Tutulong Kuno

“Hindi ko na talaga alam kung ano ang gagawin ko para mabuhay ang mga pananim natin sa palayan. Hirap na hirap na ako, dahil palagi na lang tayong nape-peste, bago pa ang anihan! Luging-lugi na tayo,” nanlulumong sumbong ni Poly sa kaniyang asawang si Bert nang makauwi sila galing sa kanilang palayan.

Hindi na nila kaya pang remedyuhan ang danyos na idinudulot sa kanila ng mga pesteng palagi na lang sumisira sa kanilang kabuhayan.

“Dati-rati namang wala ang mga ʼyan. Hindi ko alam kung saan sila nanggaling!” namumroblema namang sagot ni Mang Bert.

“Kailan kaya matatapos itong problema natin?” tanong pa ni Aling Poly na nang gabing iyon ay nakatulugan na nila sa kaiisip.

Kinabukasan, maagang nagtungo sa kanilang bahay ang isa sa mga kapwa nila magsasakang kapareho rin nilang pinipeste ang palayan.

“Poly, Bert, nagpatawag ng meeting si kapitan para sa ʼting mga magsasaka. May sasabihin lang daw. Halinaʼt baka mahuli tayo!” pagbabalita pa nito.

“Ano kayang mayroon?” takang tanong naman ni Poly sa kaibigan.

“Hindi ko rin alam, e. Bastaʼt importante raw,” sagot naman nito kaya naman sinunod na lang iyon ng mag-asawa.

Advertisement

Pagkarating na pagkarating nila sa nasabing meeting ay agad nilang napansing mayroong mga mukhang magagarang bisita ang kanilang lugar. Nakasuot ang mga ito ng mga office suit at may kung anong pinag-uusapan ang mga ito at ang kanilang kapitan.

“Mga kabaranggay, ipinakikilala ko nga pala sa inyo si Mr. Ledesma. Nabanggit ko sa kaniya ang sitwasyon ngayon ng ating mga palayan. Sinabi ko sa kaniyang halos lahat tayoʼy namumroblema sa mga salot na pumipeste sa ating mga palayan. Wala na tayong pag-asa pang umunlad kung patuloy tayong makakaranas ng ganitong sakuna. Ang mas mabuti pa ay maghanap na tayo ng panibagong pagkakakitaan at magsimula tayo ng panibagong buhay…” paglilitanya ng kanilang kapitan sabay baling sa mga kasama nitong personalidad. “At sila, ang makatutulong sa atin tungkol doon!”

“Bibilhin po namin ang inyong mga lupang sinasaka sa halagang sasapat upang maging maayos ang inyong pagbabagong buhay. Bukod pa roon, kayo ay bibigyan namin ng libreng training tungkol sa kung papaanong magnegosyo…”

Napakagaling magsalita at mangumbinsi ng kanilang mga estrangherong bisita na naging dahilan kung bakit mabilis din silang napapayag ng mga ito. Umuwing may ngiti sa labi ang mga magsasaka, pati na rin ang mag-asawang Poly at Bert. Handa na silang makipagpirmahan, bukas na bukas din ng umaga.

Halos hindi makatulog si Aling Poly sa kaiisip sa parating nilang magandang kapalaran pagkatapos nilang mapirmahan ang pagbebenta ng mga dokumento sa kanilang lupain. Nang gabing iyon ay doon sila natulog sa kanilang kubo upang namnamin ang mga huling sandaling kanila pa ang lupang iyon. Nagkakape si Aling Poly sa labas ng kanilang kubo nang mapansin niyang parang may kung anong kumakaluskos at gumagalaw sa kanilang palayan, sa ʼdi kalayuan. Binalot ng takot si Aling Poly kaya naman tinawag niya si Mang Bert.

“Pangga, halikaʼt tingnan natin kung ano ʼyong gumagalaw na ʼyon doon!” sabi ni Aling Poly sa asawa na agad namang tumalima. Sabay silang naglakad nang palihim sa nakatalikod na taong may kung anong ginagawa sa palayan… at ganoon na lamang ang pagkagimbal nila nang malamang sinadya pala ang pagpapakawala ng peste sa bawat palayan!

“Namumukhaan kita, ah! Ikaw ʼyong isa sa mga tauhan nina Mr. Ledesma na siyang gustong bumili sa mga lupa namin!” hiyaw ni Aling Poly nang mahuli nila ang kawatang nagpapakawala pala ng peste sa palayan!

“Hindi po! Hindi po ako ʼyon!” tanggi naman ng lalaki.

Advertisement

“Huwag mo na kaming lokohin! Sigurado akong isa ka sa tauhan ng mga ʼyon!”

Agad na ipinakalat ng mag-asawa ang balitang nakitang mismo ng kanilang dalawang mga mata. Galit na galit tuloy ang kanilang mga kapwa magsasaka na noon ay gusto nang sugurin ang manlolokong negosyanteng si Mr. Ledesma!

“Ang sama naman pala niyang si Mr. Ledesma! Paano niya nagawa sa atin ang ganoong bagay?” malaking tanong ng mga magsasakang kamuntik nang maloko ni Mr. Ledesma.

Isang malaking leksyon ang natutunan, hindi lang nina Aling Poly at Mang Bert, kundi pati na rin ng kanilang mga kapwa magsasaka. Kahit mahirap ka pala, magiging puntirya ka rin ng mga kawatang gustong manlamang sa kapwa, kahit pa mas nakatataas na sila, alang-alang sa pera. Maraming tao ang pinipiling manloko ng mga mang-mang, imbes na ang mga ito ay kanilang tulungan o kahit kaawaan man lang.

Nang dahil sa natuklasan, nagsama-sama ang lahat ng mga magsasaka at iniurong ang napag-usapang pagbebenta ng kanilang mga lupain. Sama-sama rin silang naghain ng reklamo sa korte upang mabigyan ng hustisya ang ginawang panloloko ng mga ito sa kanila.

Sa kabutihang palad, isang senador ang nakapansin at tumulong sa mga magsasakang ito, kaya’t napabilis at napalakas ang kanilang kaso. Nang maipanalo nila ito, binayaran at naibalik ang lahat ng perang nawala sa kanila nang dahil sa ginawang pagpapakalat ng peste sa kanilang sakahan.

Kung akala ng mga manlolokong ito na maiisahan nila ang mga magsasaka’y nagkakamali sila. Napatunayan nilang walang maliit na hindi nakakapuwing.