Inday TrendingInday Trending
Kabaitang Napagsamantalahan

Kabaitang Napagsamantalahan

“Mahal, hindi ba’t sabi ni Tita Landa, hanggang noong isang buwan lang sila dito? Matatapos na naman ang buwan, hindi pa rin sila nakakahanap ng bahay nila. Paano na tayo niyan?” tanong ni Anton habang hawak-hawak ang kaniyang ulo, labis na siyang nahihirapan sa kanilang sitwasyon.

“Naku, mahal, hindi ko rin alam, eh. Hayaan mo kakausapin ko na si tita,” sagot naman ni Lisa habang papalapit sa asawa niyang naaaburido na.

“Dapat lang, mahal. Hindi na natin makakaya kung hanggang susunod na buwan nandito sila. Hindi naman sa pagdadamot, pero dahil sa kanila, mataas ang kuryente at tubig natin, palaging ubos ang grocery at bigas natin, tapos yung diaper pa ni baby hinihingi niya pa para sa bunsong anak niya,” sagot pa ng kaniyang asawa dahilan upang mapabuntong-hininga na lamang siya.

“Pasensya ka na, walang-wala na kasi mapupuntahan si tita. Intindihin na lang natin,” sambit niya upang makalma ang asawa ngunit tila lalo pa ‘tong nag-init dahilan upang mapagsalitaan siya nito.

“Hindi pwedeng sobrang bait natin at iintindihin ang lahat. Tayo ang kawawa, Lisa,” dahan-dahang sambit nito na binibigyang diin ang bawat salita saka padabog na umalis, bakas na sa mukha nito ang labis na pagkagalit.

Kilala si Lisa sa kanilang buong pamilya bilang pinakamabait at maaasahan. Siya ang tanging nilalapitan ng kaniyang mga kaanak sa tuwing may problema ang mga ito. Mapabayad sa kuryente, pagkain, o kahit pangbaon ng kaniyang mga pamangkin o batang mga pinsan, siya ang nag-aabono sa tuwing dadaing ang mga ito sa kaniya.

Labis naman ang suporta ng kaniyang asawa dito. Sa katunayan nga, labis nitong pinagmamalaki ang kabutihang loob na mayroon siya. Ito rin ang naging katuwang niya sa tuwing may mga bagay na hindi niya masolusyunan mag-isa. Isa na rito ay noong makulong ang kaniyang tiyuhin at lumapit sa kanila. Ang asawa niya ang siyang kumausap sa mga pulis dahilan upang mapadali ang kaniyang paglaya, wala naman kasing itong kasalanan at nadamay lamang.

Ngunit tila nag-iba ang ikot ng mundo dahil sa kabaitang mayroon siya. Naging mapang-ab*so na ang kaniyang mga kaanak lalo na ang kaniyang tiyahing nakikita sa kanila nang mahigit isang taon na.

‘Ika nito noon, isang buwan lamang daw sila makikitira ng kaniyang buong pamilya, ngunit mapahanggang sa ngayon, nandoon pa rin ang mga ito na labis nang ikinagalit ng kaniyang asawa. Halos pati kasi ang pamilya nito, sila na ang pumapasan. Pagkain, kuryente, tubig, baon ng mga bata, LAHAT na kung hindi pa maititigil, wala na silang mailalabas na pera.

Noong araw na ‘yon pagkaalis ng kaniyang asawa, agad na siyang dumiretso sa silid na pinahiram niya sa tiyahin. Ikinumpisal niya rito ang kasalukuyang problemang kinakaharap nilang mag-asawa tungkol sa mga gastusin. Ngunit imbes na mahiya, nagalit pa ito sa kaniya.

Hindi na niya alam ang gagawin. Ayaw niyang ito ang pagsimulan ng away nilang mag-asawa, ngunit ayaw niya rin naman mag-iba ang tingin sa kaniya ng kaniyang tiya. Napabuntong hininga na lamang siya at panandaliang nagpahangin sa labas ng kanilang bahay.

Maya-maya pa, pumasok na siya muli at dumiretso sa silid nilang mag-asawa. Ngunit laking pagtataka niya, nakabukas ang pintuan at tila may gumagalaw sa loob. Agad siyang pumasok at kitang-kita ng dalawang mata niya ang pagkuha ng pera ng kaniyang tiya mula sa kaniyang bag.

Nabitawan pa nga nito ang pera sa pagkagulat.

“Ah, eh, ano eh, binibilang ko lang! Naiinggit kasi ako na may ganito kang kalaking pera, akala ko ba may problema kayo sa pera? Ang dami nga…” hindi na pinatapos ni Lisa magsalita ang kaniyang tita, agad niyang kinuha ang pera sa kamay nito at saka sapilitan itong pinalabas.

“Paki-empake na po ang mga gamit niyo, tapos na po ang masasayang araw niyo sa bahay ko,” sambit niya dahilan upang magmakaawa sa kaniyang harapan ang ginang, “Tita, binigay ko na ang lahat sa inyo, pasan na nga naming mag-asawa ang buong pamilya mo, tapos pagnanakawan mo pa kami? Konting hiya naman, tita, tama na!” mangiyakngiyak niyang sigaw, halos hindi siya makapaniwalang magagawa ito ng kaniyang tita. Sakto namang dumating ang kaniyang asawa dahilan upang mapilitan nang mag-empake ang kaniyang tita.

Mabigat man sa loob niyang paalisin ang kaniyang tita sa kanilang bahay dahil alam niyang wala itong matutuluyuan, tinigasan na niya ang kaniyang puso para sa pansariling kaligtasaan. Napabuntong hininga na lamang siya habang pinagmamasdang umaalis ang kaniyang mga kaanak.

Alam niyang masama ang loob ng kaniyang tita sa kaniya pero ika niya, “Ayos na rin ‘yon kaysa naman naaab*so ako,” na labis namang ikinatuwa ng kaniyang asawa dahil sa wakas natuto na ang siyang limitahan ang kaniyang kabaitan.

Nararapat na limitahan lamang ang kabaitang ipinapakita sa mga tao, dahil kapag alam nilang napakabait mo at hindi nakakatanggi sa kanila, mapagsasamantalahan ka. Pahalagahan mo ang iyong sarili bago ang iba, nang sa gayon, tamang kabaitan ang maibigay mo sa kanila.

Advertisement