Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Ang Kabayaran sa Pagiging Pasaway na Anak - Inday Trending

Ang Kabayaran sa Pagiging Pasaway na Anak

“Hindi ka puwedeng pumunta doon, Honey, gabing-gabi na at delikado sa daan. Baka mapagtripan ka ng mga siraulong tao,” matigas na wika ng ama ni Honey na si Fernan.

“Mag-iingat naman po ako, papa,” pangangatwiran ni Honey sa ama.

“Honey, makinig ka na lang sa’min ng papa mo. Hindi lahat ng gusto mo, anak, ay masusunod. Bata ka pa at marami ka pang hindi nalalaman. Iniingatan ka lang namin. Walang makakapagsabi kung kailan mangyayari ang isang aksidente. Ayaw lang naman namin na mapahamak ka,” mahinahong paliwanag ng ina ng dalaga na si Dina.

“Ako lang ang wala doon mamaya. At saka kailangan talaga naming mag-group study para sa darating na test,” nakabusangot na wika ni Honey.

“Honey, puwede mo namang sabihin sa kanila na sa susunod na group study ay dito naman sa bahay natin gaganapin para makabawi ka. Marami pa namang pagkakataon, anak,” pang-aalo ni Dina sa anak.

Hindi na muling sumagot si Honey. Basta nakabusangot lang ang mukha nito at halatang masama ang loob dahil hindi siya pinayagang lumabas ng kaniyang mga magulang.

“Matulog ka na, Honey, at maaga pa ang pasok mo bukas. Ganoon na lang ang gawin mo. Dito na lang kayo sa bahay mag-group study sa susunod,” wika naman ni Fernan sa anak.

Hatinggabi na pero hindi pa rin makatulog si Honey dahil ka-chat pa niya ang mga kaklase niya.

“Nasaan ka na ba, Honey? Ang saya-saya rito. Alam mo ba si Bea, naku, may kasayaw na siya ngayong poging lalaki?” basa ni Honey sa chat ni Veronica sa kaniya.

Labis na inis ang naramdaman ng dalaga Naiinggit siya. Mabuti pa ang iba niyang mga kaklase pinayagan ng kanilang mga magulang.

Ang napagkasunduan nilang idadahilan sa kanilang mga magulang ay may group study sila pero ang totoo ay balak talaga nilang magpunta sa bar upang maranasan naman nila kung ano ang pakiramdam kapag nakapasok sa ganoong lugar.

“Ang suwerte niyo naman. Hindi mahigpit ang mga magulang niyo,” reply ni Honey sa group chat na ginawa ng mga kaklase niya.

“Ayaw din akong payagan ng mga magulang ko pero nagpumilit talaga ako, Honey, kasi sayang naman kung palalagpasin ko ang ganitong pagkakataon,” reply ni Andrea sa group chat nila.

“Ako nga tumakas lang ako, eh. Nung pakiramdam ko na tulog na silang lahat ay tsaka ako umalis ng bahay,” reply naman ni Jenny.

Biglang napaisip si Honey dahil sa reply ni Jenny.

Oo nga. Bakit hindi niya subukang tumakas? Tutal mukhang tulog na rin naman ang kaniyang mga magulang. Babalik na lang siya bago mag-alas kwatro. Hindi na siya mahahalata ng mga ito.

Nakangiting bumangon ng kama si Honey upang magbihis at mag-ayos. Bitbit niya ang maliit niyang bag at ang susuotin niyang sandals. Dumaan siya sa kaniyang bintana upang makalabas siya ng kanilang bahay. Nung nasa labas na si Honey ay sobrang saya ang kaniyang naramdaman.

“Papunta na ako diyan, guys. Hintayin niyo ko. Oo nga pala. Salamat sa tip mo, Jenny. Nagkaroon ako ng ideya,” masayang reply ni Honey sa group chat nila.

Masayang umalis si Honey sa kanilang bahay. Babalik din siya kaagad. Pero sa ngayon ay magsasaya muna siya kasama ang kaniyang mga kaibigan.

“Uminom ka, Honey. Tandaan mo. Bawal ang KJ dito,” wika ng kaklase ng dalaga na si Alfred habang iniaabot ang isang maliit na baso na may lamang alak.

Kinuha naman iyon ni Honey at ininom. Napangiwi ang mukha niya ng malasahan niya ang pait ng alak sa kaniyang lalamunan.

Mabilis na lumipas ang oras at nagkayayaan na ang lahat na umuwi dahil hindi sila puwedeng magpaumaga.

Siyam silang magkakaklase lulan ng sasakyang minamaneho ni James. Sa kanilang lahat ay ito lang ang hindi menor de edad. Hindi din nila ito kaklase. Kuya ito ni Alfred. Sumama lang ito sa kanila upang mabantayan sila. Nakainom rin si James pero sabi nga nito kanina ay kaya pa naman niyang magmaneho.

“Ang saya ng gabing ito! Hinding-hindi ko ito makakalimutan,” masayang wika ng isang kaklase ni Honey.

Habang tumatagal ay pabilis ng pabilis naman ang takbo ng sasakyan nila.

Bahagyang kinabahan si Honey ngunit hindi kinakabahan ang mga kaklase ng dalaga. Masayang-masaya pa nga ang mga ito sa bilis ng pagpapatakbo ni James.

Hanggang sa may biglang sumalubong na nakakasilaw na liwanag sa binabagtas nilang daan. Masakit iyon sa paningin kaya naipikit ni Honey ng mariin ang kaniyang mga mata.

Ang huling narinig ng dalaga ay ang nakabibinging sigaw ng mga kaklase niya at ang malakas na tunog ng dalawang bagay na nagsalpukan.

Nagising si Honey na hindi niya maigalaw ang buo niyang katawan dahil sa sobrang sakit.

“Hindi ka pa maaaring gumalaw, miss,” nag-aalalang wika ng nurse kay Honey.

“Nurse ano po bang nangyari?” nagtatakang tanong ni Honey. “Nabangga po ang sinasakyan niyong kotse at sa kasamaang palad ay nam*tay ang lahat ng kasama mo sa sasakyan. Tanging ikaw lamang ang masuwerteng nakaligtas,” wika ng nurse na labis na ikinalungkot ng dalaga.

Buhay nga si Honey pero ang pakiramdam niya ay para naman siyang p*tay dahil hindi niya maigalaw ang buo niyang katawan.

“Nurse alam na po ba ng mga magulang ko kung ano ang nangyari sa’kin?” muling tanong ni Honey. “Pasensiya ka na, ma’am, ha, kung hindi kita masasagot pero tatawagin ko po ang taong nagbabantay sa’yo rito,” nakangiting wika ng nurse.

Matapos tignan ng nurse si Honey ay lumabas na rin ito. Ilang sandali lang ang lumipas ay pumasok naman sa silid ng dalaga si Manang Sally, ang katulong nila.

“Si mama at papa po, manang? Galit ba sila sa’kin?” agad na tanong ni Honey sa kanilang kasambahay.

Malungkot na tumingin si Manang Sally sa mukha ng dalaga bago ito nagsalita. “Wala na po ang mama at papa mo, ma’am,” mangiyak-ngiyak na wika nito.

“Pero bakit po, manang?” takang tanong ni Honey. “Nabangga ang kotseng sinasakyan nila Ma’am Dina at Sir Fernan ng sasakyang minamaneho ng kapatid ng kaklase mo. Madaling araw na nang malaman nilang wala ka sa silid mo kaya nagmadali silang lumabas para hanapin ka. Ngunit sa kasamaang palad ay nabangga sila nung gabing iyon. Malakas ang pagkakabangga ng dalawang sasakyan. Masuwerte ka, Ma’am Honey, dahil ikaw lang ang bukod tanging nakaligtas sa nangyaring aksidente. Tatlong linggo ka nang natutulog diyan sa kinahihigaan mo. Isang linggo na ang nakalipas mula nung ipalibing namin ang inyong mga magulang,” umiiyak na wika ni Manang Sally.

Pakiramdam ni Honey ay namanhid ang buo niyang katawan. Kasalanan niya ang lahat. Hindi maaaksidente ang kaniyang mga magulang kung hindi siya tumakas sa kanilang bahay.

Walang tigil sa pag-iyak si Honey. Sinisisi niya ang kaniyang sarili sa lahat ng nangyari. Sana ay siya na lang ang nam*tay imbes na ang mga magulang niya. Binigyan siya ng pangalawang buhay upang siya ay parusahan. Paano siya mabubuhay ngayon kung wala na ang mama at papa niya? Sana ay nakinig na lamang siya sa kanila. Sana hindi na lang niya sila sinuway. Kung maibabalik niya lang sana ang oras ay gagawin niya ngunit wala na siyang magagawa kung hindi tanggapin ang kaniyang kaparusahan.

“I’m sorry, ma. I’m sorry, pa. Kung nakinig lang sana ako sa inyo hindi sana kayo mapapahamak,” humahagulgol na wika ni Honey.

Hindi na mababago ni Honey ang nangyari. Siguro kaya siya nabuhay ay dahil may misyon pa siyang gagawin sa mundo. Ang kaso ay hindi niya alam kung paano niya ulit sisimulan ang kaniyang buhay ngayong wala na ang mga magulang niya.

Sa tulong ni Mang Sally ay unti-unting naging maayos ang lagay ni Honey. Hindi siya iniwan ng babae at matiyaga siya nitong inalagaan hanggang sa tuluyan na siyang gumaling.

Kahit mahirap ay pinilit ni Honey na ipagpatuloy ang kaniyang buhay. Halos araw-araw siyang pumupunta sa puntod ng kaniyang mga magulang. Araw-araw rin siyang humihingi ng tawad sa kanila.

Hindi porke’t hinihigpitan ka ng iyong mga magulang ay hindi ka na nila mahal. Ayaw lang nilang mapahamak ka kaya nila ginagawa ang bagay na iyon. Katulad ng nangyari kay Honey. Kahit hindi siya pinayagan ng mama at papa niya ay sinuway pa rin niya ang kaniyang mga magulang. Hindi lang siya ang napahamak dahil sa kaniyang ginawa kung ‘di pati ang mga magulang niya.

Tandaan. Walang rewind sa mundo. Kung ano man ang mangyari ay hinding-hindi mo na ito mababago pa kaya laging makinig sa payo ng inyong mga magulang.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.