“Kambal, grabe ‘no, tingnan mo, magkamukhang-magkamukha tayo!” wika ni Vianca sa kaniyang kakambal habang nakangiting nakatingin sa salamin. Kasalukuyang nag-aayos ng sarili sa harapan ng salamin ang kaniyang kakambal, sumingit lamang siya sa tabi nito upang ipakitang magkamukha nga sila.
“Hindi tayo magkamukha, ‘no! Tingnan mo naman, angat na angat ang ganda ko sa isang manang na katulad mo! At kahit mag-ayos ka pa, mas maganda pa rin ako! Kaya huwag mong sabihing magkamukha tayo!” inis na tugon ni Vanessa dahilan upang biglang mapayuko ang kaniyang kakambal.
“Alam mo, hindi ko alam kung bakit ayaw na ayaw mo akong maging kamukha. Eh, kung tutuusin naman, magkamukha talaga tayo. Para nga tayong pinagbiyak na bunga, eh,” pagpupumilit pa nito saka inilapit ang kaniyang mukha sa kaniyang dahilan upang mas lalo siyang mainis dito.
“Tumigil ka na, pwede ba? Sinisira mo na naman ang araw ko dahil sa pagpupumilit mong magkamukha tayo! Doon ka na nga! Mahuhuli na naman ako sa trabaho dahil sa pang-iinis mo!” bulyaw niya dito matapos niyang iiwas ang mukha sa mukha nito. Agad naman nataranta ang kaniyang kakambal sa kaniyang pagsigaw dahilan upang humangos ito palabas.
Halos araw-araw ganito ang nangyayari sa kanilang bahay. Sa katunayan nga, sumuko na sa pagsaway at pag-awat ang kanilang ina sa palaging pagtatalo ng dalawa bunsod ng magkaiba nilang pag-uugali.
‘Ika nito, “Matanda na kayo, alam niyo na ang tama at mali. Hindi na kayo mga bata upang pag-awayan ang maliliit na bagay,” ngunit hindi pa rin natigil ang kanilang pagtatalo. Palagi kasing mainitin ang ulo ng isa at ginigiit na mas maganda siya kaysa sa kakambal, habang ang isa naman, ginigiit araw-araw na magkamukha sila at tila pinagbiyak na bunga.
Noon pa man, tila hindi na talaga maganda ang relasyon ng kambal. Lagi kasing nakakaramdam ng selos si Vanessa sa kaniyang kakambal dahil lagi itong pinapaburan. Mahinhin kasi ito at malambing, hindi tulad niya na magaspang ang bunganga at palaaway.
At hanggang sa ngayon, hindi na nawala sa dalaga ang pag-uugaling ‘yon. Sa katunayan nga, gustong-gusto ng kaniyang kakambal na maging maayos ang kanilang relasyon dahilan upang kagi siyang dalawin nito sa kaniyang silid bago pumasok ng trabaho ngunit palagi siyang naiinis dito. Lagi nga kasing ginigiit nito na magkamukha raw sila na ayaw na ayaw niya dahil nga ‘ika niya, mas maganda siya rito.
Pagkaalis ng kaniyang kakambal, agad niyang kinandado ang pintuan ng kaniyang silid upang hindi na ito makapasok.
Inis na inis siyang humarap muli sa salamin at saka nag-ayos ng kaniyang make-up. Kinakausap niya ang sarili sa salamin at sinasabing mas maganda nga siya sa kakambal. Saka niya naisip ang diyalogo sa isang sikat na palabas pambata, at itinanong niya iyon sa salamin.
“Salamin, salamin, sino ang mas maganda sa amin?” taas kilay niyang sambit.
“Si Vianca. Pangit kasi ang ugali mo kaya pangit ka! Pangit ka!” nagulat siya nang sumagot ang kaniyang repleksyon sa salamin. Dali-dali siyang napatayo at tila nakaupo pa rin ang kaniyang repleksyon sa salamin.
“Vianca, huwag mo na ako takutin! Malalagot ka talaga sa akin!” sigaw niya sa pag-aakalang kakambal niya ito ngunti tila humalakhak lamang ang kaniyang repleksyon dahilan upang labis na siyang matakot.
“Inakala mong ako si Vianca? Eh, ako ikaw! Edi ibig sabihin, alam mo talagang magkamukha kayo! Kung ako sa’yo, tanggapin mo na ang katotohan na magkamukha kayo ng kakambal mo ngunit lumamang lamang siya sa ganda ng kaniyang ugali! Magbago ka na nang sa gayon, parehas na kayong maganda!” sambit ng repleksyon dahilan upang mapaisip siya sa gitna ng takot na nararamdaman niya.
Ngunit tila biglang lumabas sa salamin ang kaniyang repleksyon at papalapit ito sa kaniya dahilan upang mapasigaw siya, “Vianca, tulong!” at agad naman itong kumuha ng susi dahilan upang mabuksan ang kaniyang kwarto.
Pagbukas nito ng pinto, laking gulat niya nang biglang naglahong parang bula ang kanina lamang na kausap niyang repleksyon. Agad niyang niyakap ang kaniyang kakambal saka umiyak sa dibdib nito.
“Pasensya ka na, Vianca,” hikbi niya, gumanti naman agad ito ng yakap saka siya tinapik-tapik sa likod upang kumalma.
Doon rin ay ikinuwento niya sa kakambal ang nangyari. Tanging ‘ika nito, “Guniguni mo lang ‘yon, kambal. Huwag ka nang matakot, nandito lang ako,” labis niyang nadama ang sinseridad nito at doon na siyang nagpasiyang ayusin ang kanilang relasyon bilang kambal.
Simula noong araw na ‘yon, palagi na niyang sinasabayan mag-ayos bago pumasok ang kakambal. Minsan pa nga, siya ang nag-aayos dito. Palagi rin silang nagsusuot ng damit na magkapareho. Sa ngayon, siya na ang nagyaya ditong tumingin sa salamin at sinasabing, “Magkamukha-magkamukha nga tayo! Ang gaganda natin!”
Hindi talaga maiwasan sa magkakambal ang alitan, selosan at pataasan. Ngunit hindi ba mas magandang sabay niyong gawing maganda ang isa’t-isa? Nasa ugali ang kagandahan, wala sa panlabas na kaanyuan.