Ang Kumadrona

Dalagang ina si Isay. Nabuntis siya ng kaniyang nobyo ilang buwan na ang nakalipas. Tumigil siya sa pag-aaral para magtrabaho nang sa ganoon ay may magagamit siyang pera para sa pangpa-checkup niya buwan-buwan. Tumutulong siya sa kaniyang ina sa pagbebenta ng iba’t ibang isda malapit sa health center.

Mainit man ay kailangang kumayod dahil kung hindi ay wala silang kakainin ng kaniyang pamilya. Lumaking mahirap ang dalaga kaya naman sanay na siya sa isang kahig isang tuka.

Isang araw habang nagbebenta si Isay ay may lumapit na babae sa kaniya at kinausap siya nito.

“Ineng, kabuwanan mo na, ano?” tanong sa kaniya ng matandang babae. “Ah… Eh, opo,” maiksing sagot naman ng dalaga sa matanda.

“Ako pala si Rosa. Nanay Rosa ang tawag sa akin diyan sa center. Kung gusto mo ay puwede ka muna doon tumuloy. Nagpapaanak rin kami ng libre doon at maaalagaan ka namin,” alok sa kaniya ng matandang babae.

Dahil hindi palagay ang loob ni Isay sa matanda ay panay “oo” lamang ang kaniyang isinagot.

Habang patuloy sa pagsasalita ang matanda ay napansin ni Isay na parang hirap itong huminga at nanginginig na para bang hindi ito mapakali o may problema ito sa katawan.

Napatitig ang dalaga sa matanda nang mapansin niya na nakatayo na lamang ang matanda at nakatitig na lamang sa kaniya habang hinihingal ito. Palakas ng palakas ang paghingal ni Aling Rosa na akala mo ay kakapusin na ito ng hangin.

Advertisement

Nang mapansin naman ng matanda na nahihiwagaan na si Isay sa kaniya ay agad nitong isinara ang kaniyang bibig at naglakad ng mabilis patungo sa center.

Lumipas ang ilang linggo at napapansin ni Isay na halos araw-araw na siyang kinakausap ni Aling Rosa at lahat naman ng tinatanong at sinasabi ng matanda ay paulit-ulit lamang kaya naman naisipan ni Isay na ikuwento ang tungkol sa matanda sa kaniyang ina.

“Ano? Bakit hinahayaan mo lang? Hinding-hindi na kita isasama sa pagtitinda ng isda,” saad ng ina ni Isay.

Hindi mawari ni Isay kung nagalit o natakot ang kaniyang ina sa kaniyang mga sinabi kaya naman tinanong niya ang ina upang maliwanagan siya.

Bago magtanong si Isay ay napansin niyang aligaga ang kaniyang ina at ‘di mawari ang gagawin.

“Nay, bakit po? Kaya ko naman pong tumulong. Mababagot lamang ako dito sa ba…” Hindi pa natatapos sa pagrereklamo ang babae ay pinutol na ng kaniyang ina ang kaniyang sasabihin habang napapaluha.

“Hindi mo ba naiintindihan, anak? May ginagawa na sa’yo ang matandang iyon. Huwag naman sana umabot sa ganoon,” sagot ng kaniyang ina habang lumuluha.

Dahil nakonsensiya si Isay sa pagluha ng kaniyang ina ay sinunod na lamang niya ito at hindi na nagtanong pa.

Advertisement

Isang gabi ay nag-iisa lamang sa kanilang bahay si Isay. Habang nakaupo ang babae at hinihimas-himas niya ang kaniyang tiyan ay may narinig siyang kumatok sa kanilang pintuan. Nang buksan niya ang pinto ay bumungad sa kaniya si Aling Rosa.

Gulat at takang-taka si Isay kung paano natunton ng matanda ang kanilang bahay.

Agad na nagsalita ang matanda. “Ineng, puwede ba akong makahingi ng tubig? Kanina pa ako nauuhaw.”

Hindi naman sumagot si Isay at nakatitig lamang ito sa matanda.

Umakto naman ang matanda na para bang pagod na pagod.”Baka naman puwedeng makiupo sa loob kahit saglit lang. Malayu-layo rin kasi ang nilakad ko mula pa kanina.”

Habang nagsasalita ang matanda ay may naamoy si Isay. Napakabaho ng amoy. Amoy malansa. Na para bang nabubulok na laman.

Nang umaktong papasok na ang matandang babae sa bahay ay agad na isinara ni Isay ang pintuan at ikinandado ito.

Walang pakialam ang babae kung matamaan man ang ulo ng matanda o kahit anong parte ng katawan nito dahil sa nararamdaman niyang takot at pangamba.

Advertisement

Nang maisara ni Isay ang pinto ay nakarinig siya ng apat o anim na taong nagsisitakbuhan sa labas ng kanilang bahay. Dahil sa pangyayari ay naisip ng babae na baka ang matandang nagtatrabaho sa health center ay isang aswang.

Hindi na mapakali ang babae dahil nag-iisa lamang siya sa bahay.

Sumakto namang humilab ang tiyan nito. Halos mamilipit si Isay sa sobrang sakit na nadarama niya sa kaniyang tiyan.

Habang sapo ni Isay ang kaniyang tiyan ay nakarinig siya na parang may tumalon sa kanilang bubong at pilit kinukutkot ang yero. Para bang ginagawan ng butas ang bubong.

Masakit man ang tiyan ni Isay ay pilit niyang kinuha ang asin at isinaboy sa sahig. Kumuha siya ng tela at tinakip niya ito sa kaniyang tiyan at nilagyan niya rin ito ng asin.

Ilang minuto ang lumipas ay nawala ang ingay na nanggagaling sa labas.

Nakita ni Isay na unti-unting bumubukas ang bintana sa tabi niya at nakarinig siya ng bulong. “Lumabas ka na. Pinaalis ko na sila,” bulong ng matanda sa kaniya.

Sa takot ay sinabuyan ni Isay ng asin ang bintana at agad-agad siyang nakarinig ng isang malakas na sigaw. Hindi mawari ni Isay kung tao o tunog ng hayop ang narinig niya.

Advertisement

Ilang minuto muli ang lumipas at nawala na ang mga naririnig niya sa kanilang bahay.

Tumunog na naman ang doorknob ng pinto na para bang may nagbubukas nito. Nang bumukas ito ay agad na sinabuyan ni Isay ng asin ang sinumang nagbukas ng pinto at sumigaw dahil sa takot.

“Anak! Ano ba ang nangyayari sa’yo? Bakit mo ako sinabuyan ng asin, eh, hindi naman ako aswang?” inis na tanong ng ina ng babae bago nito napansin ang anak na namimilipit sa sakit.

“Anak? Diyos ko po! Manganganak ka na? Teka at tatawag lamang ako ng kumadrona!” nagmamadaling saad ng ina ni Isay. Tumakbo ito palabas at isinara ang pinto.

Nakapanganak ng maayos si Isay at nagsilang siya ng isang batang babae. Napanatag man ang loob ni Isay ay alam niya sa kaniyang sarili na hindi na mawawala sa kaniyang isipan ang karanasan niya sa isang aswang.

Nakita ulit ni Isay si Aling Rosa habang nagtitinda siya ng isda malapit sa health center at napansin niya na hindi ito makatingin ng maayos sa kaniya ngunit nararamdaman niya ang galit mula sa matanda.

Iyon na ang huling beses na nakita niya ang matanda. Umalis ito sa kanilang lugar dahil nadiskubre ni Isay ang itinatago nitong lihim. Kung saang bayan man ito lumipat ay walang nakakaalam.