“Umuwi ka na, Justin,” taboy ni Tintin sa binatang magda-dalawang oras na yatang nakatayo sa labas ng gusaling pinagtatrabahuan niya.
“Eh, Tintin, may bagyo kasi sabi sa balita. Baka lang mahirapan kang umuwi mamaya kung magko-commute ka,” paliwanag ng binata.
Tumaas ang kaniyang kilay sa narinig. “Bakit? May sasakyan ka ba na maghahatid sa akin pauwi?” mataray at prankang tanong niya sa binata.
Idinadaan na lamang ni Justin sa mabining pagtawa ang pagkapahiya na naramdaman nito sa sinabi ni Tintin. Humalukipkip ito na para bang iniisip ang susunod na sasabihin.
“Ano… Tintin, iniisip ko lang na at least may kasama ka para naman mas safe ka sa iyong pag-uwi,” malumanay na sagot ni Justin sa pambabara ng babaeng kaniyang nililigawan.
Mas lalo lamang tumindi ang pagkainis na nararamdaman ni Tintin sa binata. “Basta umuwi ka na!” asik nito sa binata pagkatapos ay pumasok nang muli sa kanilang opisina.
Matagal nang nanliligaw kay Tintin si Justin. Unang araw pa lamang niya sa opisina ay nagpakita na agad ito ng interes sa kaniya. Nung una ay natutuwa siya sa interes na nakukuha niya mula sa binata ngunit nang malaman niyang magka-level lamang pala ang antas ng kanilang pamumuhay ay nawalan na siya ng gana.
Ambisyosa kasi si Tintin. Maganda siya at matalino kaya naman tiwala siya na hindi imposibleng makatisod din siya ng lalaking mayaman na aambunan siya ng yaman.
At ang kaniyang target ay walang iba kung ‘di ang boss niya, si Sir Wade.
Si Wade at ang kapatid nitong si Winkle ang nagpapatakbo ng kompaniyang pinapasukan niya.
Hindi lang naman ang pera ni Wade ang inaasam ni Tintin. Sa totoo lang ay gusto niya din si Wade. Gwapo naman kasi ang lalaki at mabait. Complete package ika nga.
Mag-aalas otso na nang makalabas si Tintin ng opisina. Bahagyang malakas ang buhos ng ulan. Binuksan niya ang kaniyang payong at nag-abang ng masasakyang bus sa bus stop. Mayamaya lang ay may humintong sasakyan kagaya nang inaasahan niya.
“Tintin!” sigaw ni Wade nang maibaba nito ang salamin ng sasakyan. “Hindi ba sa Mendez ka nakatira? Sumabay ka na sa akin!”
“Naku, sir! Huwag na po! Nakakahiya naman po!” kunwaring tanggi ni Tintin sa paanyaya ng binata dahil alam niyang magpupumilit ito.
Dahil likas na mabait ang binata ay hindi pumayag si Wade na iwanan ang kaniyang empleyado. “Hindi. Ayos lang. Sumakay ka na.”
Pasakay na si Tintin sa sasakyan ng kaniyang boss nang may tumawag sa kaniyang pangalan.
“Tintin!” sigaw ng pamilyar ng boses sa kaniyang likuran.
“Di ba pinauwi ko na ‘to kanina?” tanong ni Tintin sa kaniyang sarili habang papalapit sa kaniya si Justin.
“O, Justin! Bakit nandito ka pa? Taga-Mendez ka din, ‘di ba? Sabay ka na sa amin!” Narinig ni Tintin ang tanong ni Sir Wade sa lalaki.
“Ay, opo, sir. Hinihintay ko lang po si Ti…” Hindi na pinatapos ng dalaga si Justin sa pagsasalita.
“Naku, Justin, sayang naman at may hinihintay ka pa pala. Puwede na sana tayong sumabay kay sir.” Tinignan niya nang makahulugan si Justin.
Agad namang naunawaan ng binata ang nais niyang ipahiwatig. Malungkot ang mga mata nito nang magsalita. “Ay, sir, hinihintay ko po kasi ‘yung kaibigan ko.”
Tuluyan nang sumakay si Tintin sa sasakyan ng kaniyang boss. “Tara na po, sir,” malamyos ang boses niya nang magsalita.
Kumaway pa si Tintin kay Justin na naiwang nakatayo bago makalayo ang sasakyan.
Samantala, si Justin naman ay malungkot na tinatanaw ang papalayong sasakyan ni Sir Wade.
Sa tagal niya nang nanliligaw kay Tintin ay alam niya na rin na si Wade ang gusto ng dalagang kaniyang sinisinta. Ayaw niya lang talagang sumuko dahil gusto niya talaga si Tintin.
“Kahit na parang basura kung ituring ka niya?” sabad ng isang bahagi ng kaniyang isip.
Naputol lamang ang pagmumuni-muni niya nang makarinig siya ng isang mahabang busina.
“Ma’am Winkle!” Gulat na sabi niya nang mapatingin siya sa nagmamaneho ng sasakyan.
“Sumabay ka na sa’kin, Justin! Baka mahirapan kang makauwi pag lumakas lalo ang ulan!” sigaw ng dalaga.
“Naku, ma’am, okay lang po ako!” nahihiyang tugon ni Justin.
Mapilit ang babae kaya naman wala na din siyang nagawa kung hindi ang sumakay sa kotse nito.
“Ma’am, kakadaan lang ni Sir Wade dito. Bakit po hindi kayo sumabay sa kaniya?” mayamaya ay inusisa ni Justin ang kaniyang boss.
“Ah…” Natawa pa ng bahagya si Winkle. “Sabi ko kasi kay Kuya Wade mauna na siya dahil may tatapusin ako. Pero naalala ko na may kailangan akong gawin sa bahay kaya nagdesisyon akong umuwi na rin,” nakangiting paliwanag ng babae.
Bilib na bilib talaga si Justin sa magkapatid. Napakayaman ngunit napakabubuting tao.
Madami pa silang napagkuwentuhan ni Ma’am Winkle. Napag-alaman niya na pareho sila ng hilig sa musika, pelikula at mga libro. Napuno din ng tawanan at halakhakan ang buong biyahe nila dahil masayang kausap ang dalaga.
“Maraming salamat, Ma’am Winkle,” nakangiting sabi ni Justin nang bumaba siya ng sasakyan nito. “Nag-enjoy ako,” wala sa loob na naidugtong niya.
Natawa ang dalaga.
Nanlaki naman ang mga mata ni Justin nang mapagtanto niya ang implikasyon ng kaniyang sinabi.
“Ako rin,” nakangiting sabi ni Ma’am Winkle bago niya pinasibad ang kaniyang sasakyan.
Naiwan si Justin na tulala at tila may paruparong nagliliparan sa kaniyang tiyan.
Mabilis na lumipas ang mga araw at buwan.
Ilang araw nang balisa si Tintin dahil kalat na ang balita sa opisina na ikakasal na daw si Sir Wade. Hindi pa niya ito nakukumpirma kaya naman umaasa pa rin si Tintin na hindi ito totoo.
Isang araw ay tinipon sila ni Sir Wade upang ihatid ang “magandang balita” na ikakasal na ito. Labis na nasaktan si Tintin matapos niyang makumpirma ang balita. “Hindi ako maaaring magmukhang talunan,” naisip niya.
Kaya nang makita niya ang dating niyang manliligaw na si Justin ay nilapitan niya ito ay kinausap.
“Tintin, bakit?” kaswal na tanong ng binata. “Justin, pinipili na kita,” nakangiting sagot ni Tintin.
“Pinipili?” naguguluhang tanong ng binata. “Na maging boyfriend!” paliwanag ng dalaga.
Hindi agad nakapagsalita si Justin.
Napangiti naman si Tintin. Iniisip niya na hanggang ngayon ay mahal pa rin siya ni Justin. Marahil ay napagod lamang ito nang kakasuyo sa kaniya kaya ito pansamantalang huminto.
“Bakit ako? Hindi ba si Sir Wade ang gusto mo? Dahil ba ikakasal na siya?” usisa ng lalaki. “Hindi,” pagkakaila ni Tintin.
“Pinipili ko lang ‘yung mahal ako kaysa sa mahal ko. ‘Yun ang mas makabubuti para sa akin,” kampanteng sagot ni Tintin.
“Eh, Tintin, may iba nang nagmamay-ari ng puso ko,” saad ni Justin.
“Ha? Sino?” Gulantang si Tintin.
Hindi nagsalita si Justin at nanatili lamang itong nakatitig sa likuran ng dalaga.
Paglingon ni Tintin ay isa tao lang ang nakita niya. Si Ma’am Winkle.
“Justin, ano ‘to? Ganti mo sa akin sa hindi ko pagpansin sa’yo sa loob ng dalawang taon?” naguguluhang tanong ni Tintin.
“Pinipili mo ang babaeng mahal ka kaysa sa mahal mo?” tanong pa ng dalaga. Hanggang ngayon ay nakatatak sa isip niya na siya lamang ang mahal ni Justin.
Ngunit nagbago na ang ihip ng hangin.
“Hindi, Tintin. Pinili namin ang isa’t isa. Huwag mong piliin ‘yung taong mahal mo o ‘yung taong mahal ka. Piliin mo ‘yung taong mahal mo at ‘yung taong mamahalin ka rin pabalik,” paliwanag ni Justin.
Naiwan si Tintin na tulala habang minamasdan ang papalayong bulto nina Ma’am Winkle at Justine na masayang nagtatawanan.
Wala na siyang ibang nagawa kung ‘di ang manghinayang sa isang magandang pag-ibig na nasayang dahil hindi niya ito pinahalagahan.