Inday TrendingInday Trending
Sa Aking Paglisan

Sa Aking Paglisan

Handang-handa na ang mag-lolo na si Mang Amil at Banog upang muling bumalik sa kanilang puwesto sa palengke. Hindi para magbenta ng kung anu-ano kung ‘di para mamalimos.

Kung minsan ay may nag-aabot ng mga barya. Minsan ay perang papel. Ngunit kadalasan ay pagkain.

Mahina na kasi si Lolo Amil. Noon ay kaya pa niyang mamasada ng padyak ngunit ngayon ay hindi na niya kaya pang mamasada. Nakakalakad siya gamit ang tungkod na yari lamang sa sanga ng punong kahoy.

Pagkarating doon ng mag-lolo ay inilatag na nila ang kanilang sapin at doon sila umupo. Naghintay sila at umasa na mabibigyan sila ng biyaya ng mga taong may mabubuting puso upang may ipanlaman sila sa kanilang tiyan.

Mag-isang itinataguyod ni Mang Amil ang walong taong gulang na si Banog. Iniwan ang bata ng kaniya ina sa kaniyang pangangalaga at hindi na nagpakita pang muli.

Labag man sa kalooban ni Mang Amil na tumigil ang bata sa pag-aaral ay wala naman siyang magawa dahil kahit ang sarili niyang pangangailangan ay hindi na niya matustusan.

Habang nagkukuwentuhan ang mag-lolo ay bigla na lamang nanikip ang dibdib ni Mang Amil at nahirapan siyang huminga.

Marami ang tumulong sa matanda. Dinala nila ito sa malapit na ospital.

Ayon sa doktor na tumingin kay Mang Amil ay mayroon daw matinding hika ang matanda at kailangan nitong mamalagi sa isang lugar kung saan hindi ito makakalanghap ng usok at alikabok. Pinayuhan din ng doktor ang matanda na magpahinga kung hindi ay maari niyang ikasawi ang kaniyang karamdaman.

Sa kadahilanang walang pera si Lolo Amil hindi na siya nagtagal pa sa ospital na nagbigay lamang ng paunang lunas sa kaniya.

“Lolo, ano pong nangyari sa’yo kanina? Bigla na lang kasi kayong nahirapan huminga tapos dinala na kayo sa ospital. May sakit po ba kayo, lolo?” tanong ni Banog kay Lolo Amil.

Ngumiti ang matanda sa bata. Hinaplos ang mukha nito at saka hinawakan ang ulo. “Walang sakit si Lolo Amil, Banog. Malakas pa ako. Tsaka hindi pa tayo mayaman kaya hindi pa ako dapat magkasakit. Kaunting ubo lang iyon, noh!” masayang tugon naman ni Lolo Amil.

Sinuklian naman ni Banog ng malaking ngiti ang matanda at patuloy silang naglakad palabas ng ospital.

Sa kanilang pag-uwi sa kanilang barung-barong panay ang kuwento ng batang si Banog tungkol sa kaniyang mga pangarap habang nagtuturo ng malalaki at magagarang bahay na nadadaanan.

“Lolo, paglaki ko bibili ako ng ganiyan! Ay, mali! Ganoon pala para mas malaki! Tapos kakain tayo doon ng maraming pagkain. Tapos manonood tayo ng TV!” sabik na sabi nito.

Aliw na aliw naman si Lolo Amil habang nakikinig sa kaniyang apo. Ngunit sa bawat pagtawa ng matanda ay ang itinatago nitong lungkot dahil alam niyang malapit niya nang iwan ang kaniyang apo.

Pagkarating sa bahay ay pinagsaluhan ng mag-lolo ang pagkaing ibinigay sa kanila ni Julius, isang kagawad sa kanilang barangay. Tuwing gabi ay palagi itong nag-aabot sa kanila ng pagkain kaya naman malaki ang pasasalamat ni Lolo Amil dito.

Kinabukasan ay nagising na lamang si Banog na wala na si Lolo Amil sa kaniyang tabi. Hinanap niya ito at natagpuan niya itong naglalakad kasama si Julius pabalik sa bahay nila. Mabagal ang paglalakad ng dalawa at mukhang seryoso ang kanilang pinag-uusapan.

Hindi nadidinig ni Banog ang pinag-uusapan ng dalawa ngunit binibilin na siya ng matanda kay Julius dahil wala na silang iba pang kamag-anak na maaaring kumupkop sa kaniya.

“Ikaw na sana ang bahala kay Banog, Julius. Alam kong malaki na ang naitulong mo sa amin. Ngunit wala akong ibang mapag-iiwanan sa kaniya. Kilala mo naman ‘yan. Pilyo ngunit napakabait na bata at punung-puno ng pangarap. Nahihiya ako sa’yo, Julius, ngunit ikaw lang talaga ang malalapitan ni Banog kapag pumanaw na ako,” paliwanag ni Lolo Amil kay Julius.

“Mang Amil, dadating tayo diyan. Alam kong matagal pa mangyayari iyon. Huwag kang magsalita ng ganiyan. Basta ano man ang mangyari ay handa akong kupkupin si Banog. Pangako ‘yan, Mang Amil,” tugon naman ni Julius sa matanda.

Mayamaya ay narinig na nila Mang Amil at Julius ang matining na boses ni Banog sa ‘di kalayuan. Magiliw itong kumakaway sa kanilang dalawa na ikinangiti naman nila. Lumapit ang bata sa kanila at yumapos ito sa kaniyang lolo.

Nagpaalam na si Julius kay Mang Amil at Banog. Sabik namang niyaya ni Banog si Mang Amil na pumunta na sila sa kanilang puwesto ngunit sa pagkakataong iyon ay sinabi ng matanda na hindi muna sila pupunta sa kanilang puwesto at inengganyo niya ang kaniyang apo na makipaglaro na lang muna sa ibang mga bata.

Nang makaalis na si Banog ay agad na nagtungo si Mang Amil sa likod ng kanilang barung-barong. Kinuha niya ang mga natitira niyang tabla at mga kahoy. Kumuha din siya ng mga kagamitan tulad ng lagari, martilyo at pako. Dahil alam niyang mahirap lamang sila ay gagawan niya ang kaniyang sarili ng kabaong upang hindi na mahirapan pa si Banog at Julius sa pagbabayad nito.

Sinabi niya rin kay Julius na hindi na kailangang paglamayan pa siya dahil wala rin naman siyang ibang kamag-anak na pupunta.

Halos malapit ng matapos ang ginagawa ni Mang Amil. Barnis na lamang ang kulang pero para sa kaniya ay ayos na ang kabaong kaniyang ginawa.

Tumigil ang mundo ni Mang Amil nang may pumuntang bata sa kanila barung-barong upang maghatid ng isang nakagigimbal na balita.

“Si Banog po! Si Banog po nasagasaan!” sigaw ng bata na kalaro ni Banog.

Kahit nahihirapan ay agad na nagtungo si Mang Amil sa lugar kung saan maraming tao ang nakapalibot at nag-uusap-usap. Nang makarating siya doon ay hindi alam ng matanda kung ano ang kaniyang mararamdaman. Takot na takot siya dahil ang kaniyang apo ay isinakay sa ambulansiya. Walang malay ang bata at duguan matapos daw itong mabangga ng isang trak.

Sinubukan ng mga doktor ang lahat upang sagipin ang buhay ni Banog ngunit malala ang mga pinsalang natamo nito. Ang batang masayahin at puno ng pangarap ay nauna nang pumanaw sa kaniyang lolo na may malubhang karamdaman.

Hindi naman mapatid ang luha ng matanda habang binabarnisan niya ang kabaong na dapat sana ay para sa kaniya ngunit para pala ito sa kaniyang apo. Inayos pa niya ng kaunti ang haba upang sumakto ito sa kaniyang apo.

Hindi makapaniwala si Lolo Amil sa mga nangyari. Hanggang ngayon ay hindi niya matanggap na ang masigla, masiyahin at puno ng pag-asang apo ang ihahatid niya sa huling hantungan gamit ang kabaong na siya mismo ang gumawa.

Habang inililibing ang kaniyang mahal na apo ay malaki ang pagsisisi ni Mang Amil. Sana pala ay hindi muna niya inisip ang kaniyang karamdaman at kinabukasan na wala namang kasiguraduhan. Sana pala ay itinuon niya ang natitirang niya pang mga araw sa mundong ibabaw at ang buo niyang atensiyon sa kaniyang pinakamamahal na apo.

Advertisement