Inday TrendingInday Trending
Ang Sikreto sa Pagkawala ng Kaniyang Ina

Ang Sikreto sa Pagkawala ng Kaniyang Ina

“Hija, bakit ka umiiyak?” tanong ni Ria sa batang tantiya niya ay nasa anim na taon ang edad.

“Nawawala po ang mama ko!” sagot ng bata.

“Bakit? Ano ba ang nangyari at napahiwalay ka sa mama mo?” usisa ni Ria sa batang patuloy na umiiyak. “Sinundan ko lang naman po ‘yung lolo na nagtitinda ng kendi. Paglingon ko wala na si mama!” Patuloy ang pagtulo ng masaganang luha sa mapintog na pisngi ng bata.

Awang-awa si Ria sa bata kaya naman binilhan niya ito ng maiinom at naghanap sila ng mauupuan sa parke.

“Ano ang pangalan mo, hija?” tanong ng babae. “Mae po,” tugon ng bata.

“O sige, Mae. Ganito. Hihintayin natin ang mama mo dito, okay? Hindi tayo aalis dito hangga’t hindi natin nakikita ang mama mo. Okay ba ‘yun?” saad ni Ria kay Mae.

Sinisinok na tumango ang bata.

“Tumigil ka na sa pag-iyak. Makikita din natin ang mama mo. Huwag kang mag-alala, okay?” pagpapatahan ng babae sa bata.

“Opo, ate…” napatigil ang bata.

Naalala ng babae na hindi pa nito alam ang kaniyang pangalan. “Ria. Tawagin mo akong Ate Ria,” nakangiting sabi niya sa bata.

Lumipas ang oras. Halos maghapon na silang nag-iikot-ikot sa parke subalit hindi pa rin nahahanap ng bata ang ina nito.

Kanina pa nakararamdam ng pagod at gutom si Ria ngunit ayaw niya na matapos ang maghapon na hindi nakikita ni Mae ang ina nito.

Nang malapit nang dumilim sa kamalas-malasan ay bumuhos pa ang malakas na ulan. Hindi agad sila nakasilong ni Mae kaya naman basang-basa sila nang makahanap ng masisilungan.

Sa takot na magkasakit ang bata ay kinailangan niya itong iuwi sa kanilang bahay upang makapagbanlaw at makapagpalit ng damit.

“Mae, kailangan muna nating umuwi sa bahay namin, ha. Kailangan natin magpalit ng damit dahil magkakasakit tayo,” pagkausap ni Ria sa bata.

Nang makitang tila paiyak na ito ay nangako siya sa bata. “Pero babalik tayo dito bukas at hahanapin natin ang iyong ina.”

Pumayag naman ang bata.

Nang makauwi sila ng bahay ay sinalubong kaagad si Ria ng pagbubunganga ng kaniyang ina. “Ria! Ano ka ba naman? Ang sabi mo ay maghahanap ka lang ng inspirasyon sa pagsulat sa parke. Bakit ka inabot ng maghapon?”

Napangiwi si Ria at nginuso sa kaniyang ina ang batang nasa kaniyang likuran.

“Sino ‘yan?” bulong ng kaniyang ina. “Basta, ma. Mahabang istorya. Ikukuwento ko po mamaya. Pagpalitin muna natin si Mae ng damit dahil baka magkasakit siya,” sagot ni Ria.

Agad naman tumalima ang ina ng babae.

Marahil dahil sa pagod kaya mabilis na nakatulog ang bata. Nang masigurong tulog na ito ay nag-usisa na ang ina ni Ria.

“Ma, nahiwalay daw sa nanay niya si Mae nung nasa parke sila kanina,” paninimula ng babae.

“Naku, anak, hindi kaya mula sa sindikato ‘yang batang ‘yan?” hintakot na sabi ng kaniyang ina.

Kinilabutan si Ria. Hindi niya naisip ang posibilidad na ‘yun. Naalala niya pa ang pakiramdam niya kanina na tila may sumusunod sa kanila. Pero pilit niyang itinaboy ang masamang isipin sa bata.

“Ma, ang tingin ko iniwan ng nanay ‘yan kasi maghapon kami sa parke pero walang nanay na naghanap sa kaniya. Ikaw? Kung nanay ka at nawala ang anak mo sa parke aalis ka ba dun? Hindi, ‘di ba?” sabi niya sa kaniyang ina.

Tumangu-tango ang kaniyang ina. “Kawawa naman.”

Kinabukasan ay nagising na lamang si Ria sa matinis na hagikhik ni Mae. Naabutan niya itong nakikipag-usap sa kaniyang ama. Napangiti siya dahil imbes na ang bata ang mag-enjoy ay mas nage-enjoy pa ang kaniyang ama sa pagkukuwento ng bibong bata.

“Ate Ria!” Nang makita siya ng bata ay agad na tumakbo at yumakap sa kaniya si Mae. Bagay na ikinatuwa ng babae. Mukhang malambing talaga ang bata.

“Mae, pupunta tayong parke mamaya, ha. Hahanapin natin ang nanay mo,” sabi ni Ria sa bata habang kumakain sila.

“Opo, ate. Puwede po ba nating isama si lolo?” tanong ng bata. “Aba’y oo naman!” Nginitian ni Ria ng matamis ang bata.

Isa na namang maghapon ang lumipas ngunit bigo sila na makita ang ina ni Mae. Mabuti na lamang ay unti-unti na itong nagiging komportable sa ama at ina ni Ria.

Nung mga sumunod na araw ay dinadala pa rin nila si Mae sa parke dahil umuungot-ungot pa din ito sa paghahanap sa kaniyang ina subalit hindi nila nakita maski ang anino nito.

Hanggang sa dumating ang oras na tila natanggap na sila ni Mae bilang bago niyang pamilya.

Tatlong buwan na ang lumipas at kasalukuyang nakaupo si Ria habang nagsusulat sa parke nang may isang babaeng lumapit sa kaniya.

Napakapayat ng babae. Namumutla ang mukha nito at may suot itong face mask.

“Ako ang ina ni Mae,” saad ng babae.

Kahit nagimbal si Ria sa kaniyang narinig ay nagawa pa rin niyang magtanong sa babae. “Bakit mo siya iniwan?” diretsang tanong niya dito.

May tumulo na luha sa pisngi nito. Nagsimula itong magkuwento.

Napag-alaman ni Ria na may malubhang karamdaman pala ang babae at iniwan nito ang anak sa parke upang hindi na mahirapan pa ang kaniyang anak habang kapiling siya nito sa mga huling sandali ng kaniyang buhay. Ayaw rin daw nitong maiwang mag-isa ang kaniyang anak sa mundong ito.

Masayang-masaya ang babae dahil nasa kanila si Mae. Alam niyang inaalagaan nila ng husto ang kaniyang anak.

Hilam ang mga mata ni Ria sa luha nang matapos magkuwento ang mama ni Mae na nakilala niya bilang si Maita.

“Gusto niyo po bang makita si Mae?” tanong ni Ria.

“Hindi na, hija. Hindi na rin naman ako magtatagal sa mundong ito.” Hindi na niya napilit si Aling Maita na bisitahin ang kaniyang anak.

Malungkot man si Ria dahil sa naging desisyon ni Aling Maita ay alam niya na mamamahinga ito ng tahimik, payapa at walang pag-aalala dahil alam niyang nasa maayos na kalagayan ang pinakamamahal niyang anak.

Isa pa, naging mas masaya din naman ang kanilang pamilya dahil sa pagdating ni Mae, ang munti nilang prinsesa.

Advertisement