“Kailan mo ba ako ipapakilala sa mga magulang mo?” tanong ng binatang si Kevin sa kaniyang nobya na si Wendy.
Magdadalawang taon na sila sa susunod na araw pero hindi niya pa nakikilala o nakikita man lang ang mga magulang ng nobya. Palagi nitong sinasabi na abala ang kaniyang mga magulang sa trabaho. Pero maging kung ano ang trabaho ng mga ito ay walang kaide-ideya si Kevin.
“Bakit ba kasi gustung-gusto mo silang makilala? Sige ka baka ipakasal agad tayo ng mga ‘yon!” Pinandilatan siya ni Wendy ng mata.
Ngumiti si Kevin sa kaniyang nobya. “Ano naman? Doon din naman tayo pupunta!”
Natahimik naman ang nobya sa kaniyang sinabi.
Seryoso ang mata ni Kevin nang tinitigan niya ang kaniyang kasintahan. “Ayaw mo bang makasal sa akin?” tanong niya.
Umiling si Wendy matapos ang ilang segundong pagtahimik. “Siyempre gusto. Pero ang bata-bata pa natin, Kevin,” mayamaya ay sabi nito.
Huminga ng malalim ang binata. “Ipapakilala mo lang naman ako. ‘Di pa naman tayo ipapakasal ng mga ‘yon,” pangungumbinsi niya pa.
Ilang minuto ang lumipas bago tumango si Wendy.
Nakahinga ng maluwag si Kevin. Akala niya ay pag-aawayan na naman nila ito. Mukhang sa wakas ay mangyayari na ang matagal niyang gusto.
“Sige. Sasabihan ko sila mama. Text na lang kita.” Ngumiti si Wendy sa kaniyang kasintahan.
Hinatid ni Kevin ang kaniyang nobya sa bahay nito. Hindi pa rin siya makapaniwala. Akala niya ay magtatago na lang siya parati sa mga magulang nito. Seryoso siya sa dalaga kaya naman hindi siya komportable sa mala-sikreto nilang relasyon. Sa wakas ay pinagbigyan din ng nobya ang kaniyang gusto.
“Kevin, sabi ni mama puwede daw bukas ng gabi para nandito rin si papa. Kung ayos lang naman sa iyo?” Iyon ang text ni Wendy sa kaniyang nobyo.
Napahiyaw si Kevin sa tuwa bago siya tumipa ng mensahe. “Bakit naman hindi?”
“Hindi ba sabi mo may panggabi kang klase? Tapos mayroon kayong test?” reply ng nobya ng binata.
Natigilan si Kevin. Oo nga. Nakalimutan niya. Ang pagpapakilala sa kaniya ni Wendy sa kaniyang mga magulang ang tanging iniisip niya. Wala ng iba. Namroblema siya bigla.
“Puwede naman natin na gawin ‘to sa ibang pagkakataon?” Nag-text ulit si Wendy kay Kevin.
Umiling agad ang binata. Hindi puwede. Gagawin niya ang lahat para maipakilala siya ni Wendy sa kaniyang mga magulang. Walang makakapigil sa kaniya.
“Hindi na. Ako na ang bahala. Darating ako bukas,” reply ni Kevin sa text ng kaniyang nobya.
Kinabukasan ay nagdala si Kevin ng damit na pamalit. Balak niya na dumiretso sa bahay ng nobya matapos ang huli niyang klase sa gabi.
Kabado siya sa mangyayari at buong maghapon ay bumubuntong-hininga siya. Natatakot siya na baka ayawan siya ng mga magulang ni Wendy ngunit pinilit niyang tatagan ang kaniyang loob.
“Hello? Nasaan ka na? Pauwi na raw si papa!” tanong ni Wendy nang tawagan siya nito.
“Papunta na ko. Hintayin mo ko diyan, ha?” malambing na sabi ni Kevin.
Matapos ibaba ang cell phone ay tinignan ni Kevin ang kaniyang sarili sa salamin. Ilang beses niyang inayos ang kaniyang buhok. Nag-practice siya kung paano ngingiti. Pinasadahan niya ng kaniyang palad ang plantsado niyang damit.
Naglalakad na siya. Dala niya ang bungkos ng mga rosas para sa nanay ni Wendy.
Pasakay na sana siya ng jeep kaya nga lang ay narinig niya ang isang lalaking ipinapahiya ng husto ang isang tsuper.
“Pasensiya na nga, boss, eh. Hindi ko nakita. Aksidente naman ito. Hindi mo naman ako kailangang suntukin,” sabi ng tsuper.
Doon lang nakita ni Kevin na may pasa sa mukha ang tsuper.
Marami ang nanonood sa mga ito pero wala namang balak na tumulong.
“Ano hong nangyari?” usisa ni Kevin sa isang babae na nanonood. “Eto kasing lalaki ang yabang. Nasagi nung jeep ‘yung motor niya pero kung tutuusin ay siya naman ang may kasalanan. Mali ‘yung linya niya, eh,” paliwanag ng babae.
Hindi napigilan ni Kevin ang kaniyang sarili na mangialam lalo na kung may naaagrabyado. Nakikita niya kasi ang kaniyang sarili sa sapatos nito. Paano kung siya ang naaagrabyado? O ang tatay niya? Hindi siya mananahimik na lamang.
Hindi niya napigilan ang kaniyang sarili na lumapit sa mga ito.
“Palibhasa kasi kakarampot lang ‘yang kinikita mo sa bulok mong jeep. Etong motor ko? Baka kahit ibenta mo pa ‘yan hindi ka makakabili nito!” mayabang na turan ng lalaki.
Sasagot sana ang iniinsulto nitong tsuper ngunit inunahan ito ni Kevin. “Boss, mawalang galang lang. Hindi mo naman kailangang idamay ang propesyon niya. Pero kung ako sa’yo palagpasin mo na ito. Alam ng mga tao rito na ikaw ang mali. Hindi mo linya iyon pero nandoon ka.”
Tinignan ng masama si Kevin ng lalaki. “Ano? Sino ka ba? Bakit ka nangingialam dito? Ang yabang mo, ah!” pikon nitong turan.
“Ikaw ang mayabang. Kung manghamak at mang-insulto ka akala mo nabibili mo ang mga tao,” buwelta ni Kevin.
Mukhang napikon ito sa kaniya lalo kaya umigkas ang kamao nito. Hindi na naiwasan ni Kevin ang pagtama nito sa kaniyang pisngi.
Sumigaw ang mga tao at may mga sumubok umawat.
Hinawakan ng tsuper ang lalaki sa braso. “Tama na, ‘yan!” awat nito.
“Wala akong pakialam! Ang gusto ko bayaran mo ang nangyari sa motor ko!” galit na sabi ng mayabang na lalaki.
“Magkita tayo sa korte kung ganoon! Kaya kong patunayan na ikaw ang mali! Hindi mo ako kilala!” hamon ni Kevin sa lalaki.
Namutla ito sa kaniyang sinabi. May mga dumating na pulis sa lugar. Kinausap sila at pinasama sa presinto.
Sumama na lang si Kevin para totohanin ang kaniyang banta. Hindi niya iuurong ang kaso hangga’t hindi ito nagpapakumbaba.
“Hindi mo na dapat ginawa ‘yun pero salamat,” Ngumiti ang tsuper kay Kevin.
May tinawagan ang tsuper. Lumayo ito kay Kevin. Baka tinawagan nito ang kaniyang pamilya. Doon lang naalala ng binata ang kaniyang kasintahan!
Lagot! Si Wendy!
“Hindi na ata ako makakapunta. May nangyari kasi. Sorry, Wendy,” sabi ng binata sa mensahe.
Ilang minuto lang ang lumipas at nakatanggap ng mensahe ang binata. “Ayos lang. Si Papa rin kasi hindi pa makakauwi. Pupuntahan namin,” reply ng nobya.
Kinausap si Kevin ng pulis. Tinanong siya kung magsasampa siya ng kaso. Desidido ang binata na magsampa ng kaso ngunit nagmakaawa ang mayabang na lalaki dahil baka matanggal siya sa trabaho. Inamin niya rin na siya ang nagkamali at humingi rin siya ng tawad sa tsuper dahil sa pang-iinsulto niya dito.
“Hindi ka pa ba uuwi?” tanong ng tsuper kay Kevin. “Hindi po. Mayamaya na po. Kayo?” balik tanong ng binata.
Umiling ang tsuper. “Hihintayin ko lang ang asawa at anak ko. Sayang. Ngayon ko sana makikilala ang nobyo niya.”
Huminga ng malalim si Kevin. Pareho sila halos ng sitwasyon.
Mayamaya ay dalawang babae ang nagmamadaling tumakbo palapit sa tsuper. Sinalubong niya ang mga ito ng yakap.
“Siya nga pala. Siya ang binatang sinasabi kong tumulong sa akin,” Tinuro ng tsuper si Kevin.
Nanlaki ang mata ng binata nang makita niya si Wendy.
“Pa! Siya si Kevin! Ang nobyo ko!” Lahat ay nabigla sa sinabi ng dalaga.
Ngumiti ang tsuper kay Kevin. Si Tito Carlito ang papa ng kaniyang nobya. Hindi niya akalain na sa ganitong pagkakataon niya ito makikilala.
Sa wakas ay nakilala niya na ang ama ng babaeng kaniyang minamahal. Mabilis siyang lumapit dito at nagmano.
Nang dumiretso sila sa bahay upang ituloy ang naunsiyaming hapunan kasama ang pamilya ng kasintahan ay napag-alaman ni Kevin na kaya pala umabot ng dalawang taon bago siya ipinakilala ni Wendy sa kaniyang mga magulang ay dahil mahigpit ang bilin ng ama nito na kilatising maigi ng dalaga ang kasintahan. Siguraduhin daw muna nito na siya na nga talaga.
“Sigurado ka na pala sa akin, eh,” nanunuksong asar ni Kevin sa kasintahan dahil sa kaniyang nalaman.
“Bakit? Ikaw, hindi ka pa sigurado sa anak ko?” sabat naman ni Carlito.
Tila naman nalulon ni Kevin ang kaniyang dila at hindi siya nakapagsalita. Namutla ang kaniyang pisngi.
Sasagot na sana siya nang muling magsalita ang ama ng tahanan. “Biro lang, hijo. Masyado kang kabado!” At humalakhak pa ito.
Napuno ng tawanan ng mag-anak ang hapag. Napangiti naman si Kevin.
“Hindi na ako makapaghintay na maging parte din ng masayang pamilya na ito.” Iyon ang nasa isip ni Kevin habang minamasdan niya ang kaniyang kasintahan at ang mga magulang nito.