Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Parang Timang, Ginawang Anak ‘Yung Aso! - Inday Trending

Parang Timang, Ginawang Anak ‘Yung Aso!

Bagong lipat sa lugar ang dalagang si Maureen at uma-umaga itong umiikot sa lugar nila para magpapawis ng kaunti kasama ang kaniyang anak.

“Baby, ang ganda ng araw ngayon. Sana maging maganda ang buong linggo natin,” pahayag ni Maureen sa kaniyang kasama.

Ngunit halos lahat ng tao ay pinagtatawanan siya sa tuwing kinakausap niya ang tinuturing niyang anak.

Habang tulak-tulak ni Maureen ang pang-sanggol na stroller ay lumabas ang ulo ng napakaganda at napakamamahaling aso na may lahing shih tzu, si Maya.

“Grabe ‘yung pagmamahal ng babaeng ‘yan sa aso niya. Ginagawang baby!” saad ng isang babaeng kasabay ni Maureen maglakad.

“Hay, naku, ganiyan talaga ang mga tao ngayon. Sabi pa nga ng kaibigan ko ay parang totoong baby ang mga ganiyang aso kasi ang mahal ng mga turok at pagkain! Pang mayaman nga raw ‘yan,” sagot naman ng isa pang babae na nasa likuran lamang ni Maureen.

“Eh, kung naghanap siya ng jowa, nag-anak, eh, ‘di mas masaya ang buhay niya kasi may sasagot o tatawag sa kaniya ng “mama.” Hindi katulad ng mga aso na “arf arf” lang ang kayang sabihin sa’yo!” natatawang pahayag ng isa pang babae.

“Sabi pa nga ng kumare ko sa’kin ay matandang dalaga na raw ‘yan. Walang jowa!” dagdag pa nito.

Napabuntong-hininga na lamang si Maureen at binilisan ang kaniyang lakad. “Huwag nating sirain ang araw natin sa mga ganoong bagay, Maya,” bulong niya sa kaniyang alaga.

Wala pa man siyang masyadong kakilala sa tinitirhan niya ay nauna na kaagad ang tsismis patungkol sa kaniya.

Nasa 40 anyos na si Maureen at sa unang tingin ay aakalain mong may anak nga ito dahil sa ang mga gamit ng kaniyang alagang aso ay para talaga sa totoong bata. Kaya para sa mga hindi naman nga ganoon kahilig ang pag-aalaga ng aso ay masasabi mong sobra ang ibinibigay na atensyon ng babae rito. Mapa-emosyonal, pisikal at lalung-lalo na sa pinansiyal.

Kasa-kasama ni Maureen ang kaniyang aso saan man siya magpunta. Naka-swimsuit din ang aso sa tuwing maliligo sila sa swimming pool ng village na tinitirhan niya. Kasabay niya itong kumain sa mesa sa labas ng restawran at palaging “anak” ang tawag niya sa kaniyang alagang aso.

“Maureen! Tara at sumama ka sa’min mag-zumba! Para naman makapagkuwentuhan tayo at hindi laging aso ang kasama mo!” biro ni Aling Melanie, kapitbahay ng dalaga.

“Ay, hindi na ho. Salamat na lang. Okay na ho kami ng anak ko rito sa garden,” sagot naman ni Maureen habang siya ay nagkakape kasama ang alaga niyang si Maya.

“Ito naman. Alam naman naming lahat na mahal na mahal mo ‘yang sosyal mong aso. Pero minsan ay lumabas ka rin! Para magka-jowa ka o mas sumeksi pa!” pahayag muli ng ale sabay pasok sa hardin ni Maureen.

“Maaga pa naman pala. Tayo nga ay magkuwentuhan muna,” sabi pa nito sabay upo sa harap ni Maureen at ng alaga nitong aso.

Walang kibo namang ngumiti si Maureen sa babae.

“Pasensiya ka na sa mga kapitbahay natin kung pinagtatawanan ka, ha. Kasi naman ikaw lang ang kapitbahay naming OA kung magmahal ng aso! Ginawa mo ng tao ‘yan!” saad pang muli ng ale.

“Wala ka man lang bang manliligaw? Jowa? Gusto mo bang ipakilala kita sa mga friends ko. Alam mo na. Hindi naman kasi nagkakalayo ang edad natin,” wala pa ring tigil sa pagdaldal si Aling Melanie.

“Ano nga ulit ang pangalan ng aso mo?” tanong pang muli ng ale. “Maya ho,” maiksing sagot ni Maureen.

“Wala pang anim na buwan, kakamat*y lang ho ng anak at asawa ko sa aksidente. Kami lang ho ni Maya ang nakaligtas. ‘Yung anak ko anim na buwang taong gulang lang din,” siwalat ni Maureen sa mahinang boses habang sinusuklayan ang malambot na balahibo ng kaniyang aso.

“Itong si Maya ay kasabay na dumating ng anak ko sa aming mag-asawa. Pero si Maya na lang ang naiwan sa’kin. Ito na lang ang tanging alaala ko sa pamilya ko. Lahat naglaho na. Nasa langit na sila ngayon,” dagdag pa ni Maureen tsaka pumatak ang kaniyang mga luha.

Hindi naman malaman ni Aling Melanie ang kaniyang sasabihin dahil para siyang tinamaan ng malaking bato. Nakokonsensya siya dahil sa kaniya nagsimula ang tsismis tungkol kay Maureen at sa aso nito. Mali pala ang hula niya sa pagkatao ng babae dahil napakalalim pala ng mga sugat nito. Napakalalim ng hinagpis ng buhay nito na ginawa lamang katatawanan ng mga taong katulad niya.

“Patawarin mo ako, Maureen. Sa akin nagsimula ang tsismis tungkol sa iyo. Huwag kang mag-alala. Aayusin ko ito. Ipapaliwanag ko sa lahat kung bakit matindi ang pagmamahal mo sa iyong aso,” mabilis na wika ng ale sabay yakap sa babae.

Ngayon ay naiintindihan na nila kung bakit mga gamit ng bata ang ginagamit ng aso ni Maureen. Naiintindihan na ng lahat kung bakit ganito na lang ito kalapit sa alaga niyang aso at simula rin noong araw na iyon ay mabilis na natapos ang tsismis tungkol sa babae. Bukod sa mas ginagalang na nila ito ngayon ay natutunan din nilang huwag nang magkalat pa ng tsismis tungkol sa ibang tao.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.