Inday TrendingInday Trending
Mga Pangakong Napako

Mga Pangakong Napako

“Pa, sinugod na naman si mama sa ospital. Sabi mo uuwi ka? Kailangan kita dito,” muling tinext ni Nina ang kaniyang amang nagtatrabaho sa ibang bansa. Kung may pagpipilian lang siya ay hinding-hindi niya ito kakausapin ngunit iba ang sitwasyon ngayon. Nag-aagaw buhay ang kaniyang ina sa ospital at hindi niya alam ang gagawin. Ang kasa-kasama niya lang ngayon ay ang kaniyang mabait na tiyahin.

“Hija, huwag sana masyadong sumama ang loob mo sa ama mo. Alam mo namang ginagawa niya ang lahat para masuportahan ang iyong pag-aaral at pagpapagamot ng ina mo,” sabi ng kaniyang tiyahin sabay pisil sa kaniyang kamay.

Tumango na lang si Nina bilang tugon dito. Sanay na siyang binabalewala ng kaniyang ama. Simula pagkabata ay palagi itong nangangako sa kaniya. Na uuwi ito sa kaarawan niya, na may pasalubong ito, na mamamasyal sila. Ngunit ni isa sa mga iyon ay hindi natupad. Kahit ang pangako nitong pag-aaralin siya sa pangarap niyang eskuwelahan ay hindi nito natupad.

Pero ang pinakamasakit sa lahat ay noong hindi man lamang ito umuwi sa loob ng tatlong taon kahit pa palaging inaatake ng sakit ang kaniyang ina. Parang wala itong pakialam. Ni ang mag-reply sa mga texts nila ay hindi nito magawa ng madalas.

Minsan pa nga ay naabutan niyang umiiyak ang kaniyang ina habang yakap nito ang litrato ng kaniyang ama.

Lalong lumalim ang galit niya dahil halatang mas lalong lumala ang sakit ng kaniyang ina dahil sa hindi nito pagpaparamdam sa kanila. Naging malungkutin ito at matamlay dahil sa pag-aalala sa walang kuwenta niyang ama.

Naputol ang pagmumukmok ni Nina nang biglang nagtunugan ang mga aparato na nakakonekta sa kaniyang ina. Nataranta siya nang makita niya ang matinding panginginig ng buo katawan ng kaniyang ina kaya agad niya itong hinawakan sa kamay.

“Ma? Ma? Doktor! Tiya, tumawag ka ng doktor!” sigaw ni Nina sa kaniyang tiyahin na tila naging estatwa dahil sa nerbiyos.

Kumaripas ng takbo ang kaniyang tiyahin at ilang sandali lamang ay dumating na ang mga doktor.

Labis ang hinagpis ni Nina at nanginginig ang kaniyang kalamnan habang pinapanood niya ang paghihirap ng kaniyang ina. Tinatawag niya nang paulit-ulit ang pangalan nito ngunit tila hindi na siya nito naririnig.

Tuluyang nadurog ang puso niya nang marinig niya ang matining na alingawngaw ng aparato nang tumigil na sa pagtibok ang puso ng kaniyang ina.

Isa iyon sa pinakamadilim na oras ng buhay ni Nina. Wala siyang nararamdaman kung hindi kalungkutan at pighati.

Tatlong araw nang nakaburol ang nanay niya ngunit hindi niya pa rin matanggap na ang nag-iisang taong nag-aalaga sa kaniya ay wala na.

Narinig niya ang bahagyang komosyon sa kaniyang likuran ngunit hindi niya iyon pinansin nang bigla na lang may humawak sa kaniyang balikat.

Bigla ang pagguhit ng sakit sa kaniyang dibdib nang makita niya ang mukha ng kaniyang ama na kakauwi lamang mula sa ibang bansa. Kasabay nito ay ang pagsabog ng galit at sama ng loob na dinulot nito sa kaniya at sa kaniyang ina.

“Bakit ka nandito? Umalis ka dito! Hindi ka na namin kailangan! Ayaw na kitang makita!” sabi ng dalaga habang tinutulak niya ang kaniyang ama palayo.

“Nina, anak, naman. Nandito na ako ngayon. Patawad at nahuli ako ng dating. Patawad, anak…” Naputol ang sasabihin ng ama ng dalaga dahil bigla na lang tinakpan ni Nina ang kaniyang dalawang tenga at malakas na tumili.

“Tama na! Tama na! Huwag mo kong tawaging anak dahil ni minsan ay hindi kita naging ama! Matagal ka nang walang pamilya!” paulit-ulit na sabi ng dalaga habang patuloy din ang kaniyang pag-iyak.

Pilit siyang niyayakap ng kaniyang ama ngunit lalo lang nagwala ang dalaga. Hanggang sa kinumbinsi na lamang ng mga tiyahin ng dalaga ang ama nito na baka hindi pa iyon ang tamang pagkakataon para lapitan niya ang kaniyang anak.

Lumipas ang ilang buwan na magkasama ang mag-ama sa kanilang tahanan ngunit walang kibo ang dalaga. Pumapasok ito sa eskuwela ng maagang-maaga at uuwi rin ng gabing-gabi. Tuwing kakausapin ang dalaga ng kaniyang ama ay malamig na katahimikan o maikling tugon lang ang sagot nito.

Naging madamot din sa ngiti ang dalaga kaya naman labis na nalulungkot ang kaniyang ama.

Ayaw ng lalaki na bumalik sa pagtatrabaho hangga’t ‘di pa maayos ang relasyon nila ng kaniyang anak. Gusto niyang magpaliwanag ngunit kahit anong gawin niya ay ayaw siyang pakinggan ng kaniyang anak. Pakiramdam niya ay hindi lang siya nawalan ng asawa. Nawalan rin siya ng anak.

Si Nina naman ay patuloy pa rin ang paghihinagpis. Tuwing gabi ay nasa kwarto siya ng kaniyang ina at doon ay tahimik na umiiyak.

Isang gabi, habang inaayos niya ang mga gamit ng kaniyang ina ay may nakita siyang isang kahon. Napangiti siya nang makita niya ang mga diary ng kaniyang ina. Napakahilig ng kaniyang ina na magsulat o gumuhit sa mga notebook.

Binuklat niya ang isa at nalalag ang isang litrato ng kanilang pamilya.

Sa litrato ay buhat-buhat siya ng kaniyang ama sa balikat nito habang ang ina naman niya ay nakayakap sa kaniyang ama. Lahat sila ay nakangiti.

Nanlamig na naman ang puso ni Nina nang maalala niya ang kaniyang ama kaya binasa na lamang niya ang mga nakasulat sa diary ng kaniyang ina.

Nagkasakit na naman si Marlon sa ibang bansa kaya hindi siya makakauwi para sa kaarawan ni Nina. Nag-aalala ako. Alam kong mahina ang resistensiya niya sa lamig ngunit nagtatrabaho pa rin siya sa napakalamig na lugar.

Binasa ni Nina ang sinulat ng kaniyang ina sa isang pahina ng diary nito.

Nagtatampo ang mahal kong anak dahil hindi nakauwi si Marlon ngayong Pasko. Pagkatapos ay maliit na laruan lang ang iniregalo sa kaniya ng kaniyang ama. Nahihirapan akong ipaliwanag sa bata na nasangkot sa gulo ang kompaniyang pinagtatrabahuan ng kaniyang ama kaya gipit ito ngayon. Hiling ko lang na sana ay may kinakain ang mahal kong asawa at sana ay hindi ito nagkakasakit.

Nagsimula nang tumulo ang mga luha ng dalaga ngunit ipinagpatuloy niya ang pagbabasa ng diary ng kaniyang ina.

Tatlong buwan na mula noong huling tawag ni Marlon. Ang huli kong balita ay may malawakang terorismo sa kinaroroonan niya kaya labis akong nag-aalala. Huli na rin nang namalayan kong malayo na ang loob ni Nina sa kaniyang ama. Nagkulang ako bilang ina kaya lumaki siyang may galit sa kaniyang ama. Sana ay maipaintindi ko sa kaniya na ginagawa ng kaniyang ama ang lahat para lamang makaipon ito ng pera pauwi. Hiling ko na sana ay makapiling ko ang aking mahal na asawa’t anak kahit man lang sa huling sandali ng aking buhay.

Sa pagkakataong iyon ay humahagulgol na ng iyak si Nina kaya nang marinig ito ng kaniyang ama ay dali-dali itong pumasok sa kwarto. Nang makita nito ang diary ng kaniyang asawa ay niyakap agad nito ang kaniyang anak.

Tuluyang tumulo ang luha mula sa mata ng lalaki nang yumakap din pabalik ang kaniyang anak.

“Patawad po, papa, sa mga nasabi ko. Ngayon ay naiintindihan ko na po,” umiiyak na pahayag ni Nina sa kaniyang ama.

“Sshh,” pang-aalo ng ama habang hinahaplos niya ang buhok ng anak.

“Ayaw lang namin ng mama mo na mag-alala ka at maabala ka sa iyong pag-aaral. Pagkakamali din naman namin na hindi namin naipaliwanag sa’yo ng maayos ang mga nangyayari. Patawarin mo ako sa lahat ng sakit na idinulot ko, anak,” saad ng ama ni Nina.

Nang gabing iyon ay bumaha ng luha at pagpapatawad sa tahanan ng mag-ama. Ang mga nakaraang galit at hinanakit dala ng mga napakong pangako ay tuluyan nang nabura sa kanilang mga puso. Nagpasya ang mag-ama na ipagpapatuloy nila ang kanilang buhay nang magkasama. Hindi lang para sa kanilang dalawa kung hindi para din sa ina ni Nina.

Advertisement