Ngali-ngali na nga itong banatan ni Aling Lorna kung hindi lang siya nagpipigil!

Napapalatak naman si Mang Ambo sa narinig. “Umentra na naman ang pangontra!” iiling-iling niyang sabi habang patuloy na hinahaplos ang kaniyang manok na pula. “Hayaan mo, mamaya lang, pupunuin ko ng pera ʼyang bulsa mo!”

Ang totoo ay hindi naman nagsisinungaling si Aling Lorna. Palagi naman talagang talo si Mang Ambo sa sabong dahil napakalampa ng kaniyang manok na pula. Kaya lang, hindi siya papayag na basta na lang umaming isa siyang talunan. Wala na nga siyang trabaho, talunan pa siya.

Kita ni Mang Ambo ang tamlay ng kaniyang manok na pula. Alam niyang wala talaga ito ngayon sa kondisyon, ngunit may naisip siyang magandang plano.

“Sa kalaban ako tataya mamaya!” Ngumisi si Mang Ambo sa likod ng kaniyang isipan dahil sa kaniyang plano.

Masiglang dumating si Mang Ambo sa tupadahan. Bagong ligo siyang dala-dala ang kaniyang panabong na manok. Masayang pumuwesto si Mang Ambo bago pa magsimula ang salpukan ng mga panabong.

Pasimple siyang tumaya sa kabilang kampo, dahil alam niyang walang mapapala ang kaniyang manok na pula kundi ang pagkatalo. Nang mag-umpisang magsalpukan ang mga manok ay umayon kaagad sa kaniyang plano ang tadhana. Mabilis na nasaktan ng kalaban ang kaniyang panabong—ngunit doon nagsimulang magbago ang takbo ng sitwasyon… dahil ang kaninang walang pag-asa at tatamlay-tamlay niyang manok na pula ay biglang humataw sa entablado ng tupada!

Nagtatakbo ang kalaban ng kaniyang manok… at sa huli ay ito pa ang nanalo!

“Anoʼng nangyari?!” Halos manlumo si Mang Ambo sa nangyari. Bagsak na bagsak ang kaniyang balikat nang siya ay naglalakad nang pauwi, dala ang kaniyang manok.

Madilim sa kanilang bahay nang umuwi si Mang Ambo. Naka-off ang lahat ng ilaw kahit pa madilim na ang paligid sa labas.

“Lorna? Belinda?” tawag niya sa kaniyang mag-ina… ngunit namamaos na lang siya ay wala pa ring sumasagot.

“Mukha yatang walang tao rito, ah!” naisaisip ni Mang Ambo. “Saan kaya nagpunta ang mga ʼyon?”

Lahat ng kaniyang tanong ay nasagot agad, matapos niyang makitang wala na ang lahat ng gamit ng kaniyang mag-ina. Hindi niya alam kung saan sila nagpunta, ngunit isa lang ang sigurado niya…

Iniwan na siya ng mga ito!

Noon lamang napagtanto ni Mang Ambo na ito na pala ang naging epekto ng kaniyang manok na pula, hindi lang sa kaniyang buhay, kundi sa kaniyang buong pamilyang simula nang araw na iyon ay hindi na niya nakita pa.

“Walang nananalo sa sugal, pero palaging may talo dʼyan.” Iyon ang laging payo ng asawa ni Mang Ambo sa kaniya, na ngayon niya lang talaga napatunayan.

Advertisement