Basta’t Magpapaalam

Masayang-masaya si Aling Godyang kapag napagmamasdan niya ang mga tanim na halaman sa kaniyang malawak na bakuran. Kung kakantahin ng sinuman ang awiting-bayan na “Bahay Kubo”, akmang-akma rito ang bahay ni Aling Godyang; lahat ng gulay na mababanggit doon ay makikita sa kaniyang bakuran.

Sadya ngang may “luntiang daliri” si Aling Godyang. Anumang buto o punla na itanim niya, o kahit ihasik sa kaniyang lupa, tiyak na tutubo. Marami sa kaniyang mga kapitbahay ang bumibili ng mga gulay na kaniyang pananim. Kapag malapit ang loob niya sa kapitbahay, ibinibigay niya nang libre ang mga ito. Isa sa mga madalas na hingin sa kaniya ay ang dahon at bunga ng malunggay.

“Ano kaya kung magkaroon tayo ng puwesto sa palengke? Para maibenta natin ang mga gulay na pananim. Sariwa pa,” mungkahi ni Mang Jojo na asawa ni Aling Godyang.

“Oo nga, ma. Naku siguradong kukuyugin ang mga gulay natin. Bukod sa malalaki, tiyak na sariwa pa. Fresh na fresh mula sa ating bakuran,” segunda naman ni Joyce, ang panganay na anak nila.

Nagustuhan naman ni Aling Godyang ang mungkahi ng kaniyang mag-ama kaya humanap sila ng puwesto sa palengke na hindi naman mahal ang renta. Sinubukan nilang magtinda ng mga gulay at dahon ng malunggay. Wala pang tanghali ay nauubos naman ito.

Isang araw, napapansin ni Aling Godyang na tila nababawasan nang napakarami ang mga dahon at bunga ng malunggay niya. Bukod dito, may mga nawawala ring kamatis, upo, patola, at kalabasa. Sinabi niya ito sa kaniyang asawa.

“Mukhang may pumapasok sa ating bakuran at namimitas ng mga gulay at dahon ng malunggay. Hindi man lamang nagpapaalam. Tantiya ko, isa sa mga ating kapitbahay.”

“Naku mahirap namang mambintang pero sige gagawan natin ng paraan,” sabi ni Mang Jojo.

Advertisement

“Ayos lang naman sa akin kung wala silang pambayad, pero sana naman magpapaalam sila, hindi yung kuha lang sila nang kuha,” naiinis na sabi ni Aling Godyang.

Tinaasan ni Mang Jojo ang bakod ng kanilang mga pananim. Nilagyan din ito ng nakatutusok na wire upang wala nang magtangkang pumasok at manguha ng kanilang mga pananim. Nagpaalala rin sila sa mga kapitbahay na kung gusto nila ng gulay o dahon, magpapaalam lamang sa kanila upang mabigyan sila nang libre.

Subalit tila hindi ito mabisa dahil napapansin pa rin ni Aling Godyang na nababawasan nang walang paalam ang kaniyang mga pananim. Tila maliit na tao ang pumapasok sa bakuran, batay sa nasirang bakod na nasa bandang ibaba. Isang plano ang kanilang naisipan.

Maagang natulog si Aling Godyang upang manatili siyang gising sa madaling-araw. Huhulihin niya kung sinuman ang nangunguha ng kaniyang mga gulay. Sa palagay niya, madaling-araw nangunguha ang naturang magnanakaw.

Hindi nga sila nagkamali. Bandang alas singko y media, isang batang lalaki ang nakita nilang sumuot sa bakuran. Tahimik itong namitas ng mga gulay at dahon ng malunggay. Hindi nito napansin ang kanilang paglabas at pumwesto sila sa lulusutan nito.

“Huli ka!” daklot ni Mang Jojo sa batang lalaki.

Halos mapalundag naman sa takot ang bata. Nanginginig ito.

“Maawa na po kayo sa akin. Pasensya na po… kailangan ko lamang po itong gawin para magkapera at makatulong sa pamilya,” umiiyak na paliwanag ng bata na nagngangalang Boyet.

Advertisement

Batay sa interogasyon, ang batang lalaki ay mula sa isang hikahos na pamilya. May sakit umano ang kaniyang ina kaya hindi makapagtrabaho. Naisip ng batang lalaki na magbenta ng mga gulay sa palengke upang kumita at magkaroon ng panggastos sa araw-araw.

“Hindi maganda ang pagnanakaw. Maganda naman ang intensyon mo pero hindi mo dapat ginagawa ang pangunguha ng gamit ng iba nang walang paalam. Kung sana ay sinabi mo lamang ang pakay mo at kinausap mo kami, baka natulungan ka pa namin,” sabi ni Aling Godyang.

Pinatawad nila ang bata. Upang matulungan nila ito, pinagbantay nila ang bata sa kanilang puwesto sa palengke. Binabayaran nila ito nang sapat upang makatulong sa pamilya. Binibigyan din nila ito ng gulay at dahon ng malunggay upang maiuwi sa pamilya.

Napagpasyahan ng mag-asawa na pag-aralin si Boyet. Pumayag naman ang magulang na ito kapalit ang paninilbihan sa kanila sa palengke. Matapos ang maraming taon at nakatapos ng pag-aaral si Boyet. Bilang pagtanaw ng utang na loob kina Mang Jojo at Aling Godyang na noon ay matatanda na, tinulungan niyang maipagawa ang mga ito ng isang grocery store at mas malaking tindahan ng mga gulay ang dating maliit na puwesto sa palengke.

“Maraming salamat po sa inyo. Binago ninyo ang buhay ko,” pasasalamat ni Boyet sa mag-asawa.