Swerte sa Ukay-ukay

“Janice! Grabe ang saya-saya ko! Tingnan mo yung text sa akin ng kumpanyang pinag-aplayan ko! Tanggap na raw ako at magsisimula na ako bukas! Salamat talaga sa Diyos!” tuwang-tuwang balita ni Leslie sa kaniyang pinsang naglalaba ng damit.

“Naku, magandang balita nga ‘yan,” sambit ni Janice habang patuloy sa pagkusot ng damit. Bigla namang naging seryoso ang kaniyang pinsan nang mapansing tila malungkot siya.

“O, ikaw? Kamusta yung pinag-aplyan mo sa Maynila? Nakuha ka ba?” pang-uusisa nito dahilan upang mapabuntong-hininga siya.

“Hindi, eh. Bagsak ako sa interbyu,” matipid niyang sagot habang pilit na pinipigilan ang luhang babagsak na.

“Ano ang plano? Gusto mo ba tulungan kita makapasok sa trabaho ko? Bigyan mo lang ako ng isang buwan!” alok naman ng kaniyang pinsan saka pinunasan ang luhang hindi niya naramdamang bumagsak na pala.

“Masyadong matagal, Leslie. Siguro, papasok muna ako doon sa isang ukay-ukay sa palengke, naghahanap sila ng bantay, eh. Sa katunayan, magsisimula na ako doon bukas,” ‘ika niya dahilan upang hawakan siya sa balikat ng pinsan saka bahagyang yakapin.

“Hindi ka makakaipon doon! Hayaan mo, gagawin ko lahat para makuha kita doon. Sige na, alis muna ako, ha? Bibili lang ako ng ulam namin!” sambit nito matapos siyang mahigpit na mayakap saka nagmadaling umalis. Doon na niya tuluyang binagsak ang kaniyang mga luhang bunsod ng pagkadismaya sa sarili.

Panganay sa magkakapatid ang dalagang si Janice dahilan upang ganoon siya kumayod para makatulong na sa kanilang pamilya. Sa katunayan nga, kahit pa noong nag-aaral pa lamang siya ng kolehiyo, ume-extra na siya ng labada upang maipandagdag sa kaniyang baon at hindi na hihingi pa sa kaniyang ina. Kapag may sobra pa rito, binibigay niya pa ito sa ina upang maipandagdag naman sa kanilang mga bayarin sa bahay.

Advertisement

Ngunit kahit na nakapagtapos na siya, tila ganoon pa rin siya nahirapan kumuha ng trabaho. Hindi kasi siya ganoon kagalingan, lalo na sa pagsasalita ng ingles kaya naman ganoon na lamang siya bumagsak nang makailang beses sa iba’t-ibang trabahong kaniyang inaaplyan.

Buti na nga lang talaga, napansin niya ang karatula sa isang ukay-ukay sa palengke na naghahanap nga sila ng tagabantay. Agad siyang nakuha dito ngunit tila may puwang pa rin sa puso niya lalo na tuwing naiisip na, “Sayang ang apat na taong pag-aaral ko kung sa ukay-ukay lang rin ako babagsak.”

Halos araw-araw, pumapasok at umuwi sa trabahong iyon ang dalaga na lugmok na lugmok. Maraming pumapasok sa isip niya na labis na nakakapagpababa sa tiwala niya sa kaniyang sarili. Katulad na lamang ng, “Baka pati sila mama dismayado na sa akin”, “Ano na lang ang sasabihin sa akin ng mga kaklase ko dati kapag nakita nila ako dito?”, “Paano nga naman ako makakaipon sa liit ng sweldo ko rito?”

Ngunit isang araw, tila biglang nagningning ang kaniyang mga mata, habang nag-aayos kasi ng mga damit na kinakailangang isampay sa mga estante upang makita ng mga mamimili, biglang may bumungad sa kaniyang isang wallet. Agad niyang binuklat ang wallet at bumungad sa kaniya ang ilang dolyar at tatlong tseke na kulang-kulang tatlong milyon ang nilalaman.

Halos hindi niya malaman ang gagawin. Agad siyang pumunta sa fitting room at doon nagtatatalon-talon.

“Yayaman na kami! Yayaman na kami!” bulong niya sa sarili ngunit tila bigla siyang napaisip, “Eh, paano naman yung totoong may-ari nito? Kawawa naman,” dahilan upang bulatlatin niya pa ang wallet at doon niya nakita na may mga ID pala sa loob nito.

“Teka, namumukhaan ko itong si lolo, ha? Tama! Palagi itong nandito at naghahanap ng makakapal na jacket!” sambit niya at doon na niya napagpasiyahang itabi muna ito at isauli sa matanda. Sigurado siyang bukas, pupunta ulit ‘yon sa ukayan upang hanapin ang naiwang wallet.

Kinabukasan, pagkapasok na pagkapasok niya sa ukayan, agad niyang nakitang abala sa paghalukay sa tumpok ng mga damit ang matandang may-ari ng wallet. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala dahilan upang lapitan niya ito.

Advertisement

“Ito po ba ang hinahanap niyo?” ‘ika niya saka pinakita ang wallet na nakuha niya, agad naman itong dinampot ng matanda at binuksan ang wallet, “Masyado pong malaking halaga ang laman niyan, ingatan niyo po maigi sa susunod,” sambit niya pa at laking gulat niya nang maiyak sa harapan niya ang matanda.

“Ipon ko ‘to mula sa pensyon ko. Ilalaan ko sana ito para sa mga taong kapos sa buhay,” nakangiting ika nito.

Doon na nagtuloy-tuloy ang usapan nila. Labis na humanga ang matanda sa angking katapatan niya. Bukod pa roon, nang maikwento niya ang mga pinagdaan niyang pagbagsak, agad na sambit ng matanda, “Ayusin mo na ang passport mo, sumama ka sa akin sa Canada, may magandang trabahong naghihintay sa’yo doon!”

Sinunod nga ng dalaga ang utos ng matanda at isang buwan lang ang nakalipas, matagumpay na siyang nakaalis ng bansa. Doon na siya nagsimulang makaipon.

Malayo man sa pamilya, tiniis niya ang lahat mabigyan lamang ang mga ito ng maalwang buhay. Bukod pa doon, ‘ika niya, “Masasabi kong hindi sayang ang apat na taong pag-aaral ko, kahit hindi ako magaling, may naghihintay pa ring biyaya para sa akin!”

Pagbalik-baliktarin man ang mundo, wala sa galing ang pagtatrabaho, kundi nasa puso’t determinasyon.