Inday TrendingInday Trending
Bayad Ko sa Iyong Malawak na Ngiti

Bayad Ko sa Iyong Malawak na Ngiti

“Oy, pre, mukhang mayaman ‘yang si sir kaya ikaw na ang humarap diyan,” masiglang wika ni Andrew kay Melvin sabay tulak pa nito sa lalaki.

Isang waiter si Melvin sa isang sikat na restawran. Malaki-laki naman ang sinasahod niya pero hindi pa rin iyon sapat lalo na’t kailangan niyang ipagamot ang kaniyang inang may sakit.

Naglakad siya patungo sa kanilang kustomer. Hinanda niya ang kaniyang pinakamatamis na ngiti bago niya sinalubong ang lalaki.

“Magandang araw po, sir. Dito po tayo.” Iginiya ni Melvin sa bakanteng upuan ang kustomer at agad niya itong inasikaso. Lahat ng masasarap nilang pagkain ay inalok niya sa mayaman nilang kustomer mapa-order niya lang ito ng masarap na pagkain na swak sa budget nito. Medyo may edad na ang kustomer. Mukhang mabait ito at mayaman.

“Bigyan mo na lang ako ng isang chicken sandwich at isang Caffè Americano. Samahan mo na rin ng isang basong tubig. Salamat,” nakangiting wika ng kustomer.

Nakaramdam ng lungkot si Melvin. Ang akala niya’y jackpot na siya ngunit hindi naman pala. Pero kahit na ganoon ay hindi niya ipinahalata sa kustomer ang nararamdaman niyang pagkadismaya. Akala niya kasi kanina ay magkakaroon na siya ng malaking benta para payagan siya ng kaniyang amo na bumale. Ang kaso ay mukhang malabong mangyari iyon dahil mura lamang ang inorder ng kustomer.

Magiliw at masigla pa rin itong inasikaso ni Melvin. Ibinibigay niya kung ano ang nais nito at lagi pa rin niyang suot ang matamis niyang ngiti sa kaniyang mukha kapag kaharap niya ito.

Ganoon talaga ang trabaho niya, ang mag-asikaso ng mga kustomer maliit man o malaki ang halaga ng inorder nito, magbigay man itong ng tip o hindi sa kaniya.

“Bill,” wika ng kustomer ni Melvin. Agad namang binigay ng lalaki ang hinihingi nito. Nang maibigay na kay Melvin ang bayad ay agad siyang umusal ng pasasalamat at hinatid niya pa ito sa may pintuan.

“Come back again, sir,” magiliw na wika ni Melvin.

“Maraming salamat sa’yo, boy,” nakangiting wika ng kustomer sabay tapik sa balikat ni Melvin.

Ibibigay na sana ni Melvin ang bayad ng kustomer sa kahera nang mapansin niyang sobra ang perang ibinigay ng kaniyang kustomer.

Wala sa loob na hinabol ni Melvin ang kustomer upang ibalik ang pera. Baka malabo lang ang mata nito kaya sobra ang naibigay sa kaniyang pera.

“Sir, teka lang po. Sobra-sobra po ang ibinigay niyong pambayad,” tawag ni Melvin sa lalaking papasok na sana sa loob ng sasakyan nito.

“Anong pangalan mo, anak?” nakangiting tanong ng kustomer. “Melvin po, sir,” sagot ng lalaki.

“Ako nga pala si Mr. Galvez,” pagpapakilala ng kustomer.

“Ipagpatuloy mo ang magandang pakikitungo mo sa mga kustomer, Melvin. Kayo ang tunay na kayamanan ng isang kompaniya. Nagustuhan ko ang pagiging magiliw mo at maasikaso. Minsan kasi kapag todo bigay sa sales talk ang empleyado tapos biglang bumaba ang expectations nila ay nag-iiba ang pakikitungo nila sa kanilang kustomer. Madalas ko nang maranasan ‘yon kapag pumapasok ako sa mga restawran. Pero iba ka. Hindi ka nadismaya sa’kin at patuloy ka pa ring naging magiliw kahit tinapay at kape lang ang inorder ko,” saad ni Mr. Galvez.

“Gustuhin ko mang kainin ang mga sinabi mong masasarap na pagkain kanina ay hindi ko magawa dahil marami nang bawal na pagkain sa akin ngayon kaya iyan na lang ang tip ko para sa’yo. Nakikita ko ang sarili ko sa’yo noon at alam ko ang hirap na pinagdadaanan mo. Ang hiling ko lang sana ay makatulong ang kaunting halagang ibinigay ko sa’yo,” nakangiting wika ni Mr. Galvez.

Wala sa loob na niyakap ni Melvin si Mr. Galvez ng mahigpit. Hindi basta-basta ang ibinigay nitong tip sa kaniya. Limang libo ang ibinigay nitong tip kaya hindi niya alam kong paano niya ito pasasalamatan. May pambili na siya ng gamot ng kaniyang ina. Hindi na niya kailangan pang bumale sa kaniyang amo dahil sa tip na ibinigay ni Mr. Galvez sa kaniya.

“Maraming salamat po, sir. Sobra-sobra pa po ang ibinigay niyo. Hulog po kayo ng langit sa’kin. May pambili na po ako ng gamot ng mama ko. Walang mapaglagyan ang pasasalamat ko sa inyo. Maraming, maraming salamat, sir,” humihikbing wika ni Melvin.

“Pagpalain ka ng Diyos Ama, Melvin. Hiling ko na sana ay panatilihin mo ang masaya mong mukha sa anumang pagsubok na ibato sa’yo ng tadhana. Kahit gaano kabigat ang dinadala ng isang tao kapag nakakakita sila ng ngiti mula sa kanilang kapwa ang lahat ng hirap na kanilang nararamdaman ay nawawala,” nakangiting wika ni Mr. Galvez.

Dahil sa nangyari ay may natutunan si Melvin. Kahit makaramdam ka man ng pagkadismaya sa kapwa mo ay hindi iyon sapat na dahilan para hindi mo sila pakitunguan ng maayos. Dapat ay tratuhin mo pa rin sila ng may respeto at malawak na ngiti sa iyong mga labi. Malay mo baka hindi lang ngiti ang igawad nila sa iyo pabalik. Baka matulungan ka pa nila sa iyong problema.

Advertisement