Kababalaghan sa Bahay ng Isang Ale

“Ate, bakit kaya palagi na lang maraming pumapasok d’yan sa bahay ni Aling Eva tuwing gabi?” pang-uusisa ni Ally habang nakasilip sa bintana, tanaw-tanaw ang tinutukoy na bahay. Patuloy pa rin ang pagpunta at paglabas ng mga tao dito kahit dis oras na ng gabi.

“Naku, Ally, huwag mo nang tanungin,” sagot ng kaniyang kapatid habang nag-ayos ng kaniyang hihigaan.

“Bakit nga, ate? Tuwing uuwi kasi akong galing trabaho, halos lahat ng kasabay ko sa jeep, bumababa rin dito sa atin saka diretsong papasok d’yan sa bahay niya. Hindi kaya nagbebenta siya ng bawal na gamot?” pangungulit niya dito dahilan upang mabulgar na rin ng kaniyang kapatid ang sikreto sa bahay na ‘yon.

“Naku, hindi lang ‘yon, pati katawan ng mga babae, binebenta niya na. Naging bahay parausan na ang bahay ni Aling Eva! Huwag kang maingay kay nanay na sinabi ko sa’yo, ha? Magagalit ‘yon na sinasabi ko sa’yo ang mga ganitong bagay,” sambit pa nito saka tuluyang nagtalakbong ng kumot at natulog. Hindi naman makapaniwala ang dalaga sa nalaman dahilan upang sumilip muli siya sa bahay na ‘yon. Napailing na lamang siya sa pagkadismaya.

Bunso sa tatlong magkakapatid ang dalagang si Ally dahilan upang ganoon na lamang siya pangalagaan ng ina na kahit ang maruming balita tungkol sa kanilang kapitbahay ay ililihim sa kaniya.

Ngunit tila mapaglaro talaga ang isip ng dalaga. Noong una’y labis siyang nadismaya sa ale dahil malapit ito sa puso niya noon. Natigil lamang ang kaniyang pagdalaw sa bahay nito simula noong tumuntong siya sa kolehiyo hanggang ngayong nagkatrabaho na siya ngunit nang mapansin niyang may kakaiba talaga sa mga kinikilos ng mga taong lumalabas dito, para bang ang saya-saya nila at napakagaan ng kanikang mukha kumpara noong bago sila pumasok dito, doon na siya nagtangkang pumasok rin sa bahay na ito upang direktang masaksihan ang misteryo sa loob ng bahay na ito.

Nang maramdaman na niyang malalim na ang tulog ng kaniyang kapatid, agad siyang lumabas ng bahay at nagtungo sa bahay nila Aling Eva.

Kabadong-kabado siya bago pumasok dito. Naisip niya kasing baka masaksihan niya ang maruming gawain ng mga suwail na tao. Ngunit ‘ika niya, “Para matapos ang pag-iisip ko tungkol sa bahay na ito, magiging matapang ako!” saka siya pumasok sa naturang bahay.

Advertisement

Laking gulat niya nang tumambad sa kaniya ang maraming taong nakaupo sa hile-hilerang upuan. Ang iba’y umiiyak habang ang iba nakatulala. Nagmasid-masid siya upang mahanap ang ale at doon niya ito natanaw sa isang sulok sa loob ng tabing-tabing na mga kurtina.

Sakto namang lumabas ito at tila napansin siya. Sinenyasan siya nitong lumapit kaya naman agad siyang nagpunta sa pwesto nito.

Agad siya nitong niyakap. Gumanti naman siya ng yakap. Ginamit niya na ang pagkakataong ‘yon upang mabigyan na ng kasagutan ang kaniyang mga paghihinala.

“Aling Eva, ano pong mayroon dito? Didiretsahin ko na po kayo, ha? Balita ko po kasi naging bahay parausan na ang bahay niyo, may mga dr*ga’t katawan ng babaeng binebenta, totoo po ba ‘yon?” lakas loob na tanong ni Ally, laking gulat niya namang bigla itong nag-ihit sa kakatawa.

“Ang mga tao nga naman sa lugar na ‘to, mga tsismosa!” patawa-tawang sambit nito saka bumuntong hininga’t ipinaliwanag sa kaniya ang ginagawa ng mga tao sa bahay nito, “Ang mga taong ‘yan, kung mapapansin mo, may mga problema. Sabihin na nating totoong bahay parausan ang bahay ko ngayon, pero parausan ng problema at hindi nang kung ano-anong bagay ng iniisip ng tao. Tinutulungan ko sila sa pamamagitan ng pagbabahagi ng salita ng Diyos at kung tungkol naman sa pera ang problema nila, basta’t mayroon ako, ibabahagi ko sa kanila,” nakangiting paliwanag ng ale. Tila hindi naman makapaniwala ang dalaga sa kaniyang mga nalaman. Labis siyang nakonsensya. Mabuti pala ang hangarin ng ale, maling-mali sa kanilang mga iniisip.

Simula noong araw na ‘yon, gumawa ng paraan ang dalaga upang makabawi sa ale. Ibinahagi niya sa kanilang buong barangay ang mabuting hangarin sa loob ng bahay ni Aling Eva. Tila labis namang humanga ang mga tao dahilan upang ulanin ng donasyon ang bahay na ‘yon at mas lalo pang dumami ang natutulungan ng ale.

Kapag wala naman siyang trabaho, nagpupunta siya rito upang tulungan ang ale na labis namang ikinasaya ng ale at ng kaniyang buong pamilya.

Hindi talaga tayo dapat agad na maniwala sa mga sabi-sabi, mas mabuti nang malaman natin ang katotohanan gamit ang sarili nating mga mata upang hindi makapanghusga ng kapwa.