Inday TrendingInday Trending
Tinatanaw na Pangarap

Tinatanaw na Pangarap

“Uy bata… alis ka riyan… ang dumi-dumi mo…” pagtataboy ng aleng kapitbahay ni Rhoda sa isang batang lalaking nakasungaw sa bintana ng bahay nito.

Napalingon si Rhoda sa direksyon ng bahay ng kanilang kapitbahay. Kasalukuyang nagdidilig ng mga halaman si Rhoda nang marinig niya ang tinig ng masungit na si Aling Alberta.

“Pasensya na, nakikinood lang naman po,” paghingi ng paumanhin ng batang lalaki.

“Bakit ba lagi kang nakikinood dito sa amin? Kapag ako nainis ililipat ko na ang puwesto ng TV ko para hindi ka na makinood dito,” galit na sabi ni Aling Alberta. Lulugo-lugo namang umalis ang batang lalaki.

Laging napapansin ni Rhoda na ang batang lalaki, na sa palagay niya ay nangangalakal dahil sa hawak nitong sako, at dumaraan sa kanilang kalye at tumitigil sa tapat ng bahay nina Aling Alberta. Sumusungaw ito sa bintana at nakikipanood sa malaking telebisyon ng kapitbahay, lalo na kapag cartoons ang pinanonood o mga pelikula. Minsan, hindi siya napapansin ni Aling Alberta. Ngunit kapag napansin siya, gaya ngayon, ipinagtatabuyan ng kapitbahay ang bata.

“Hay naku, ililipat ko na talaga ng puwesto ang TV ko para hindi na makapanood ang batang iyon,” naiinis na turan ni Aling Alberta.

“Aling Alberta, relax lang, galit ka na naman,” bati ni Rhoda sa kapitbahay.

“Umiinit ang ulo ko sa batang iyon. Napakadumi. Panay silip sa loob ng bahay ko. Paano kung miyembro pala ng sindikato iyon o magnanakaw at tinitiktikan ang aking bahay? Naku kailangan ko na talagang baguhin ang puwesto ng mga gamit sa bahay.”

Makalipas ang dalawang araw at inayos nga ni Aling Alberta ang puwesto ng mga gamit niya sa bahay, partikular ang telebisyon. Siniguro nito na hindi ito nakaharap sa bintana kung saan tumatambay ang batang lalaki at nakikipanood.

Nang muling dumaan ang bata sa kanilang kalye at nakisilip sa bintana ng bahay, hindi na siya makapanood dahil hindi na nakaharap sa bintana ang telebisyon.

Tinawag ni Rhoda ang bata. Mabuti na lamang at may ginagawa si Aling Alberta kaya hindi nito napansin ang muling pagsilip ng batang lalaki.

“Anong pangalan mo bata? Taga-saan ka?” tanong ni Rhoda sa batang lalaki.

“Eric po ang pangalan ko, taga-Payatas po ako. Bakit po? Isusumbong ninyo po ba ako sa babae na sumilip ako sa bahay niya para makinood?” inosenteng tanong ni Eric. Bakas sa mukha niya ang pag-aalala.

“Hindi naman. Naitanong ko lang naman. Lagi ko kasing napapansin na lagi kang nakikinood ng TV sa kanila kapag dumaraan ka rito. Ano bang pinagkakakaabalahan mo? Nag-aaral ka ba o nangangalakal?” untag ni Rhoda sa bata.

“Namamasura po. Tinutulungan ko lang po ang tatay ko kasi may sakit siya pero hindi siya tumitigil sa pamamasura din para may makain kami. Nag-aaral din po ako pero hindi ako madalas pumasok kasi wala pong pambaon at pambili ng uniporme, pati na rin po gamit sa eskwela,” kuwento ng batang lalaki.

Nabagbag ang kalooban ni Rhoda sa salaysay ng bata. Bago ito umalis ay binigyan muna niya ito ng pagkain.

Kinausap ni Rhoda ang kaniyang asawang si Macario pagkauwi nito galing sa trabaho.

“Dad, tulungan mo naman akong mag-ayos ng mga gamit natin. Gusto kong iharap sa bintana natin ang telebisyon,” hiling ni Rhoda sa kaniyang asawa.

Pagsapit ng Linggo, inayos ng mag-asawa ang kanilang mga kasangkapan at iniharap nga sa bandang bintana ang kanilang telebisyon. Malaki rin naman ito, ngunit hindi kasing laki ng kina Aling Alberta. Nasa abroad kasi ang asawa nito kaya may kaya sila.

Kaya sa tuwing dumaraan si Eric sa naturang eskinita, hindi na kina Aling Alberta tumatambay ang bata. Sa bintana na nina Rhoda. Hinahayaan lamang ni Rhoda na makinood ang bata at minsan pa ay inaabutan niya ng pagkain.

Isang gabi, tuwang-tuwa si Macario dahil nanalo siya sa isang raffle sa trabaho. Isang maliit na telebisyon ang kaniyang napanalunan.

“Pwede bang sa akin na lamang iyan? May naisip akong pagbibigyan,” sabi ni Rhoda.

Pumayag naman si Macario na ibigay ang napanalunang telebisyon sa mas nangangailangan nito. Kaya nang mapadaan ulit si Eric sa kanilang eskinita, tinawag niya ito.

“Ano po iyon mam? Hindi ninyo na po ba ako papayagang makinood?” tanong ni Eric.

“Gusto ko lang itanong kung may kuryente ba kayo sa bahay?” tanong ni Rhoda.

“Mayroon naman po, bakit po?” tanong ni Eric.

Inilabas ni Rhoda ang maliit na telebisyon at iniabot kay Eric.

“Sa inyo na ang telebisyon na ito. Gumagana iyan. Para hindi ka na nakikinood. Pamasko ko na iyan sa isang batang masipag na katulad mo,” nakangiting sabi ni Rhoda.

Tuwang-tuwa naman si Eric at halos maluha-luhang nagpasalamat kay Rhoda. May panonooran na raw silang magtatay dahil naiinip at malungkot daw sila sa bahay. Lumulundag naman ang puso ni Rhoda dahil may napasaya siyang bata. May napasaya siyang pamilya.

Advertisement