Inday TrendingInday Trending
Mapait na Hadlang sa Aming Plano

Mapait na Hadlang sa Aming Plano

“Zyrus, konti na lang! Matutupad na natin ang ating dream wedding!” puno ng sayang sambit ni Yna sa kaniyang nobyo, isang araw habang nasa bangko sila.

“Oo nga, eh. Ang saya-saya ko! Hindi ko akalaing makakaipon tayo ng ganitong kalaking pera para sa ating kasal!” tugon naman ng kaniyang nobyong si Zyrus habang tinitignan ang resibo ng kanilang transaksyon sa bangko.

“Lahat ito ay bunga ng ating pagsisikap at pagmamahal, at napakasaya kong ikaw ang mapapakasalan ko!” sambit niya pa dito dahilan upang labis itong mapangiti at hawakan ang kaniyang kamay.

“Ako rin, Yna, sabik na sabik na akong madala sa ibang bansa ang sari-sarili nating pamilya at doon nila masaksihan ang wagas nating pagmamahalan,” sabi ng kaniyang nobyo dahilan upang bahagya na siyang napaluha. Kitang-kita sa mga mata nito ang sinseridad at pagmamahal.

“Hindi talaga ako nagkamali sa’yo!” wika niya matapos pagmasdan kung gaano kasaya ang nobyo niyang sabihin ang mga katagang ‘yon.

Halos kalahating dekada nang magkasintahan ang dalawa. Ginawa nila ang lahat upang makaipon at maituloy ang kaniyang pinapangarap na kasal sa bansang Norway kung saan matatagpuan ang mga tila sumasayaw na ilaw sa kalangitan.

Halos dumoble kayod ang dalawa upang matupad lamang ito. Bukod sa pagiging accountant ni Yna, pumasok rin siyang isang manunulat sa isang kumpanya habang ang nobyo niya naman, bukod sa trabaho nitong arkitekto, sumama rin ito sa mga pelikula bilang isang extra dahilan upang ganoon na nga sila makapag-ipon ng malaking halaga ng pera.

Wala nang mas sasaya pa sa magkasintahan noong araw na ‘yon. Planado na nila ang lahat, kung kailan sila aalis patungong ibang bansa, kung saan sila manunuluyan doon, kung sino-sino ang kanilang isasama, at marami pang iba ngunit tila napalitan ito ng marubdob na kalungkutan nang umuwi sila sa bahay nila Yna.

“Ate Yna, si mama, sinugod sa ospital, ngayon ngayon lang,” sambit ng kaniyang bunsong kapatid na halatang kakagaling lamang sa iyak, “Mukhang malala ang atake niya ngayon, ate, puntahan natin,” dagdag pa nito at doon na tuluyang tumulo ang luha niya.

Agad silang nagpunta sa ospital at doon na nga niya nalamang may taning na ang buhay ng kaniyang ina. “Anim na buwan, Yna, anim na buwan na lang, susuko na ang katawan ng mama mo. Kinain na ng sakit niyang diabetes ang kaniyang atay at wala na akong magagawa ko doon. Pasensiya na kayo,” balita ng doktor na dahilan ng pagkahina ng mga tuhod ng dalaga. Halos hindi siya mapaiyak sa sakit na nararamdaman.

May mga kailangang gamot pang inumin ang kaniyang ina dahilan upang magalaw na nila ng nobyo ang kanilang ipon. Labis siyang nahihiya dito dahil nga malaki-laki ang kinakailangan nilang bayaran sa ospital. Nagulat naman siya sa sinabi nito, “Ayos lang ba sa’yo kung gamitin muna natin ang perang naipon natin para sa mama mo? Mapapag-ipunan pa naman natin ang kasal natin, eh. May mahaba pa tayong oras. Eh, ang mama mo, anim na buwan na lamang,” dahilan upang lalo siyang mapaiyak. Hindi niya lubos akalaing magkukusa ang kaniyang nobyong isakripisyo ang kanilang pangarap para sa kaniyang ina.

Sumang-ayon nga ang dalaga sa kagustuhan ng kaniyang nobyo. Ginamit nila ang pera upang maipangbayad sa ospital. Nang makalabas sa ospital ang ina, inilibot niya ito sa buong Pilipinas, gamit pa rin ang naipon nilang pera.

Kung saan saan niya ito pinansiyal, sa Cebu, Davao, Baguio, Boracay, Palawan at iba pang magagandang lugar sa Pilipinas sa loob ng anim na buwan.

“Ang anim na buwan na ito ang pinakamasayang panahon sa buhay ko,” wika ng kaniyang ina bago ito malagutan ng hininga habang sila’y namamangka sa ilog ng Palawan. Napabuntong hininga na lamang ang dalaga saka mariing na niyakap ang ina.

Wala man siyang nagawa upang dugtungan ang buhay ng ina, nabigyan naman nila ito ng nobyo niya ng masasayang alaalang mababaon niya habambuhay.

Kahit pa masakit, lakas loob na hinarap ng dalaga ang bagong yugto ng kaniyang buhay na wala ang ina. Kasama ng kaniyang nobyo, muli silang nag-ipon para sa kanilang pangarap.

Ilang taon lang ang nakalipas, tuluyan nang naabot ng dalawa ang pangarap. Saksi ang mga sumasayaw na ilaw, pamilya’t kaibigan nila sa kanilang wagas na pagmamahalan.

“Kung nandito ka lang sana, mama,” buntong hininga ni Yna bago tuluyang maglakad patungo sa naghihintay niyang mapapangasawa.

Minsan talaga ay may mga pangyayaring hahadlang sa ating plano at pangarap, ngunit ang mahalaga, masaktan ka man dito ay ipagpatuloy mo ang paglaban upang makamit ang lahat ng ito.

Advertisement