
Ang Baliw na si Lukring
Napukaw ang pansin ni Aling Arlene sa maingay na mga batang naglalaro sa lansangan. Tila may pinagdidiskitahan ang mga ito. Hindi nga siya nagkamali. Pinaglalaruan ng mga ito ang babaeng baliw na pagala-gala sa kanilang lugar na tinawag na “Lukring”. Litaw na litaw naman ang bungi-bungi, bulok at madidilaw nitong ngipin sa ginagawa ng mga bata sa kaniya. Pinapasayaw nila ito at ginagawa naman ng kahabag-habag na baliw.
“Mga bata, tigilan ninyo si Lukring. Isusumbong ko kayo sa mga magulang ninyo!” sita ni Aling Arlene sa mga bata. Nagpulasan naman ang mga ito dahil asawa si Aling Arlene ng isang guwardiya.
Binigyan naman ni Aling Arlene ng tinapay ang baliw. Nagtatatalon ito sa tuwa at nagtatatakbo paalis.
Walang nakaaalam kung saang lugar galing si Lukring. Wala ring nakakaalam kung ano ang tunay niyang pangalan at kung may pamilya pa ba ito. Bigla na lamang itong napadpad sa kanilang lugar – kumakanta, sumasayaw, at minsan pa’y nagwawala. Minsan naman, tahimik lamang itong nakaupo sa isang sulok, sa tabi ng puno, sa tabi ng tindahan, o kahit saan mang maibigan niya. Kung susuriin, may taglay na ganda si Lukring subalit hindi ito mapapansin dahil natabunan na ng nagmamapang libag at dumi sa kaniyang mukha.
Sa tuwing napapadaan si Lukring sa tapat ng kanilang bahay, inaabutan niya ito ng pagkain, kaya naman tuwang-tuwa ito sa kaniya. Dahil likas na mabuti ang kalooban ni Aling Arlene, hindi niya kinaliligtaang bigyan ng pagkain at inumin ang baliw. Naaawa siya rito. Wala rin naman siyang pinagkakagastusan dahil hindi sila biniyayaan ng anak ni Mang Eduardo, ang kaniyang asawa. Ayon sa espesyalista ay baog siya. Kahit na ganito, minahal pa rin siya ng kaniyang mister.
Isang araw, nagulat si Aling Arlene dahil narinig na naman niyang nagwawala si Lukring sa labas. Umiiyak ito at sa hindi maintindihang mga salita ay parang may inaaway ito. Sinasabi nito ang mga salitang “Hayop!” Hayop!” Napansin din niyang parang sira-sira na ang mga damit nito kaya kumuha siya ng pinaglumaang mga damit at daster at iniabot kay Lukring. Kapag nagwawala si Lukring, walang nagtatangkang maglakad sa kalsada sa takot na mapagbalingan ng baliw. Ngunit nang makita ni Lukring si Aling Arlene, kinuha nito ang mga damit at pagkain na iniabot niya at nagtatatakbong palayo.
Ilang buwan ang nakalilipas, napansin ni Aling Arlene na madalas na naglalakad nang tahimik at tulala si Lukring. Parang walang nakikita. Hindi rin nito kinukuha ang mga pagkaing ibinibigay niya. Naglalakad lamang ito na tila walang nakikita.
Dumaan pa ang ilang buwan at napansin ng lahat na lumalaki ang tiyan ni Lukring. Nagdadalantao ito. Maaaring pinagsamantalahan ito ng sinuman sa kalye. Maaaring ito ang dahilan kung bakit ito nagwawala noon.
“Susmaryosep na mga lalaking ito, pati ba naman nanlilimahid na baliw ay pinatos!” sabi ng kapitbahay ni Aling Arlene nang minsang makita nila si Lukring.
“Paano kaya natin siya matutulungan?” tanong ni Aling Arlene.
“Mabuti pa ay ipagbigay-alam natin sa barangay para maalagaan siyang mabuti. Kawawa naman ang sanggol sa sinapupunan,” mungkahi ng kapitbahay ni Aling Arlene.
Sa magkasanib na puwersa ng barangay at ng mga kinatawan ng mental hospital ay kinuha nila ang buntis na si Lukring. Kabuwanan na pala nito. Mas mainam na nasa tamang pangangalaga ito ng mga awtoridad lalo pa’t malapit na itong manganak. Hindi rin matukoy kung sino ang lalaking nanamantala rito. Naisip nilang marahil ay isa sa mga lalaking palaboy-laboy rin.
Isang gabi, malakas ang buhos ng ulan. Tila may bagyo. Inayos nina Aling Arlene at Mang Eduardo ang kanilang mga halamang nakapaso sa labas upang hindi tangayin ng hangin. Nagulat sila dahil may isang pamilyar na babae na kumakalampag sa kanilang tarangkahan. Si Lukring! Pumapalahaw ito ng iyak at tila nagmamakaawa.
Pinapasok nila ito at laking-gulat nila dahil punumpuno ng tubig at dugo ang puwerta nito. Hawak nito ang kaniyang tiyan senyales na manganganak na. Humiga ito sa kanilang sahig. Tumawag ng ambulansya si Mang Eduardo. Maya-maya lamang, nagluwal na si Lukring ng isang payat na sanggol. Lumungayngay ang ulo ni Lukring. Tila wala nang buhay.
Ayon sa mental hospital, nakatakas si Lukring matapos itong magwala at kagatin sa kamay ang guwardiya. Marahil ay nagwawala ito dahil sa sakit na nararamdaman dahil manganganak na. Sa tulong ng barangay ay ipinalibing nila ang labi ni Lukring. Ipinasya naman nina Aling Arlene at Mang Eduardo na ampunin ang anak ni Lukring.
Pinalaki nila ito sa pagmamahal, pagmamahal na ipinagkait sa nanay nitong baliw. Naniniwala silang may dahilan kung bakit nila nakilala si Lukring at kung bakit ito napadpad sa kanilang poder nang manganak ito.