Ikakasal na si Ron sa kaniyang dalawang taon nang kasintahan na si Jessica. Pinaplano na nila ang kanilang kasal na gaganapin na sa susunod na taon. Maraming kailangang ihanda at nais nilang maging maganda at espesyal ang kanilang kasal kaya naman talagang pinalalaanan nila ito ng panahon.
Nagkaroon ng mga bagong empleyado ang kompaniyang pinagtatrabahuan ni Ron at ang lalaki ang naatasan na magturo at umalalay sa mga ito. Dahil kailangang tutukan ng lalaki ang kanilang trabaho ay halos buong araw niyang kasama ang mga ito. Maging sa kaniyang break time ay ang mga bagong empleyado ang kaniyang kasama.
Isa sa mga bagong empleyado na binabantayan ni Ron si Emma.
Masayahing babae si Emma at kapansin-pansin ang pagiging magiliw at palakaibigan nito. Kaya naman kahit baguhan pa lamang ang babae ay hindi ito nahirapang magkaroon ng mga bagong kaibigan. Isa si Ron sa naging kaibigan ng babae.
Halos dalawang buwan na rin mula nung magsimula ang mga bagong empleyado. At sa loob ng mga panahong iyon ay mas naging malapit sa isa’t isa sina Ron at Emma.
Habang patuloy ang pag-aasikaso nina Ron at Jessica sa kanilang kasal ay patuloy rin ang paglalim ng pagkakaibigan nina Ron at Emma. Sa bawat araw na lumipas ay unti-unting namumuo ang pagdududa ng lalaki sa kaniyang nararamdaman dahil tila lumilihis ang kaniyang puso patungo kay Emma.
Si Jessica, ang kasintahan ni Ron ay tahimik lang na babae at hindi palakaibigan. Lumaki itong sagana sa buhay at mayaman. Palaging umaasa sa kusinera at mga katulong na naninilbihan sa kanilang pamilya kaya hindi ito marunong ng mga gawaing-bahay.
Si Emma bagama’t hindi kagandahan at sexy ay maganda naman ang personalidad. Magaling din itong kumanta at sumayaw. Marunong din itong magluto at gumawa ng mga gawaing-bahay kaya naman hindi napigilan ng lalaki na humanga sa dalaga.
Ang nararamdamang paghanga ni Ron ay umabot na sa puntong palagi na siyang nasasabik na pumasok sa trabaho dahil makakasama niya ulit si Emma.
Ang mas malala pa ay kahit kasama niya ang kaniyang nobyang si Jessica ang kaniyang isip ay lumilipad kay Emma.
Alam ni Ron na mali na ang kaniyang ginagawa at nais niyang pigilan ang umuusbong niyang damdamin para kay Emma. Alam niya rin na kailangan niyang ayusin ang kaniyang sarili lalo na at magpapakasal na siya.
Pinuntuhan ni Ron ang kaniyang ama upang humingi ng payo. Sa kaniyang ama niya lang kayang sabihin ang lahat ng kaniyang problema dahil lagi itong maunawain sa lahat ng pagkakataon.
Ikinuwento ni Ron sa kaniyang ama ang tungkol kay Emma at kung bakit dumating sa punto na nagkaroon siya ng paghanga sa dalaga.
“Anak, sagutin mo ako. Sino ang mahal mo ngayon?” Biglang tinanong si Ron ng kaniyang tatay. “Si Jessica po!” mabilis na sagot ni Ron sa kaniyang ama.
“Kaya mo bang mawala sa’yo si Emma?” Nagtanong ulit ang ama ng binata. “Magaan po ang loob ko sa kaniya, tay. Pakiramdam ko nga po na kung sa ibang panahon o pagkakataon ay maaaring magkagusto po ako sa kaniya. Napakaganda po kasi ng ugali niya at madiskarte pa sa buhay. Pero kung mawawala siya ay kaya ko naman. Hindi pa naman kami matagal na magkakilala, eh,” sagot ni Ron.
“Eh, si Jessica? Kaya mo bang mawala siya sa buhay mo?” tanong ng lalaki sa kaniyang anak. “Sobrang hirap sagutin niyan, ‘tay. Iniisip ko pa lang nasasaktan na ko. Hindi ko kaya, ‘tay. Kung uulit-uulitin ko man ang buhay ko nanaisin ko pa rin na paulit-ulit ko rin siyang makilala at makasama,” seryosong sagot ni Ron sa kaniyang ama.
“Kahit na maarte si Jessica at hindi marunong sa gawaing-bahay, kahit na sintunado pa siya at hindi marunong kumembot, kahit pati sa kama… Siya pa rin ang pipiliin kong pakasalan at makasama habang buhay,” nakangiting sagot ni Ron. Mababakas ang matinding kilig sa mukha nito.
“Alam mo na ang sagot sa problema mo, anak,” saad ng ama ng binata. Napapangiti pa ito dahil natatawa ito sa sinabi ng kaniyang anak.
“Anak, lagi mong tatandaan na maraming beses tayong ihaharap sa tukso at kasalanan pero nasa atin pa rin ang huling salita. Sinusubukan lamang ng Diyos ang katatagan at katapatan natin. Maaaring sinusubukan ka lang niya kaya mo nakilala si Emma,” wika ng ama ni Ron.
“Hindi mauubos ang mga babae sa mundo. Hindi ito ang magiging huling pagkakataon na ipapakita sa’yo ng mundo na may babaeng mas hihigit, mas maganda at mas magaling pa kaysa sa babaeng pinili mong pakasalan. Pero nasa sa iyo ang desisyon, anak, kung araw-araw mong pipiliin ang babaeng mahal mo kahit na ilang beses ka pang kinalabit ng tukso,” pangaral ng ama ni Ron.
“Minsan, anak, pilit nating hinahanap ang wala sa atin kaya nakakalimutan na natin tignan at titigan kung ano ang meron tayo. Hindi likas sa tao ang makuntento. Pero kung lagi kang maghahanap ng kakulangan hindi mo mamamalayan na wala na pala ‘yung bagay na mahalaga sa’yo dahil pilit mong pinupunan kung ano ang kulang para lang makuntento ka,” dagdag pa ng ama.
Tila naging seryoso ang usapan ng mag-ama pero nag-iwan naman ito ng marka sa puso at isipan ni Ron. Mas naliwanagan na siya ngayon. Alam na niya ang kaniyang gagawin.
Ipinangako ni Ron sa kaniyang sarili na araw-araw niyang liligawan si Jessica kahit kasal na sila. Palagi niyang ipaparamdam dito kung gaano ito kahalaga sa kaniya at kung gaano siya kasuwerte dahil ito ang makakasama niya habang buhay.
Dahil malinaw na kay Ron kung ano ang tunay niyang nararamdaman ay naging kaswal na katrabaho na lang ang pakikitungo niya kay Emma. Umiiwas na siya sa babae kung hindi tungkol sa trabaho ang kanilang pag-uusapan.
Kinasal sina Ron at Jessica pagkalipas ng ilang buwan. Isang buwan pa lamang nagsasama ang dalawa bilang mag-asawa ay nakabuo sila agad ng bagong miyembro ng kanilang pamilya.
Sa pagkakataong ito ay hindi lang si Jessica ang pipiliin ni Ron araw-araw dahil kahit ilang beses pa siyang kalabitin ng tukso ay mas pahahalagahan niya ang kaniyang pamilya.