Paano Nagbago Ang Dating Basagulero?

Paano Nagbago Ang Dating Basagulero?

LoveMiracleStories

Tambay.

Walang trabaho.

Walang patutunguhan ang buhay.

Basagulero.

Ilan lang ang mga iyan sa mga salitang kaagad na naiisip ng mga taong nakakakilala kay Larry sa tuwing maririnig nila ang kaniyang pangalan. Isa kasi siyang talamak na basagulerong walang hindi kinasasangkutang gulo sa isang baryong iyon, sa Cabuyao, Laguna. Sa tuwing magkakagulo sa kanilang lugar, hindi maaaring hindi sangkot o hindi pasimuno si Larry. Mainitin kasi ang kaniyang ulo na matingnan mo lang nang kaunti, akala niya ay naghahamon ka na ng away. Masiyadong bayolente ang uri ng pag-iisip na mayroon ang lalaking ito—na isang araw… bigla na lang nagbago.

“Totoo ba? Si Larry raw, bumait na?” may pagdududang tanong ng isa sa mga promotor ng tsismis sa lugar na iyon.

“Oo raw, e! Aba, akalain mong babait pa pala ang lintik na iyon!” agad namang komento ng isa pa.

“Naku, ilang araw lamang ʼyan. Ang basagulero, basagulero na talaga ʼyan at hindi na magbabago,” ngiwing sabat naman ng nagso-softdrinks pang tindera sa tindahang iyon na kanilang tinatambayan.

Kalat na sa buong baranggay ang naging pagbabago raw ng pag-uugali ni Larry. Kung dati kasi ay makikita siyang nakatambay agad at naninigarilyo sa tapat ng isang tindahan, ngayon ay makikitang nagwawalis siya sa kanilang bakuran at nakangiting binabati ang lahat ng kakilala niyang napaparaan.

Laking pagtataka naman ng mga ito sa kaniyang mga ikinikilos na kaiba sa nakasanayan na nilang makita sa kaniya. Hindi tuloy nila alam kung papaano silang magre-react.

“Nababaliw na ba ʼyan si Larry?” tanong ng isa sa mga nagtatakang kaibigan ni Larry na kasakasama niya noon sa mga trouble na kaniyang nakasasangkutan.

“Hindi, ano! Bumait lang, nababaliw na agad?” tatawa-tawang tanong naman ng pinakamatalik na kaibigan ni Larry na siyang nakakaalam kung papaanong nagbago ang kaibigan.

“E, paano ba kasi bumait ʼyan, pare?”

Ngumisi muna ang kausap bago sumagot. “Dahil sa babae.”

Siyam na buwan na ang nakakalipas nang makilala ni Larry si Zenny. Nagtatrabaho ito bilang dishwasher sa isang canteen na madalas noong kainan ni Larry. Naging malapit sila sa isaʼt isa hanggang sa nahulog si Larry sa dalaga.

“Zenny, mahal kita. Alam kong hindi ko deserve ang pagmamahal mo, kaya naman hindi ko hihilinging mahalin mo rin ako. Gusto ko lang talagang sabihin ito sa ʼyo.”

Kinakabahan si Larry nang mga oras na iyon habang naghihintay ng sasabihin ng dalaga. Kilala siya bilang matigas at astig sa kanilang lugar ngunit pagdating kay Zenny ay mabilis siyang tumitiklop. Alam niyang napakasama ng reputasyon niya kaya naman inihand na niya ang sarili. Alam niyang mare-reject siya, ngunit gusto niya pa rin iyong marinig mula sa bibig mismo ng kaniyang minamahal.

“Larry…”

Malakas ang naging kalabog ng dibdib ni Larry nang banggitin ni Zenny ang kaniyang pangalan.

“Larry, pasensiya ka na, pero hindi pa iyan ang priority ko sa ngayon…” sabi ng dalaga.

Napahinga nang malalim si Larry. Inaasahan na niya ang ganoong sagot mula sa dalaga. Ganoon pa man ay nakikita niyang bakas ang lungkot sa mukha nito at hindi niya naman gustong magkaganoon ang babaeng minamahal niya kahit pa binasted siya nito.

“Ayos lang. Katulad ng sabi ko sa ʼyo, hindi ko hihinging mahalin mo rin ako. Gusto ko lang naman talagang malaman mong mahal kita, e.” Sinserong ngumiti si Larry kaya naman napangiti na rin si Zenny.

Naghiwalay sila ng landas nang matiwasay at walang samaan ng loob… ngunit nang mga sandaling iyon, durog man ang puso ay nagpasiya si Larry sa kaniyang sarili…

“Magbabago na ako,” sabi niya at agad ngang tinupad ang pangakong iyon.

Ipinagpatuloy ni Larry ang kaniyang magandang pagbabago. Naghanap siya ng matinong trabaho, naging mas mabuting tao, at higit sa lahat ay kinilala niya ang Diyos.

Nakita ni Zenny ang lahat ng effort na iyon ni Larry. Iyon naman kasi ang gusto ng dalaga. Gusto niyang magbago si Larry, hindi para sa kaniya kundi para mismo sa sarili nito, kaya naman kahit mahal niya ang binata ay hindi niya ito sinagot.

Ngunit mayroon ngang kasabihan ang matatanda: Sa hinaba-haba man daw ng prosisyon, sa simbahan din ang tuloy, at iyon mismo ang nangyari kina Larry at Zenny.

“Mahal na mahal kita, Larry.”

“Mahal na mahal din kita, Zenny.”

Walang hindi kayang gawin ang pag-ibig. Kahit ang pinakaimposibleng bagay ay maaaring mangyari, bastaʼt nariyan ang pagmamahal. Maaari ka nitong dalhin sa masama, ganoon din naman sa mabuti. Anoʼt ano pa man, ikaw pa rin ang magdededisyon kung saan ka nito dadalhin.

More Stories