Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Sa Kabundukan Kung Saan Kulang ang Kaalaman - Inday Trending

Sa Kabundukan Kung Saan Kulang ang Kaalaman

“Inaasahan ko na magiging matagumpay ang pagtuturo mo sa kanila at sana ay makapagbahagi ka ng magagandang kaalaman sa ating mga katutubo,” sabi ng punong-guro kay Amy.

Nung mga sandaling ‘yon ay nakaramdam ng kaunting pagkainis ang guro na si Amy Mendoza. Pakiramdam niya kasi ay pinagtripan at pinagkaisahan siya ng mga matatandang gurong katrabaho niya para siya ang ipadala ng kanilang punong-guro sa kabundukan dahil bago lamang siya sa kanilang paaralan.

Dumagdag pa tuloy sa kaniyang problema ang paglalakbay niya papunta sa kabundukan. Kailangan ay maaga siyang gumising dahil dalawang oras ang biyahe papunta doon. Hindi naman siya puwedeng doon manirahan dahil kahit na wala siyang asawa at anak ay mayroon naman siyang ina na kailangan niyang tulungan at alagaan.

Ngunit dahil tawag ito ng kaniyang propesyon ay kailangan niyang tuparin ang kaniyang sinumpaang tungkulin. Nais rin naman niyang makatulong. Sadyang kailangan niya lang talagang magsakripisyo upang matulungan niya ang mga katutubo sa kabundukan.

Kahit may kaunting pag-aalinlangan ay hinanda pa rin ni Amy ang kaniyang mga aralin at leksyon na ituturo niya sa kaniyang magiging bagong mga estudyante.

Alas kwatro pa lang ng umaga ay nasa biyahe na si Amy. Pagdating niya sa paanan ng bundok ay isang katutubo naman ang naghihintay sa kaniya. Ito ang naatasan na maging kasama niya sa paglalakad sa tuwing aakyat at baba siya ng bundok.

Kahit na inaantok pa ay matiyagang nagpatuloy si Amy sa paglalakad.

“Ma’am, maraming salamat po. Napakalaking bagay po sa amin ang inyong pagtulong,” wika ng katutubo. Bakas sa mukha nito ang labis na kasiyahan.

“Walang anuman po, tatay. Isang karangalan ang matulungan ko po kayo,” sagot ni Amy nang nakangiti kahit halos kapusin na siya ng hangin dahil hinihingal na siya.

“Kung hindi po dahil sa mga gurong tulad ninyo siguro ay habang buhay na lang kaming lalamangan ng mga tao sa bayan,” sabi ng katutubo na noon ay kinakitaan ni Amy ng lungkot sa mukha.

“Noon po ay hindi kami marunong magbilang at hindi man lang namin alam ang itsura ng pera. Pero dahil nais naming magkaroon ng hanapbuhay ay ibinababa namin ang mga ani naming gulay at prutas sa bayan. Doon ay inaalok namin ang aming mga ani. At dahil kulang ang aming kaalaman ang isang sakong gulay o prutas ay binabayaran lamang nila ng tatlong lata ng sardinas,” kuwento ng katutubo habang patuloy silang naglalakad paakyat sa bundok.

“Kaya simula po nung nagtayo ang inyong paaralan na munting eskuwela sa aming lugar ay natulungan niyo po kaming magkaroon ng kaalaman tungkol sa pagbebenta ng aming mga ani,” patuloy na pagkukuwento ng katutubo.

Tila ba kumirot ang puso ni Amy nang marinig niya ang kuwento ng katutubo. Napagtanto niya na pinahahalagahan mga ito ang sakripisyo ng mga gurong tulad niya maturuan lamang sila ng mga bagong kaalaman.

Habang patuloy silang nagkukuwentuhan ay hindi namalayan ni Amy na narating na pala nila ang maliit na bayan sa taas ng kabundukan. Dito ay nakita niya ang mga batang katutubo na masayang-masaya sa kaniyang pagdating habang nakatayo sa labas ng isang maliit na kubo na nagsisilbing paaralan ng mga ito.

“Maligayang pagdating, Ginang Mendoza!” malakas na pagbati ng mga katutubong bata kay Amy.

Nang matapos kainin ni Amy ang almusal na hinanda ng mga katutubo para sa kaniya ay sinumulan na niya ang pagtuturo sa mga bata. At ‘di niya sukat akalain na malaki ang kakulangan ng mga ito sa mga kagamitang pang-edukasyon. Kulang sa lapis at mga papel, dalawa lamang ang libro na pinaghahatian ng labindalawang estudyante, luma ang pisara at iisang lang ang chalk na panulat.

Kahit na kulang sa mga kagamitan ay pilit pa ring nagturo si Amy sa mga bata. Nang maubos ang chalk na panulat ay ginawan na lamang niya ng kuwento ang kaniyang mga leksyon upang ma-enganyo pa rin ang mga bata na makinig sa kaniya.

Pagkatapos ng klase at nakangiting binati ng mga bata si Amy bilang pasasalamat. Bakas sa kanilang mga ngiti ang kasiyahan at pananabik dahil tuturuan ulit sila ni Amy kinabukasan.

Habang pababa si Amy ng bundok ay iniisip niya ang kalagayan ng mga estudyante niyang katutubo. Kahit labis ang kakulangan nila sa mga kagamitan sa pag-aaral ay sabik pa rin ang mga ito na matuto.

Nang makabalik si Amy sa bayan ay agad siyang nagtungo sa kanilang paaralan at kinausap niya ang kanilang punong-guro. Humingi siya ng kaunting pondo upang makabili siya ng mga lapis at kwaderno para sa mga estudyante niya sa bundok. Humingi rin siya ng permiso kung maaari niyang kunin ang mga pinaglumaang libro ng kanilang paaralan na nakatambak lamang sa bodega. Hindi na nagdalawang-isip ang punong-guro. Agad niyang pinagbigyan si Amy sa kaniyang mga kahilingan.

Kinabukasan ay nagpatulong si Amy sa katutubong sumusundo sa kaniya sa paanan ng bundok para dalhin ang mga pinamili niyang gamit at mga dalang lumang libro.

“Naku, ma’am, matutuwa po ang mga bata kapag nakita nila ang mga ito,” wika ng katutubo.

“Kaya nga po, eh. Ngayon po ay malinaw na sa akin kung gaano po kahalaga ang aming propesyon para sa mga taong katulad po ninyo,” saad ni Amy.

At tulad nga ng sinabi ng katutubo ay hindi maipinta ang mukha ng mga bata dahil sa labis na kasiyahan nang magkaroon sila ng sarili nilang lapis, kwaderno at libro. Mas lalong ginanahan ang mga ito na mag-aral.

“Ma’am Amy,” tawag ng isang batang babae matapos ng klase ni Amy.

“O, Berta. Bakit? May nais ka bang itanong tungkol sa ating naging leksyon ngayong araw?” tanong ni Amy.“Wala naman po. Nais ko po sanang ipakita sa inyo itong larawan sa libro. Isa po siyang doktor. Nais ko pong maging katulad niya paglaki ko, ma’am,” nakangiting sabi ni Berta.

“Oo naman. Matutupad mo ‘yan lalo na kung mag-aaral ka ng mabuti at magsisikap ka palagi,” sagot ni Amy.

Nagulat si Amy nang bigla siyang niyakap ni Berta. “Maraming salamat po. Dahil po sa inyo ay marami kaming natututunan. Hindi lang kami natututong magsulat, magbasa at magbilang. Tinuruan niyo rin po kaming mangarap. Binigyan niyo po kami ng pag-asa na maaaring umunlad ang aming buhay basta mag-aral lang kami ng mabuti. Maraming salamat po.”

Dahil sa mga katutubo ay natutuhan ni Amy ang tunay na kahalagahan ng kanilang propesyon. Ang lahat ng kaniyang hirap at sakripisyo makarating lang sa taas ng bundok para maturuan ang kaniyang mga estudyante ay agad na napapawi sa tuwing naiisip niya na naging bahagi siya sa paghubog ng kanilang kinabukasan.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.