“Kuya Kael! Kuya Kael!”
Paulit-ulit na nagsisisigaw ang batang si John sa tapat ng bahay ng pulis na si Kael nang hapong iyon. Taranta ang bata na para bang hinahabol ito ng kung sino.
“Oh, John, bakit?” tanong naman ng pulis sa batang ngayon ay hingal na hingal dahil galing sa matuling pagtakbo.
“Kuya… may nag-aaway po roon sa tapat ng tindahan nina Aling Minda!” sumbong naman nito.
“Ganoon ba? Sige, halika at puntahan natin,” sagot ni Kael na agad na sinamahan ang bata pabalik sa lugar na sinasabi nitong may nagkakagulo.
Nang makita pa lang ng mga ito na paparating si Kael ay agad na nagpulasan ang kaninaʼy mga nagkakagulo. Sa isang iglap ay agad nilang iniwan ang lugar na kanilang pinagkakaguluhan kanina. Napailing na lang ang pulis at sinimulang ligpitin ang mga pinag-inuman ng mga naturang lasenggo sa tapat ng tindahan ni Aling Minda.
“Ang galing-galing mo talaga, idol!” hiyaw ni John na halata ang tuwa sa mga mata. Talagang hangang-hanga siya sa kaniyang idolo dahil nagagawa nitong maituwid ang mali sa kanilang lugar. Simula nang maging pulis si Kael ay naging takbuhan na ito ng mga tao sa kanilang lugar sa tuwing mangangailangan ang mga ito ng tulong. Malaki ang takot ng karamihan ng mga kalalakihan kay Kael, dahil sa pagiging pulis nito. Idagdag pang malaki talaga itong lalaki at malakas. Ilang beses na rin kasi nilang nasaksihan kung papaano ito trumabaho sa tuwing may nagkakagulo sa kanilang lugar, katulad ngayon.
“Huwag mo na akong bolahin. Alam kong magpapabili ka lang ng meriyenda. Tara na!” tumatawa namang sabi ni Kael kay John sabay baling sa may-ari ng tindahang si Aling Minda. “Ate, dalawang sofdrinks nga po, ʼyong maliit lang. Saka dalawang biscuit,” sabi ni Kael.
Habang kumakain ay napakuwento si John sa kaniyang idol.
“Idol, paglaki ko, gusto kong maging kagaya mo,” sabi ni John habang sunod-sunod na sumusubo ng biscuit na binili ni Kael.
“Ganoʼn? Bakit naman?”
“Ang astig mo kasi, idol! Sa palagay ko nga, wala kang kahit na anong kinatatakutan, e!” sabi pa ni John.
“Akala mo lang ʼyon. Lahat ng tao, may kinatatakutan. Iyon nga lang, minsan, kailangan mong harapin iyon kahit pa sobrang hirap,” sagot naman ni Kael sa bata.
Makikitang grabe ang closeness ng dalawa. Itinuturing na kasing kapatid ni Kael ang batang si John, na anak ng mekaniko kung saan siya nagpapaayos ng motorsiklo sa tuwing nasisiraan siya. Taga-roon din sa lugar na iyon sina John, kaya naman madalas talaga silang magkita, at dahil walang pamilya si Kael sa Maynila ay ang bata na tuloy ang kaniyang naging pinakamalapit na kaibigan.
Hindi kasi tanggap ng sariling pamilya ni Kael ang tunay na pagkataong nananalaytay sa kaniyang ugat. Hindi tanggap ng mga itong mayroon siyang pusong kaiba ang laman sa inaasahan nila…
“Oh, John, ano ang ginagawa mo riyan sa pintuan ko? Bakit ayaw mong pumasok?” Isang araw ay naabutan ni Kael na malungkot na nakaupo si John sa tapat ng kaniyang pintuan. Nakapangalumbaba pa nga ito at tila malalim ang iniisip.
“Ayaw ko po, Kuya Kael.” Napakunot ang noo ni Kael sa narinig sa bata. Dati-rati kasi ay “IDOL” ang tawag nito sa kaniya at hindi Kuya Kael. Hindi naman sa gusto niyang idol ang itawag nito sa kaniya, nasanay lang talaga siya.
Tinabihan ni Kael si John. “May problema ba?” tanong niya rito, ngunit umiling lang ang bata.
Napabuntong hininga tuloy si Kael. “Naglilihim ka na sa akin ngayon,” sabi niya. Tila naman nakunsensiya ang bata at mabilis na napaharap sa kaniya.
“K-kasi po… totoo po bang… b-beki ka?” naiiyak na tanong nito.
Sumeryoso ang mukha ni Kael. Nalungkot siya sa itinanong ni John. Paano kung sumagot siya ng oo? Magbabago kaya ang tingin nito sa kaniya?
“Naalala mo ba, John, noong sinabi ko na lahat ng tao, may kinatatakutan? Ito ang sa akin. Kinatatakutan kong hindi ako matanggap ng mga taong mahalaga sa akin, dahil beki ako,” malungkot na pag-amin ni Kael sa bata.
“Idol pa rin naman po kita, kahit na ganoʼn ka. Nalulungkot lang talaga ako, kasi, marami po akong naririnig na hindi magandang sinasabi ngayon mg mga tao kapag nakatalikod ka. Sana po, huwag ka nilang husgahan.”
Nagulat si Kael sa narinig na sinabi ni John. Hindi niya inaasahan iyon! Tinanggap siya ng bata at nalulungkot pa ito, dahil hindi siya tanggap ng ibang tao!
Laking tuwa ng damdamin ni Kael. Para sa kaniya, kahit pa hindi siya matanggap ng kahit sino, bastaʼt tanggapin lamang siya ng mga taong mahalaga sa kaniya ay ayos lang.
Hindi kabawasan sa pagiging mabuting tao ng isang personalidad ang kaniyang kasarian, hanggaʼt pinangangalagaan nitong mabuti ang kaniyang malinis na kalooban, moralidad at respeto sa sarili.