Nang Dahil Sa Utang

Hindi na malaman ni Sharon ang kaniyang gagawin habang tinititigan ang listahan ng kaniyang mga utang. Idagdag pa ang mga bills na kailangang bayaran, upa sa bahay, pamasahe at pangkain. Hindi na niya alam kung paano pagkakasyahin ang kaniyang kakarampot na sweldo bilang isang karaniwang empleyado sa munisipyo.

“Bes, pautangin mo naman ako,” paghingi ng tulong ni Sharon sa kaniyang kaibigang si Andrea sa pamamagitan ng pagtawag sa cellphone.

“Naku bes, marami rin akong bayarin. Hindi kita mapapahiram ngayon. Alam mo namang magbabayad pa kami ng tuition ng inaanak mo,” tugon ni Andrea. Inaanak ni Sharon ang kaisa-isa nitong anak. May asawa na kasi ito.

“Ok lang. Baka may mairefer ka sa akin na pwedeng mautangan. Babayaran ko naman kaagad eh. May kakilala ka ba na nagpapacash loan?” tanong ni Sharon sa kaibigan.

Saglit na tumahimik sa kabilang linya ang kabigan. Tila nag-isip.

“Oo, meron. Half Pinoy, half Bumbay. Ayos ka ba sa 5/6?” tanong ni Andrea.

“Wala naman akong magagawa. Pikit-mata na lang. Sige. Ipakilala mo naman ako sa kaniya,” sabi ni Sharon.

“Sige magkita tayo bukas at ipapakilala kita doon sa kakilala kong Bumbay na nagpapautang. Sa susunod nga mag-ipon ka na para naman hindi mo na kailangan pang umutang. Mahirap yung uutang ka para lang maitapal para sa isa mo pang utang,” panenermon ni Andrea.

Advertisement

“Oo na po inay. Maraming salamat sa sermon at paalala. Hayaan mo, kapag nakaluwag-luwag ako at nabayaran ko na ang mga utang at responsibilidad ko, ililibre kita!” pangako ni Sharon sa kaibigan.

“Sige ha pangako mo iyan,” natatawang sabi ni Andrea.

Kinabukasan, nagkita nga sina Sharon at Andrea. Ipinakilala ni Andrea ang kaibigan sa kakilala nitong nagpapautang na Bumbay. Nagulat si Sharon dahil gwapo ito at walang “kakaibang amoy”. Arun ang pangalan nito.

“Magkano ba ang kailangan mo? 10% ang patong nito. Pwedeng sanla ATM card o kinsenas-katapusan mong babayaran sa akin,” sabi ni Arun.

“Kailangan ko ng 10,000 piso eh. Pwede bang kinsenas-katapusan na lang?” tanong ni Sharon sa bumbay. Pumayag naman ito at ibinigay ang halaga ng perang kailangan niya.

Kakaiba sa ibang may mga utang sa kaniya, imbes na si Sharon ang nagpupunta kay Arun upang magbayad, si Arun mismo ang dumadalaw sa kaniya. At nagtatagal pa si Arun sa bahay ni Sharon. Nakikipagkuwentuhan. Napalagay ang loob ni Sharon at Arun sa isa’t-isa. Imbes na takasan, inaasam-asam ni Sharon na sana ay kinsenas o katapusan na ng buwan upang dumalaw na sa kaniya si Arun.

Sa huling araw ng pagbabayad ng utang ni Sharon ay walang Arun na nagpunta sa kaniyang bahay. Tinawagan niya si Andrea upang alamin kung ano ang nangyari sa bumbay.

“Naku, tinambangan ng mga holdaper! Nasa ospital si Arun ngayon. Gusto mong dalawin?” tanong ni Andrea sa nag-aalalang si Sharon.

Advertisement

“Oo. Pwede ko bang malaman kung saang ospital naroon si Arun?” nakaramdam ng pag-aalala si Sharon para sa binata.

“Umamin ka nga, Sharon. Bakit yata bigla kang nagkainteres kay Arun eh dati namang wala kang pakialam sa mga lalaki ah. Kahit nga noong nanganak ako hindi ka man lamang dumalaw sa akin noon,” tila nanunuksong tanong ni Andrea sa kaibigan.

“Ah wala naman. Huling pagbabayad ko na kasi kay Arun. Gusto ko nang ibigay ang bayad ko dahil baka magastos ko. Isa pa, baka kailangan niya ng pera dahil sabi mo nga, nanakawan siya,” pagtatakip at pagdadahilan ni Sharon. Ang totoo niyan, gust niya talagang makita si Arun.

Dinalaw ni Sharon si Arun sa ospital.

“Kumusta ka na? Nabalitaan ko ang nangyari sa iyo kay Andrea,” pagbati ni Sharon kay Arun.

“Heto, awa ng Diyos at buhay pa. Nakuha ang mga pera ko pero hindi ang hininga ko. Salamat naman. Namiss kita ah,” biro ni Arun sa dalaga.

Ilang araw lamang at nakalabas na si Arun sa ospital. Bayad na sa utang si Sharon ngunit dumadalaw pa rin ang bumbay sa dalawa. Hindi na lamang kinsenas at katapusan kundi araw-araw. Ipinasya ni Arun na ligawan si Sharon.

“Pwede ba kitang ligawan, Sharon?” tanong ni Arun.

Advertisement

“Hindi na kailangan. Gusto kita, Arun!” sagot ni Sharon.

Wala nang ligawang naganap. Naging magkasintahan sina Arun at Sharon. Tumagal ng tatlong taon ang kanilang pagsasama bilang magnobyo hanggang sa ipinasya na nilang magpakasal.

Ipinagpapasalamat ni Sharon na nagkaroon siya ng mga utang dahil ito ang naging daan upang makilala si Arun, ang lalaking makakasama niya habambuhay.