“Hoy, Alexandra! Kamusta ka na? Totoo ba yung balitang hindi na raw tuloy ang kasal niyo ni Benji? Hiwalay na raw kayo? Naku, sabik na sabik pa naman akong masaksihan ang pag-iisang dibdib niyo!” gulat na gulat na sambit ni Kristel sa kaibigang ilang buwan nang hindi nakakausap, isang araw nang makita niya ito sa isang restawran na mag-isang kumakain ng almusal.
“Oo, eh. Alam mo naman ako, pabago-bago ang isip!” rason ni Alexandra habang patuloy na kumakain. Kita sa kilos nito ang pagmamadali.”Naku, ano bang nakapagpabago sa isip mo?” pang-uusisa pa ng kaniyang kaibigan saka naupo sa katabi niyang silya.
“Kilala mo yung first love ko? Si Miko? Umamin kasi siya sa’kin nito lang na dati pa siyang may gusto sa’kin. Hindi lang daw siya makaporma sa’kin dahil kay Benji. Eh, alam mo naman kung gaano ko siya ka-gusto noon, diba?” kwento niya na labis na ikinagulat ng dalaga.
“O, tapos? Iniwan mo si Benji dahil doon? Giatay, huwag mong pagsisisihan ‘yan, ha? Naku, nag-aalala ako sa’yo, playboy ‘yang si Miko!” sambit nito matapos inumin ang tubig na nasa harapan niya dahil sa pagkabigla.
“Nagbago na siya, ‘no! Saka malay mo, siya pala talaga ang para sa akin! Sige na, mauna na ako, magkikita kami ngayon, eh! D’yan ka na!” paalam nito saka nagmadaling lumabas ng restawran. Kitang-kita sa mukha nito ang pagkasabik sa binatang kikitain.
Nasa hayskul pa lamang ang dalagang si Alexandra noong magsimula ang kanilang relasyon ng binatang dapat sana ay papakasalanan na niya. Maginoo kasi ito, mayaman, mabait, halos nandito na nga ang lahat. Sa katunayan nga, kahit anong kasalanan niya, kahit pa matapakan ang pagkalalaki nito, basta para sa kaniya, gagawin nito ang lahat.
Siyam na taon rin ang kanilang relasyon. Buong akala niya nga’y ito na talaga ang papakasalan niya ngunit tila nag-iba ang kondisyon ng kaniyang puso nang dumating ang kaniyang pinapantasyang lalaki mula sa ibang bansa at biglang nagkumpisal sa kaniya ng pagtingin.
Noong una’y pinipigilan niya ang sariling huwag madala sa emosyon, ngunit tila kapag talaga ang puso na tumibok wala ka nang magagawa kundi sundin ito. Kaya naman, agad niyang hiniwalayan ang binatang nagtiis at nagsakripisyo sa kaniya sa loob ng matagal na panahon para sa binatang kaniyang pinapantasya noon pa man.
Hindi man ito kayamanan at may pamilya pang sinusustentuhan, ‘ika niya, “May trabaho naman kaming dalawa, sabay naming gagawing mayaman ang isa’t-isa!”
Noong araw na ‘yon, maagang nakarating si Alexandra sa pagpuan nila ng nasabing binata. Nilabas niya ang kaniyang make-up kita upang maglagay ng kaunting pampaganda. Ngunit habang naglalagay siya ng lipstick, napansin niya mula sa repleksyon sa salamin ang binatang kikitain niya dahilan upang magmadali siyang mag-ayos. Ngunit mayamaya, may sumunod ditong babae at kitang-kita niya kung paano ito nakatanggap ng malakas na sampal. Napasigaw siya sa pagkagulat dahilan upang makita siya ng naturang lalaki.
Agad siyang pinuntahan nito. Ngunit sumunod pa rin ang babaeng sumampal dito at saka siya sinampal ng katotohanan.
“Hoy, ikaw ba yung bagong nililigawan nitong mokong na ‘to? Naku, miss, mag-isip-isip ka na! Ako nga buntis, ayaw panagutan, eh. Ikaw pa kaya?” sambit nito na labis niyang ikinagulat, “Sinabi rin ba nito sa’yong galing siyang ibang bansa? Hindi totoo ‘yon! Andyan lang ‘yan sa kabilang kanto! Magdamag na nakatambay!” ika pa nito dahilan upang unti-unti na siyang mapaiyak, nakaw tingin niyang sinulyapan ang binatang may anak na pala, nakatungo lamang ito at halatang hiyang-hiya sa kaniya. Hindi na niya nakayanan ang tensyon doon kaya naman dali-dali niyang kinuha ang kaniyang bag saka nagmadaling umalis sa lugar na ‘yon.
Labis na sakit ang umuukit sa kaniyang puso at isa lang ang tanging taong pumasok sa isip niyang makakatulong sa kaniya– si Benji, ang binatang pamamangasawa niya na sana.
Tinawagan niya ito at ikinumpisal ang nangyari. Buong akala niya’y agad siyang pupuntahan nito tulad ng dati ngunit laking gulat niya nang sabihin nitong, “Pasensya ka na, Alexandra, pagod na akong sumalo sa’yo sa tuwing nasasaktan ka ng ibang lalaki. Sa ngayon, sarili ko muna ang pipiliin ko. Hindi biro ang sakit na nadulot mo sa akin,” saka nito binaba ang tawag kasabay ng pagtulo ng luha ng dalaga.
Doon na napagtanto ng dalagang tila nagkamali nga siya sa pagpili sa lalaking kilig lamang ang nabibigay sa kaniya kaysa sa lalaking handang ialay ang buhay para sa kaniya. Labis ang kaniyang pagsisisi. Ginawa niya ang lahat upang bumalik ang dati niyang nobyo ngunit tila ayaw na talaga nito. Pinigilan na rin siya ng buong pamilya nito dahilan upang wala na talaga siyang magawa kundi tanggapin ang karma ng kaniyang maling desisyon.
Patuloy man na nasasaktan, pinagpatuloy pa rin niya ang buhay. Labis niyang kinumbinsi ang sariling may tao pang dadating sa kaniya na talagang para sa kaniya. Hindi niya pa rin isinasara ang pag-asang babalik ang dati niyang nobyo. Ibinaling niya ang atensyon sa trabaho at nag-ipon para sa kaniyang pamilya’t sarili.
Nawa’y maging wais tayo sa pagpili ng kung sino ang mamahalin. Malay mo, ginto na pala ang hawak mo, naghahanap ka pa ng bato. Huwag mo ipagpalit ang taong pangmatagalan sa taong pansamantala lamang.