“Ano? Hinding-hindi ako magkakagusto sa kaniya, noh!” mabilis pa sa alas kwatrong tanggi ni Tina nang tinukso siya sa matalik na kaibigan ng pinsan niyang si Danica.
“Chill lang, pinsan. Eh, ‘di hindi na kung hindi. Bakit ka ba nagagalit?” natatawang pang-aasar ni Danica sa pinsan niya.
“Oo nga. Affected much, ‘te?” gatong naman ng beki nilang kaibigan na si MJ.
Natawa na lang din ang iba pa nilang mga kaibigan kasi halos hindi na naman maipinta ang mukha ni Tina dahil sa inis.
Galing lang kasi sa breakup si Tina at masyado talaga siyang nasaktan nang iniwan siya ng dati niyang nobyo.
Gusto lang din naman siyang pasiyahin ng kaniyang pinsan at ng kaniyang mga kaibigan kaya tinutukso siya ng mga ito kay Rodgie. Bagay kasi sa isa’t isa ang dalawa.
Katulad ni Tina ay sugatan din ang puso ni Rodgie. Bagama’t hindi naging sila ng babaeng kaniyang niligawan ng mahabang panahon ay labis pa ring nasaktan ang binata nang pinili ng babaeng kaniyang iniibig na balikan ang ex nito kaysa ang sagutin siya. Mahal pa rin daw ng babae ang ex niya at hindi siya nito magawang mahalin.
Parehong nasaktan at pareho ang mga tanong na naglalaro sa isipan ng dalawa. Ano nga ba ang kulang sa kanila at hindi sila magawang mahalin ng mga taong labis nilang minamahal? Paanong ganoon lang kadali para sa kanila na iwanan sila at ipagpalit sa iba?
“Pinsan? Nandito ka ba?” tawag ni Tina kay Danica habang papasok siya sa kwarto ng kaniyang pinsan.
Laking gulat ng dalaga nang makita niya sa loob si Rodgie. Mag-isa lamang ito sa kwarto at naglalaro ng Mobile Legends sa kaniyang cell phone.
“O, Tina, nandiyan ka na pala. Lumabas muna sila saglit. Bibili lang daw sila ng pagkain natin para sa movie marathon natin mamaya. Iniwan nila ako para daw may kasama ka rito sakaling dumating ka agad,” saad ni Rodgie nang mapansin niya ang dalaga.
“Ah, ganoon ba? Sige dito lang muna ako sa kama,” sagot naman ni Tina sa binata at nahiga siya sa kama ni Danica.
Walang maririnig na ibang ingay sa kwarto kung ‘di ang tunog galing sa paglalaro ni Rodgie ng Mobile Legends.
“Defeat!” tunog galing sa cell phone ng binata.
Nainis si Rodgie kaya pin*tay niya na ang cell phone niya.
“Talo kayo?” tanong ni Tina sa binata. “Oo, eh. Nakakainis kasi ang mga kasamahan ko,” medyo naiinis pang sagot ng binata.
Tumango lang naman ang dalaga.
Ilang minuto pa ang nakalipas bago nagsalita ulit si Rodgie. “Malapit talaga kayo sa isa’t isa ni Danica, noh?”
“Ah, oo. Sabay kasi kaming lumaki ni pinsan kaya siguro ganoon,” sagot ni Tina sa binata.
“Halata nga, eh. Nakakatuwa nga kayo,” wala sa sariling komento ni Rodgie habang nakatingin sa larawan ng dalawang dalaga na nakapatong sa study table ni Danica.
Napansin naman ni Tina na nakatingin ang binata sa larawan nilang magpinsan kaya naman naikuwento niya kung ano ang nangyari nung araw na iyon.
‘Yun iyung araw na muntikan na silang malunod nung minsang naligo sila sa beach kasama ang kanilang pamilya. Nagpunta kasi ang magpinsan sa malalim na bahagi ng dagat nang biglang naanod sila palayo at pinulikat ang kanilang mga paa.
Mabuti na lamang at may dalawang lalaki na nakapansin sa magpinsan kung hindi ay baka pinaglamayan na sila nung araw ring iyon.
Naikuwento rin ng dalaga ang iba pang masasayang alaala nila ng kaniyang pinsan.
Tawa lang sila ng tawa ni Rodgie habang ikinukuwento ni Tina ang mga kalokohan ni Danica noong mga bata pa sila hanggang sa dumating na sila Danica at ang iba pa nilang mga kaibigan.
“Ay, wow, close na sila agad. Yieee!” pang-aasar ni Danica sa dalawa. Kinikilig pa ang dalaga habang sinasabi iyon.
Nagkatinginan lamang sina Tina at Rodgie. Sabay na tumawa ang dalawa dahil may naalala sila tungkol kay Danica, mga kalokohan nito noong bata pa ang dalaga.
“Ay, wow, talaga,” hindi makapaniwalang komento ni Danica. Hindi niya inaasahan na ganito kabilis magiging magkalapit ang dalawa bagama’t natutuwa siya para sa kanila.
Nagsimula na ang magkakaibigan na manood ng mga palabas na pinili nilang panoorin sa araw na iyon. Masaya silang lahat habang nagtatawanan, nagbibiruan at naghaharutan.
Simula din nung araw na iyon ay naging malapit na sa isa’t isa sina Tina at Rodgie.
Habang lumilipas ang mga araw na parati silang magkasama ay mas gumagaan ang loob nila sa isa’t isa. Nalaman din nila na marami silang pagkakaparehang dalawa. Bagama’t may mga pagkakaiba sila sa isa’t isa ay nagagawan naman nila ito ng paraan dahil ayaw nilang nag-aaway sila.
“Tina, pakiramdam ko mahal na kita. Alam kong kaibigan lang din ang hinahanap mo at hindi ka pa handang magmahal ulit pero handa naman akong maghintay para sa’yo. Maaari ba kitang hintayin hangga’t handa ka nang buksan muli ang puso mo?” kinakabahang tanong ni Rodgie kay Tina.
Hinawakan naman ng dalaga ang kamay ni Rodgie. “Hindi na kailangan. Mahal na din kita, Rodgie,” naluluhang pag-amin din ng dalaga. Hindi niya kasi inaasahan na mahal din pala siya ng binata.
“Talaga?” hindi makapaniwalang sigaw ni Rodgie. Niyakap niya ng mahigpit ang dalaga. Binuhat niya ito habang umiikot-ikot siya.
Napayakap din ng mahigpit si Tina sa binata habang natatawa dahil sa naging reaksiyon nito.
Niligawan ni Rodgie si Tina at makatapos lang ng ilang buwan ay agad din siyang sinagot ng dalaga.
Ang unang nilang sinabihan na may relasyon na sila ay ang pinsan ni Tina at matalik na kaibigan ni Rodgie na si Danica.
Sobrang saya naman ni Danica dahil sa wakas ay nakahanap na rin ang dalawang taong mahalaga sa kaniya ng tunay na pag-ibig.
Nagsimula man sa tuksuhan ang dalawa. Nauwi naman sila sa masayang pag-iibigan.