Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Isang Plastik ng Palabok - Inday Trending

Isang Plastik ng Palabok

“Ate, sige na po. Kulang lang po ng kwatro,” pagmamakaawa ng batang si Jonjon habang nakalahad ang palad na may barya. Kanina pa nangungulit ang batang ito sa tindahan ng merienda ni Aling Tere ngunit hindi natitinag ang ale.

“Hindi nga pupuwede. Balik ka muna sa inyo at manghingi ka sa nanay mo. Kulang kamo!” sabi pa ng ale sa bata.

“Hoy, bata! Dayo ka dito, noh?” tanong ng anak ng tindera na si Rio na noon ay nakatambay sa harap ng tindahan ng ina.

Hindi naman sumagot ang bata at tila gutom na gutom na nakatitig lang sa paninda. Mayamaya lang ay umalis na rin ito sa harap ng tindahan at umupo sa may gilid ng kalsada malapit lang din sa puwesto nina Aling Tere.

“Naku, nakakaawa naman ang bata, noh. Sa tingin mo, anak, bigyan ko na ba? Kwatro lang naman ang kulang sa pera niya, eh,” sabi ni Aling Tere sa kaniyang anak na naghihikab sa isang tabi.

“Naku, nay! Alam ko ang likaw ng bituka ng mga iyan! May pera ‘yan pero nagpapaawa para makalibre. Baka nga miyembro pa ng sindikato ‘yang batang ‘yan, eh,” sabi naman ni Rio.

Si Jonjon naman ay nakapirmi lang sa isang tabi. Nakapangalumbaba siya habang ang isang kamay niya ay hinahawakan ang kaniyang tiyan na sumasakit na sa gutom.

Dahil walang pinagkakaabalahan ay pinagdiskitahan ni Rio ang walang muwang na bata. Kinakausap niya ito ngunit dahil hindi ito sumasagot ay binabato niya ito ng maliliit na bato.

“Hoy, Rio! Tigilan mo na ‘yang bata. Nananahimik sa isang tabi, eh, inaano mo!” sigaw naman ni Aling Tere sa anak sabay batok dito.

Tatawa-tawa lang ang binata at saka ipinagpatuloy nitong pagtripan ang bata na noon ay panay ang iwas sa mga batong inihahagis nito.

Nagtataka naman si Aling Tere kung bakit hindi pa umaalis ang bata ngunit hindi na lang niya ito pinansin dahil may bumibili na ng paninda niya.

“Aling Tere, pabili nga ng isang order ng palabok,” sabi ni Jelene habang panay ang tipa niya sa kaniyang cell phone.

Nagsandok naman si Aling Tere ng order ng dalaga. Inilagay niya ito sa plastik. Nang iaabot na niya ang plastik sa dalaga ay nagulat siya nang bigla itong hablutin at itakbo ng batang pinagtitripan ng kaniyang anak.

Sa gulat ay hindi agad nakaalma ang dalaga ngunit napasigaw si Aling Tere na ikinagulat ng kaniyang anak na noon ay nakayukyok sa may gilid ng tindahan.

“Rio! Dali! Hinablot ng bata iyong palabok! Habulin mo, dali!” sigaw ni Aling Tere sa anak.

Agad namang tumakbo si Rio at sinundan ang bata.

Kahit patpatin at pandak ang bata ay mabilis naman itong tumakbo kaya hindi ito mahabol ni Rio. Sa gigil ng binata ay pumulot siya ng bato at binato niya ang bata. Tumama ang bato sa tenga ng bata at nakita ni Rio na nasugatan ito.

Lumiko ang bata sa isang eskinita at patuloy naman itong sinundan ni Rio. Ngunit pagliko niya ay hindi na niya ito matanaw.

Naglakad-lakad pa si Rio sa masikip na eskinita.

Pabalik na dapat siya sa tindahan ng kaniyang ina nang mamataan niya ang patak ng dugo sa semento. Sinundan niya iyon hanggang sa napadpad siya sa isang malaking bakanteng lote na puno ng basura malapit sa ilog.

Napatigagal si Rio sa kaniyang nakita.

Ang batang nagnakaw ng isang plastik ng palabok sa kanilang tindahan ay nakaluhod sa isang kahon kung saan nakaupo ang isang batang lalaki. Ang tantiya niya ay dalawang taong gulang pa lamang ito. Pinapakain ito ng batang magnanakaw ng palabok.

Nahabag si Rio nang makita niya ang kalagayan ng batang magnanakaw. Maraming dugo sa tenga at sentido nito. Mukhang napalakas ang pagkakabato niya. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin niya dito nang bigla itong napalingon sa kaniyang direksiyon.

Nang makilala siya ng bata ay bigla itong lumuhod at pinagkiskis ang dalawa nitong palad. “Kuya, parang awa niyo na po. Gutom na gutom na po ang kapatid ko kaya ninakaw ko po ‘yung palabok. Huwag niyo po kaming saktan. Ito po ‘yung barya ko. Kaso kulang,” sabi nito habang nanginginig ang mga labi at panay ang patak ng luha sa mga mata.

Parang may bumikig sa lalamunan ni Rio nang marinig niya ang sinabi ng bata.

Dahil hindi niya alam kung ano ang dapat niyang sabihin ay tinanong niya ito kung nasaan ang mga magulang nito.

Ang sabi sa kaniya ng bata ay wala na silang mga magulang at tumakas lang sila sa bahay ng kanilang tiyahin dahil sinasaktan nito ang kapatid niya at hindi sila pinapakain.

Lalo namang nahabag si Rio kaya kahit nag-aalangan ay nag-alok siya ng tulong.

“Ano, bata… Sumama ka sa amin at dumudugo ‘yang sugat mo. Pasensya ka na, ha. Ikaw kasi, eh. Halika na nga!” sabi ni Rio sa bata at saka niya binitbit ang dalawang taong gulang na kapatid nito.

Nagpasalamat naman si Jonjon at kahit tumutulo pa ang kaniyang uhog ay sumunod siya kay Rio.

Nang makita ni Aling Tere ang bitbit na bata ng kaniyang anak at ang dugong kumalat sa damit ng batang nakasunod dito ay halos matumba siya sa gulat.

“Rio! Anong ginawa mo sa bata? At sino ‘yang bitbit mo?” tanong ng ale. “Nay, hindi ho sinasadyang napalakas ang bato ko dito sa bata. Eh, nakita ko ho na pinapakain niya ‘yung palabok dito sa kapatid niya. Doon po sila nakatira sa bakanteng lote na pinagtatambakan ng basura. Eh, naawa ho ako,” sagot ni Rio.

Nang marinig ng ale ang sinabi ni Rio ay walang pag-aalinlangan niyang inutusan ang anak na gamutin ang sugat ng bata at paliguan ang mga ito.

Pagkatapos paliguan ang magkapatid ay naghanda si Rio ng pagkain para sa kanila na madali namang nilantakan ng mga ito. Mukhang ilang araw nang gutom na gutom ang magkapatid.

“Maraming salamat po, kuya,” inosenteng sabi ni Jonjon kay Rio na noon ay pinapanood silang magkapatid habang kumakain sila.

“Ano… Ang galing mo doon, pare, ah,” sabi ni Rio na hindi alam kung paano isasatinig ang kaniyang paghanga sa munting bata. “Akala ko ninakaw mo iyong palabok para sa sarili mo pero ipapakain mo pala sa kapatid mo.”

Nang mga sandaling iyon ay tila nagbago ang pananaw ng batugang binatilyo sa mundo.

Kung ang tingin niya dati sa mga batang kalye ay panira ng kaniyang araw at mga buraot ngayon ay nakakaramdam na siya ng galit sa mga magulang na nagpabaya sa mga ito. Ngayon ay naaawa siya sa sinapit ng mga ito sa kanilang murang edad. At higit sa lahat ay tila ba tumimo sa kaniyang isip ang ginawang sakripisyo ng munting bata para sa kaniyang kapatid.

Nagpasya si Rio na ampunin ang dalawang bata. Pinuntahan niya ang tiyahin ng mga ito at siningil pa nga siya ng walang*yang babae ng isang libo para hayaan na nito sina Jonjon sa poder niya. Naghanap din ng trabaho ang binata upang may maipantustos siya kina Jonjon.

Simula nung nakilala ni Rio ang magkapatid ay nangako siya na magiging responsableng ama siya sa kaniyang magiging mga anak at sa kaniyang mga inampon. At sisimulan niya iyon sa pag-aayos ng kaniyang buhay. Hindi niya akalain na ang batang magnanakaw pa ang magtuturo sa kaniya ng isang mahalagang leksyon na tuluyang magpapabago sa takbo ng kaniyang buhay.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.