Kahit masikip at hindi gaanong kalakihan ang mga bahay nina Estong, masaya naman silang namumuhay ng kaniyang itay at inay kasama pa ang kaniyang nakatatandang kapatid na sina Sheryl at Sherwin.
“Tatay, kailan po kaya lalaki ang bahay natin?” tanong ni Estong sa kaniyang tatay na si Mang Nardo habang sila ay kumakain ng hapunan.
Isa sa mga gusto ni Estong sa kaniyang pamilya ang sama-sama nilang pagkain sa hapag-kainan. Tinitiyak ng kanilang tatay na nasa loob na ng bahay ang lahat pagtuntong ng alas sais ng gabi. Sa tuwing sila ay kumakain, mas sumasarap ang kanilang pagkain, kahit tortang talong o tuyo ang ulam, basta’t sama-sama sila at nagkukuwentuhan.
“Anak, malapit na! Ilang tulog na lang, kapag nakatapos na sa kolehiyo ang ate mo at kuya mo, hindi lang bahay ang gaganda, pati ang buhay mo rin! Saka palalagyan ka pa namin ng sarili mong kwarto!” magiliw na sagot naman ni Aling Estrella, ang nanay ni Estong.
“Talaga po? Naku, gusto ko nga pong magkaroon ng sariling kwarto. Parang si Rocky po. May sarili raw po siyang kwarto. Marami rin pong laruan at may sarili siyang computer. Iniimbitahan nga po niya ako sa bertday niya. Ayos lang po bang magpunta sa kanila sa susunod na linggo?” tanong ni Estong. Ito ay pagpapaalam na rin. Si Rocky ay kaklase ni Estong sa paaralan. Sila ay nasa Grade 3 na.
“Oo naman! Basta ba huwag kang masyadong maglilikot doon at nakakahiya. Mukhang mayaman ang kaklase mong si Rocky eh,” pagpayag ni Aling Estrella na ikinatuwa naman ni Estong.
Agad na sinabi ni Estong kay Rocky ang pagpayag ng mga magulang na magtungo siya sa bertdey nito.
“Masaya iyon! Marami raw akong handa sabi nina mama at papa,” nakangiting sabi ni Rocky kay Estong.
Dumating ang araw ng kaarawan ni Rocky. Imbitado silang mga kaklase pati na ang iba pang mga kaibigan at kaanak nito. Malaki nga ang bahay nina Rocky. Matapos ang party, minabuti ni Estong na mag-overnight. Nagpaalam naman si Estong kaya pinayagan siya nina Mang Nardo at Aling Estrella.
Dahil Biyernes naman ng gabi at walang pasok kinabukasan, halos magdamag na naglaro ng computer games sina Rocky at Estong. Napansin ni Estong na nahahati pala sa dalawa ang malaking bahay nina Rocky. Duplex kung tawagin.
“Nahahati pala sa dalawa ang bahay ninyo Rocky?” tanong ni Estong sa kaklase habang sila ay naglalaro ng computer games.
“Oo. Sa kabila nakatira si Papa. Dito naman ang kay Mama,” sagot ni Rocky.
“Bakit ganoon?” inosenteng tanong ni Estong.
“Hiwalay na kasi sila,” sagot ni Rocky.
Kinabukasan, sumalo si Estong sa masaganang almusal ng pamilya ni Rocky. Napansin niyang hindi man lamang hinalikan sa pisngi ng papa ni Rocky ang mama nito, hindi katulad ng ginagawa ng kaniyang tatay sa kaniyang nanay na may kasama pang yakap.
Nanibago si Estong dahil napakatahimik ng mama at papa ni Rocky at hindi man lamang mag-usap sa isa’t isa. Kung magsasalita man ang mga ito, tanging siya lamang o si Rocky ang kinakausap. Nang matapos ang pagkain, hindi man lamang nagpaalaman ang mga ito sa isa’t-isa. Humalik lamang kay Rocky at bumalik na ang papa nito sa kabilang bahagi ng duplex.
Pagdating sa kanilang bahay, sinalubong ni Estong ng halik at yakap ang kaniyang tatay, nanay, maging ang mga nakatatandang kapatid.
“Naku, mukhang nag-enjoy ang bunso namin sa bahay ng mayaman niyang kaklase ah,” biro ni Sheryl sa kapatid.
“Oo nga. Baka mamaya hiritan na tayo na magkaroon na siya ng sarili niyang kwarto,” segunda naman ni Sherwin
“Kumusta naman ang bunso namin? Nasiyahan ka ba sa bahay nina Rocky?” magiliw na tanong ni Aling Estrella.
“Oo naman po. Maganda at tunay na malaki ang bahay nila. Masasarap din po ang mga pagkain. Pero ayoko po ng katulad ng pamilya nila. Magkahiwalay po kasi ng tinutuluyan ang mama at papa niya, kahit na nasa iisang bahay lang sila. Tahimik din po sila kapag kumakain. Hindi po nag-uusap-usap, hindi po gaya natin na maingay at halos lahat ay napagkukwentuhan. Namiss ko po kayo, tatay, nanay, ate, kuya!” sabi ni Estong sa kaniyang pamilya.
“Wow… sarap naman marinig ng sinabi mo anak!” sabi ni Mang Nardo.
“Kahit na po mahirap tayo at hindi gaanong malaki ang bahay natin, masaya naman po tayo,” turan ni Estong.
Nagyakap silang mag-anak at naupo na sa hapag-kainan upang kumain nang tanghalian. Marami pa silang pagkukuwentuhan. Isang tunay na masaya at buong pamilya!