Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Karibal Ko’y Hindi  Tao - Inday Trending

Karibal Ko’y Hindi Tao

Pasukan na naman kaya masigla na naman ang mga estudyante.

Nagkita naman sa eskuwelahan ang magkaibigang JB at Darwin.

Sa ‘di kalayuan ay may napansin si JB.

“Darwin, nakikita mo ba ang nakikita ko?” tanong ni JB.

“Ha?” Sinundan ng tingin ni Darwin ang itinuturo ni JB. “Sino ba?”

“Ayun. Iyong babaeng nakaupo sa ilalim ng puno,” sagot ng kaibigan.

Ilang segundo ang lumipas bago nakita ni Darwin ang itinuturo ng kaniyang kaibigan. “Ah. Ayun ba? Si Lizette iyon.”

“Lizette?” nakangiting wika ni JB.

“Oo. Bakit mo naman naitanong?” saad ni Darwin. “Eh, ang ganda niya, noh!” tugon ni JB.

“Naku, naku, naku. Mukhang alam ko na kung ano ang iniisip mo. Sinasabi ko sa iyo. Huwag mo nang ituloy ‘yang binabalak mo,” paalala ni Darwin.

“Ha?” bulalas ni JB. “Bakit naman? May boyfriend na ba siya?”

“Wala pa,” sagot ni Darwin.

“O! Wala naman pala, eh. Mabuti pa ipakilala mo ko,” wika ni JB. “Huwag na! Mabuti pa kalimutan mo na lang na nakita mo siya,” payo ng kaibigan.

“Pero…” Hindi na natuloy ni JB ang kaniyang sasabihin.

“Halika na. Magsisimula na ang klase.” Hinawakan ni Darwin si JB sa braso at pilit na hinila ito patungo sa kanilang silid-aralan.

Hindi maintindihan ni JB kung ano ang problema ng kaniyang kaibigan. Bakit ba ayaw siyang ipakilala nito sa dalaga? Hindi kaya may pagtingin din ito sa babae?

“Pssst!” tawag ni JB kay Darwin habang nagsusulat sa pisara ang kanilang guro. “Darwin.”

Lumingon si Darwin sa kaniyang likuran. “Bakit?”

“Iyong babae? Si Lizette? Type mo siguro iyon, ano? Kaya ayaw mong ipakilala sa akin. Popormahan mo ba?” nakangiting tanong ni JB.

“Ano?” biglang nalukot ang noo ni Darwin. “Hayaan mo. Hindi naman ako papapel kung popormahan mo siya,” saad ni JB.

“Hindi, noh!” Napalakas ang boses ni Darwin kaya’t napalingon ang kanilang guro.

“Umamin ka na,” pang-aasar ni JB nung muling humarap sa pisara ang kanilang guro.

“Hindi ko siya popormahan. At kung alam mo ang makakabuti sa iyo huwag na huwag mo rin siyang liligawan,” galit na sagot ni Darwin.

Lalong nagtaka si JB sa sinabi ng kaibigan. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ang pagtutol nito sa pagnanais niyang makilala si Lizette. At sa inasal ni Darwin sa kaniya para bang mayroon itong kinatatakutan.

Pagdating ng uwian ay agad na kinausap ni JB ang kaibigan. “Pare, tapatin mo nga ako. Bakit ba ayaw mo akong ipakilala kay Lizette?”

“Basta makinig ka na lang sa akin,” tugon ni Darwin sabay lakad palayo.

Agad naman siyang pinigil ni JB. Hinarangan nito ang kaniyang daraanan. “Bakit nga? Sabihin mo sa akin? Ano? Mahigpit ba ang mga magulang niya? O baka may mga kapatid siyang lalaki na mahihigpit? O baka mga kriminal ang buong pamilya niya?”

“Hay naku, ewan ko sa iyo,” ang tanging sagot ni Darwin.

“Ano ba? Sabihin mo na sa akin?” pangungulit ng binata. “O sige. Pero baka hindi ka maniniwala,” tugon ni Darwin.

“Bakit naman?” naguguluhang tanong ni JB. “Basta,” sagot ni Darwin. Pagkatapos ay tinungo nito ang direksyon papuntang canteen. “Sumunod ka na lang sa akin.”

Pagdating sa canteen ay naupo sila sa bakanteng mesa. May mangilan-ngilang kumakain ngunit hindi naman sila pinapansin ng mga ito.

“O, ano? Sasabihin mo na ba?” tanong ni JB.

Huminga muna ng malalim si Darwin. “Alam mo kasi napakarami nang nanligaw diyan kay Lizette.”

“O, sabi mo wala naman siyang boyfriend, ‘di ba?” tanong ni JB. “Wala nga. Pero marami nang nanligaw sa kaniya. Siyempre, napakaganda niya, hindi ba?” tugon ni Darwin.

Tumango lang si JB.

“Sa maniwala ka man o sa hindi lahat nang nanligaw kay Lizette ay binawian ng buhay,” pahayag ni Darwin.

Napanganga lamang si JB sa sinabi ng kaibigan.

“Hindi lang sila basta binawian ng buhay. Dinapuan sila ng katakut-takot na kamalasan at pagkatapos ay nagkasakit ng malala,” pagpapatuloy ng binata.

Natawa si JB sa sinabi ng kaibigan. “Ano ka ba naman? Anong sinasabi mo? Na may kamalasang dala si Lizette?

“Hindi lang malas,” sagot ni Darwin. Nanlalaki ang kaniyang mga mata. “Sabi nila mayroon daw manliligaw si Lizette. Isang manliligaw na hindi tao.”

Parang kinilabutan si JB ngunit hindi dahil sa sinabi ng kaibigan. Kinilabutan siya dahil sa reaksyon ni Darwin. Nakatingin ito sa malayo na para bang may naaalalang hindi maganda. Bakas sa mukha nito ang takot.

“Teka? Ano ba ‘yang sinasabi mo?” wika ni JB. “Maniwala ka, JB. Mayroong kung anong engkanto o lamang lupa ang nakadikit kay Lizette. Sinusundan siya nito kahit saan siya magpunta. Kahit mismo ang mga magulang niya ay nagsasabi na may nahuhumaling na kung ano kay Lizette kaya’t lahat ng lalaking nanliligaw dito ay nagkakasakit ng malubha at binabawian ng buhay,” sagot ni Darwin.

Muling tumawa si JB ngunit halatang napipilitan lamang siya. “Ano ka ba? Sa panahon nating ito nagpapaniwala ka pa sa mga ganiyang kuwento?”

“Maniwala ka sa akin, pare. Kung ayaw mo pang mawala sa mundong ito layuan mo ang babaeng iyon,” pangungumbinsi ng binata.

Biglang tumayo si JB. “Hay naku! Puro ka kalokohan. Hindi totoo iyang mga lamang lupa at engkanto na iyan. Papatunayan ko iyan sa iyo. Makikita mo!” Mabilis na tumalikod ang binata at naglakad pauwi.

“JB, bumalik ka rito!” tawag ni Darwin sa kaibigan ngunit hindi siya pinansin nito.

Sa ‘di kalayuan ay nakita ni JB ang hinahangaan niyang dalaga, si Lizette, na nakaupo sa ilalim ng malaking puno ng acacia. Agad niya itong nilapitan. “Hi, Lizette!”

Lumingon ang dalaga at para bang huminto ang pagtibok ng puso ni JB nang makita niya ito sa malapitan. Napakagandang babae talaga nito.

“Hi. Ako nga pala si JB. Nasa ikatlong taon na ako dito,” sabi niya rito.

Hindi sumagot ang dalaga. Bagkus ay bigla-bigla itong tumayo at lumakad palayo.

“Sandali lang!” Hinarangan ni JB ang daraanan ni Lizette. “Gusto ko lang namang makipagkilala.”

Muling tinangka ng dalaga na umalis ngunit hinawakan siya sa braso ni JB. “Sandali. Huwag kang matakot sa akin. Pakiusap!”

“Ano ka ba?” galit na sigaw ng dalaga. “Hindi ka ba natatakot sa akin? Gusto mo na bang pumanaw?”

Ngumiti si JB. Inilabas niya ang kaniyang magandang mga ngipin. “Bakit naman ako matatakot sa iyo, eh, ang ganda-ganda mo. Tsaka hindi ako naniniwala sa mga sinasabi ng iba. Basta ako gusto kitang maging kaibigan.”

“Hindi mo naiintindihan, eh,” saad ni Lizette.

“Huwag kang mag-alala. Wala akong balak na masama sa iyo,” wika ni JB.

Kahit nakatungo ang babae ay nakita ni JB na napangiti ito.

“Mukhang kinilig din siya. Tinatablan na rin siya sa taglay kong kaguwapuhan,” nasabi ni JB sa sarili.

“Mahuhuli na ako sa klase,” mahinang wika ni Lizette.

“Hatid na kita,” alok ng binata.

Hindi nagtagal ay naging mabuting magkaibigan ang dalawa. Naging usap-usapan tuloy sila ng buong eskuwelahan.

Makailang ulit ding kinausap ni Darwin si JB tungkol kay Lizette na laging nauuwi sa pagtatalo kaya sa bandang huli ay pinutol na ni JB ang kanilang pagkakaibigan.

Isang araw ay nakita ni JB si Lizette na umiiyak habang nakaupo sa sementadong upuan na malapit sa gate ng kanilang eskuwelahan.

“Lizette. Anong problema? Bakit ka umiiyak?” tanong ng binata. “JB, hindi na tayo dapat magkita,” tugon ng dalaga.

“Ha! Bakit naman? May nagawa ba akong mali sa iyo?” naguguluhang tanong ni JB.

“Wala. Napakabuti mo nga sa akin pero…”

“Pero bakit ayaw mo nang makipagkita sa akin?” pinutol ni JB ang sasabihin sana ng dalaga.

“Alam mo naman ang mga sinasabi ng mga tao tungkol sa akin, hindi ba?” tanong ni Lizette sabay talikod.

Tumango si JB.

“Alam kong hindi ka naniniwala pero totoo ang lahat ng iyon. Ayaw kong mapahamak ka kaya’t hindi na dapat tayo magkita pa,” saad ng dalaga.

Hinawakan ni JB ang babae sa balikat at iniharap ito sa kaniya. “Ano bang sinasabi mo? Bakit ka ba nagkakaganiyan?”

Lalong lumuha si Lizette. “Nagagalit na siya sa iyo. Pinagbabantaan ka niya. Ayokong masaktan ka. Ayokong may mangyari sa iyong masama!”

“Sino ba ang tinutukoy mo? Iyon bang manliligaw mong lamang lupa? Puwes hindi ako natatakot sa kaniya!” buong tapang na pahayag ng binata.

“Pakiusap, JB, layuan mo na ako,” pagmamakaawa ni Lizette.

Niyakap ni JB ang dalaga ng mahigpit. “Huwag kang mag-alala. Akong bahala. Sisiguraduhin kong hindi ka na gagambalain ng engkanto o malignong iyan! Mahal na mahal kita. Handa kong ibuwis ang buhay ko para sa iyo,” wika niya rito.

Biglang lumitaw sa kanilang harapan ang isang kakaibang nilalang. Nakakatakot ang anyo nito at nagtataglay ng mga balahibo sa buong katawan. “Napakatapang mong lalaki at hindi ka man lang natatakot sa akin!” sabi nito.

Nagulat si JB. Hindi siya makapaniwala na totoo nga na may engkantong manliligaw si Lizette ngunit matapang niya itong hinarap. “Wala akong pakialam kung sino ka pa. Mahal ko si Lizette at handa akong masawi maipaglaban lang ang pagmamahal ko sa kaniya!” anas niya sa kausap.

“Pinahanga mo ako, lalaki. Hindi ko akalain na may mga katulad mo pa pala sa mundo na handang ibuwis ang kanilang buhay para sa babaeng kanilang minamahal. Kung gayon ay nagtagumpay ka,” seryosong sabi ng engkanto.

“Anong ibig mong sabihin?” naguguluhang tanong ni JB. “Inaamin ko na mahal ko si Lizette at lahat ng lalaking nagtangkang agawin siya sa akin ay binabawian ko ng buhay ngunit sa lahat ng mga lalaking umibig sa kaniya ay ikaw ang bukod tanging nagpahayag na kaya mong ibuwis ang sarili mong buhay para sa kaniya. Pinatunayan mo kung gaano mo siya kamahal,” pahayag ng engkanto.

“At dahil diyan ay handa akong magparaya para sa ikaliligaya ninyong dalawa. Ipangako mo lang na huwag na huwag mong sasaktan ang damdamin ng aking pinakamamahal kung hindi ay ako ang iyong makakalaban,” pagtatapos pa nito.

Mayamaya ay bigla na lang itong naglaho sa kanilang harapan.

“Malaya na tayo, mahal ko. Malaya na tayong magmahalan,” sabi ni JB kay Lizette.

“Oo nga. Pinalaya na niya ako. Maraming salamat sa pag-ibig mo,” sagot ng dalaga.

Mula noon ay hindi na nagpakita pa sa kanila ang engkanto.

Agad na nakipag-ayos si JB sa kaibigan niyang si Darwin at sinabi niya rito na nagpaubaya na ang karibal niyang engkanto dahil napatunayan niya rito kung gaano niya kamahal si Lizette.

Ang tunay na pag-ibig ay hahamakin ang lahat maging ang kahit na anong panganib. Lahat talaga ay mapagtatagumpayan kapag tapat at totoo ang iyong damdamin.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.