Inday TrendingInday Trending
Package Para Kay Aling Joy

Package Para Kay Aling Joy

Dinig na dinig ni Mikay ang pinagtatalunan ng kaniyang itay at inay. Malungkot siya dahil nagtatalo na naman ang mga ito na halos nangyayari sa araw araw na ginawa ng Diyos.

“Humanap ka kaya nang mas magandang trabaho, hindi ‘yong sa pabrika ng bulaklakan ka nagtatrabaho! Kay liit-liit ng kita. Kung namamasada ka na lamang? Mas malaki pa ang kikitain mo. Berting naman, lumalaki na ang mga bata. Hindi natin kakayanin ang pagpapaaral sa kanila kung diyan ka pa rin magtatrabaho,” sigaw ng kaniyang inay na si Aling Joy.

“Ano ka ba naman Joy? Halos magkandakuba na nga ako sa pag-oovertime hindi mo pa rin napapahalagahan ang mga pagsisikap ko para sa pamilyang ito? Huwag kang mag-aalala, makaka-jackpot din tayo,” maya-maya ay sabi naman ng kaniyang itay na si Mang Berting.

“Kung sana ay nag-ingat ka lamang sa pagmamaneho noon at hindi kaskasero, eh ‘di sana nakuha mo pa ang lisensya mo! Mas mainam pa dati na nakakapamasada ka. Driver ka Berting at hindi tagagawa ng bulaklak na palamuti sa pabrika! Trabahong pambabae iyan,” sumbat ni Aling Joy habang pinapadede ang bunsong anak na si Junior.

“Makaalis na nga muna. Doon muna ako kina Kumpareng Pedring. Mamayang gabi na ako babalik. Puro sermon mo ang naririnig ko rito sa bahay. Imbes na nagpapahinga ako dahil Linggo, ganyan pa ang maririnig ko mula sa iyo,” padabog na sabi ni Mang Berting. Kinuha nito ang sumbrero at bag at saka umalis.

“Hoy Berting! Bumalik ka rito! Iinom ka na naman? Mag-iwan ka naman ng pambili ng pagkain! Hoy!” halos lumabas ang litid sa leeg ni Aling Joy sa pagpapabalik sa kaniyang asawa. Hindi na ito lumingon pa sa kaniya.

“Mikay! Mikay! Halika nga rito. Kargahin mo si Junior at magsasaing na ako para makakain na ako,” tawag ni Aling Joy kay Mikay. Tumalima naman si Mikay at kinarga ang kaniyang nakababatang kapatid.

Dating tsuper at namamasada si Mang Berting subalit dahil nakaaaway nito ang dating may-ari ng jeepney na inilalabas nito, nahinto na ang pamamasada. Napaso na rin ang lisensya nito. Kaya naman, minabuti nitong pumasok sa isang pabrika ng handicrafts na pakyawan ang kitaan. Nakadepende sa dami ng magagawa ang susuwelduhin sa isang linggo. Walang trabaho at karaniwang maybahay lamang si Aling Joy na nag-aalaga sa kaniyang bunsong kapatid na si Junior at nag-aasikaso sa mga gawaing-bahay. Paminsan ay gumagawa ng cross stitch at naibebenta sa pamilihan.

Nakararaos naman sa araw-araw na pangangailangan ang kanilang pamilya, subalit paminsan ay nagkukulang pa rin. Lalo na para kay Mikay na nasa Grade 10 na. Minsan, hindi siya nabibigyan ng kaniyang nanay para sa mga proyektong kailangan nila sa paaralan.

Isang araw, isang package na nakasobre ang dumating sa tahanan nina Mikay. Si Mikay ang tumanggap ng padala dahil nagtungo sa palengke ang kaniyang inay. Para raw ito kay Joy Dimalanta. Pangalan iyon ng kaniyang inay. Tama naman ang mga detalye ng tirahan kaya tinanggap ito ni Mikay.

Nang buksan ni Mikay ang package, nagulat siya sa laman nito. Sa kaniyang pagbibilang, ito ay 50,000 piso! Galing ang pera sa isang Mrs. Charita Danayan mula sa Quezon City. May kalakip itong maliit na liham. Nakasaad na para ito sa pagpapagamot ni Joy sa isang malubhang sakit.

Napagtanto ni Mikay na nagkamali ang nagpadala. Alinman sa dalawa: sa naisulat na pangalan o sa address na nailagay. Malaking pera ang 50,000. Mababayaran na nila ang mga utang nila. Makapag-aambag na rin siya sa kaniyang mga proyekto. Ang labis ay magiging budget na nila. Pambili rin ng gatas ni Junior.

Upang makatiyak, tinanong ni Mikay ang ina kung may kakilala siyang Charita Danayan.

“Wala akong kakilalang ganiyan. Bakit?” tanong ni Aling Joy sa anak.

“Wala naman po inay, naitanong ko lang po,” sabi ni Mikay.

Subalit sinundot ng konsensya si Mikay. Hindi siya makatulog. Alam niyang higit na kailangan ng pinadalhang kapangalan ng kaniyang inay ang pera. Isang desisyon ang ginawa niya. Hinanap niya sa messenger ang pangalang Charita Danayan. Nang mahanap ito, nagpadala siya ng mensahe sa pagkakamali nito. Agad naman itong tumugon at kinumpirma na nagkamali nga siya sa naisulat na tirahan. Nakagugulat umano na sumakto at magkapangalan pa ang kaniyang inay at ang babaeng tinulungan nito, na pamangkin niya.

Nakipagkita si Mikay sa ginang at ibinalik dito ang P50,000. Natuwa naman ito kay Mikay kaya kinuha nito ang pangalan at detalye ng dalagita. Binigyan niya ito ng scholarship para sa kolehiyo.

Masayang-masaya naman sina Mang Berting at Aling Joy dahil kahit kapos sila sa buhay ay biniyayaan naman sila ng isang anak na gaya ni Mikay na tapat at mabuting tao.

Advertisement