Inday TrendingInday Trending
Dito Lang Ako, Ama!

Dito Lang Ako, Ama!

“Walang ka talagang utak, Marivic! Simpleng gawain ay hindi mo alam. Binasag mo na ‘yang mga baso!” sigaw ng ama ng dalagang si Marivic na si Mang Victor. “Mana ka talaga sa ina mo! Walang alam gawin sa bahay kaya ayon, nang makalasap ng konting sarap ay inuna ang lande!” sambit muli ng ama.

“Brando! Ikaw nga magturo sa kapatid mo. Kababaeng tao ay hindi marunong maghugas ng pinggan. Walang alam sa buhay! Dapat kasi ay sinama na siya ng ina nyo!” patuloy sa pagbubunganga ang kanilang tatay.

Maliit pa lamang ang magkapatid na sina Brando at Marivic ay iniwan na sila ng kanilang inang si Aling Esther. Hindi nya nagawang isama ang dalawa noon sapagkat ayaw rin silang ibigay ni Mang Victor. Nilisan ni Esther ang kanyang pamilya sapagkat hindi na niya makayanan ang pagbubugbog na ginagawa sa kanya ng asawa.

Habang lumalaki ang dalawa ay kapansin-pansin na nagiging mas paborito ni Mang Victor ang kanyang panganay na anak na si Brando. Walang ibang magaling sa ginoo kundi ang binatang ito. Kahit na anong parangal mula sa eskwelahan na natatangap ni Marivic ay hindi pa sapat para sa kanyang ama. Sa paningin nito ay hindi pa rin siya magaling.

Kahit na hindi naging maganda ang trato kay Marivic ng kaniyang ama ay hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa na isang araw ay mamahalin din siya nito tulad ng pagmamahal ng ginoo sa kanyang kuya.

Isang araw ay pinagluto ni Marivic ang kanyang ama ng paborito nitong menudo.

“Tiyak akong magugustuhan ito ng aking ama. Hindi na ako makapaghintay na umuwi siya at matikman ang niluto ko,” sambit niya sa sarili. Ngunit pagkalipas ng dalawang oras ay hindi pa rin nakakauwi ang ama. Kaya minabuti ng dalaga na hanapin ito. Natagpuan niya ito sa sugalan malapit sa kanilang bahay.

“Tay, tara na po sa bahay para makapananghalian na kayo,” paanyaya ni Marivic sa ama. Ngunit tila walang narinig ang ama.

“Tay, nagluto po ako ng paborito nyong menudo. Tara po at tikman nyo. Sigurado ako na magugustuhan niyo ‘yon,” sambit muli ni Marivic.

Sa pagkakataong ito ay sumagot na si Mang Victor. “Susunod na lang ako,” sambit ng ama habang nakatitig sa kanyang mga baraha.

“Habang mainit po ang ulam, ‘tay. Sabay na po tayong kumain,” pamimilit ng anak.

“Hindi ka ba makaintindi, bata ka? Alin sa sinabi kong susunod ako ang hindi mo maintindihan? Bobo ka ba talaga? Umuwi ka na nga sa bahay at hindi ito lugar para sa isang kagaya mo! Kapag ako ay minalas talagang malilintikan ka talaga sa akin!” bulalas ng ama sa sugalan. Sa takot ni Marivic ay umuwi na lamang itong luhaan.

Inabot na ng gabi at hindi na nakauwi pa ang kanyang ama. Silang dalawa na lamang ni Brando ang kumain.

“Kuya, bakit kaya hindi ako mahal ng tatay?” tanong niya sa kapatid.

“Ewan ko, Marivic. Tigilan mo ako sa kadramahan mong ‘yan! Mas gusto ko nga na ikaw ang mas mapansin ng tatay sapagkat ayokong sundan ang yapak ng lalaking iyon. Kapag nakahanap na ako ng trabaho ay lilisanin ko na kayong dalawa rito!” sambit ni Brando

“Huwag ka namang magsalita ng ganyan, kuya. Tingnan mo nga at ikaw ang paborito ng tatay. Kung aalis ka ay baka malungkot ‘yon,” saad ni Marivic.

“Wala akong pakialam. Hindi naman siya nagpakatatay sa akin. Saka hindi ko na makayanan ang makasama pa siya. Gusto kong gumawa ng sarili kong buhay. Hayaan mo pagka kaya ko na ay kukuhain kita!” wika ng kuya niya.

Kinabukasan ay ginising ng nagsisigaw na kapitbahay ang dalawa. Si Mang Victor daw kasi ay napaaway sa sugalan. Upang makaganti sa ginoo ay kumuha ito ng kutsilyo at tinaga ito sa braso. Sinuwerte lamang si Mang Victor at nagawa pang dalhin siya sa ospital at nailigtas ang kanyang buhay. Naghuli naman agad ang gumawa sa kanya nito at nakulong.

Ngunit naging alagain na ang ginoo. Ang inaasahan niyang si Brando na aagapay sa kanya ay tuluyan ng nilisan ang kanilang tahanan ng makahanap ng trabaho. Kahit na patuloy pa rin sa pagtanggap ng masasakit na salita si Marivic sa ama ay hindi niya ito pinabayaan.

Nagtrabaho siya upang mabuhay ang kanyang ama. Pagkauwi mula sa trabaho ay siya rin ang gumagawa ng mga gawaing bahay at nagpapakain sa ama. Isang araw ay bumalik ang kanyang kuya upang kuhain na si Marivic at tuluyan nang iwan ang kanilang ama.

“Kuya, hindi ako sasama sa’yo. Dito lang ako sapagkat kailangan ako ni tatay. Salamat sa alok mo ngunit hindi ko siya magagawang iwan,” saad ng dalaga.

Nang marinig ito ng ama ay nakunsensya siya sa kanyang mga nagawa sa anak. Hindi siya makapaniwala na sa likod ng lahat ng kanyang ginagawang masama sa kanyang anak ay kabutihan pa rin ang igaganti nito sa kanya. Hindi na niya naiwasan pa na maluha.

“Anak, maraming salamat. Buong akala ko ay iiwan mo na ako. Salamat sa pananatili mo sa aking tabi. Patawarin mo ako sa lahat ng maling nagawa at nasabi ko sa’yo. Nagawa ko lang ‘yun sapagkat hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap ang paglisan ng inyong ina. At sa tuwing makikita kita ay naaalala ko siya at hindi ko maiwasan na bumalik ang lahat ng masasakit na alaala. Patawarin mo ako, anak! Hindi ko dapat ‘yon ginawa sa iyo,” umiiyak na sambit ng ama.

“Hindi po ako nagtanim kahit kailan sa inyo ng sama ng loob. Ginagampanan ko lang po ngayon ang tungkulin ko sa inyo bilang isang anak. Mahal ko kayo, ‘tay, kaya hindi po ako aalis sa tabi niyo. Dito lang po ako at aalagaan ko kayo hangang gumaling kayo,” pahayag ni Marivic.

Tinupad ni Marivic ang kanyang pangako sa ama. Hindi naglaon ay tuluyan nang gumaling si Mang Victor. Ginamit niya ang pangalawa niyang buhay upang magbago. Mula noon ay naging responsableng ama na siya at kahit kailan ay hindi na niya pinagbubuntungan ng galit ang anak.

Nagbalik na rin muli si Brando sa kanilang piling nang makita ang pagbabagong nangyari sa kaniyang ama. Hindi man tuluyang nabuo ang kanilang pamilya ay buong pagmamahal namang pinatunayan ni Victor sa mga anak ang kaniyang pagbabago.

Advertisement