Inday TrendingInday Trending
Patawad sa Aking Pagkabigo

Patawad sa Aking Pagkabigo

Halos pagsakluban ng langit at lupa si Ester, isang OFW nang malamang isa siya sa mga empleyadong mawawalan ng trabaho. Malaki kasi ang lugi ng kanilang kumpanya kaya biglaan itong nagdesisyon na magbawas ng mga tao upang makabawi. Masaklap nga lang sapagkat hindi alam ni Ester kung paano siya magsisimula. Malaki kasi ang responsibilidad na nakaatang sa kaniya. Siya kasi ang bumubuhay sa kanyang buong pamilya.

“Bes, alam na ba ng nanay mo ang nangyari sa’yo dito?” tanong ni Belinda, matalik na kaibigan ni Ester. “Hindi magtatagal ay malalaman din nila kaya kung ako sa’yo ay sabihin mo na,” wika ng kaibigan.

“Hindi pwede, bes. Grabe nila akong ipagmalaki sa iba. Kung malalaman nila ang malaking pagkabigo kong ito ay baka mapahiya sila. Saka isa pa, hindi na lang ako basta pwede umuwi ngayon. Paano na ang pangangailangan ng pamilya ko?” tugon ni Ester.

“Mahihirapan ka dito kung magtatago ka sa otoridad. Baka hindi lang ito ang maging trabaho mo! Kung ako sa’yo ay sabihin mo na sa kanila at umuwi ka na lang,” payo ni Belinda.

Kung tututusin ay tama ang kaibigan ng dalaga. Mahirap kasi na mahuli siya ng awtoridad na nagtatago sa ibang bansa na walang kaukulang dokumento. Ngunit magulo ang kanyang isip sa ngayon. Nais man sabihin ni Ester sa mga magulang ang sinapit niya ngunit ayaw niyang sumama ang loob ng mga ito lalo na naiisip niya ang mga bayaring naiwan niya sa Pilipinas.

Naisipan niyang humanap ng ibang trabaho ngunit dahil nga wala siyang mapakitang tamang dokumento ay hindi siya natatanggap. Ang malala pa doon ay inireport siya sa awtoridad ng isa sa mga inaplayan niya.

Dahil dito ay napilitang umuwi ng Pilipinas ang dalaga. Habang nasa airport ay nakita ni Ester ang isang matandang babae na tila may hinahanap sa sahig. Sa kanyang awa ay nilapitan niya ito upang tanungin.

“Pwede ko po bang malaman kung ano ang hinahanap n’yo sa sahig, ginang? Baka kasi matulungan ko kayo sa paghahanap,” wika niya.

“Nalaglag kasi ang isang hikaw ko. Regalo sa akin ng yumaong asawa ko ang hikaw na suot ko kaya mahalaga ito sa akin,” sambit ng matanda.

Agad na yumuko rin si Ester upang maghanap sa sahig. Isang kumikinang na bagay hindi malayo sa kanilang kinaroroonan ang kanyang nakita. Nang kanyang lapitan ay nakita niya ang kapares ng hikaw ng matanda.

“Ito po ba ang hikaw ninyo, ginang?” tanong ni Ester sa matanda.

“Iyan nga, hija. Maraming salamat sa tulong mo!” natutuwang sambit ng ginang. “Baka mayroon din akong pwdeng itulong sa iyo. Ito ang tarheta ko. Muli, maraming salamat sa’yo,” dagdag ng matanda.

Umalis na ng airport si Ester at tuluyan na itong nakabalik ng bansa. Nagawa niyang ilihim ito sa kanyang pamilya dahil na rin sa kahihiyan na maaari nilang maranasan. Dahil walang gaanong naipon si Ester ay minarapat niyang makituloy sa dati niyang mga kaibigan hanggang kayanin niyang umupa ng kanyang sariling matutuluyan.

Hindi naging madali ang lahat kay Ester. Maraming kumpanya siyang pinag-aplayan ngunit hindi siya natatanggap. Saka niya naisip ang ginang na nagbigay sa kanya ng tarheta.

Agad niyang pinuntahan ang lugar at nang makita niya ang ginang ay agad siyang binati nito. Hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa at agad hiningi ang tulong ng matanda. Sinabi niya ang kanyang tunay na kalagayan at dahil sa awa ng matanda sa kanya ay agad niya itong tinanggap bilang isang receptionist sa kaniyang spa.

Sa tuwing sweldo niya ay agad niya itong pinapadala sa kanyang pamilya. Ngunit talagang walang lihim na hindi nabubunyag. Isang araw ay nagkagulatan na lamang sila ng kanyang kapatid nang magtungo ito sa spa na kanyang pinagtatrabahuhan.

Hindi makapaniwala ang kapatid na narito lamang pala si Ester sa Pilipinas. Agad itong nalaman ng kanyang mga magulang.

“Hindi tama na nagsinungaling ka sa amin, Ester! Ang akala mo ba ay hindi namin malalaman ito?” sambit ng ina. “Kahit kailan ay hindi ka namin tinuruan ng ama mo na magsinungaling. Buong akala namin nasa ibang bansa ka! Pinag-aalala mo kami sa mga pagdedesisyon mong ganito, anak!” dagdag pa ng ina.

“Patawarin niyo po ako, ‘nay. Ayoko lang kasing mapahiya kayo nang dahil sa akin. Natanggal po ako sa trabaho ko sa ibang bansa at dahil naisip ko ang lahat ng pangangailangan kahihiyan natin ay minabuti ko pong ilihim ito sa inyo.” tugon ni Ester.

“Anak, hindi mo naiintindihan. Wala akong pakialam sa sasabihin ng ibang tao. Ang mahalaga sa akin ay ang kaligtasan mo!” wika ng ina. “Kung alam ko lang ang sinapit mo anak ay hindi mo na kailangang gawin ito. Malaya kang umuwi sa bahay natin at magsimula ulit. Nandito kami sa likod mo upang umagapay sa iyo. Pagtutulong-tulungan natin ito, Ester,” sambit pa ng ina.

Napaiyak na lamang si Ester sa kanyang narinig sa ina. Ang buong akala niya kasi ay hindi siya iniisip ng mga ito. Mali pala siya. Niyakap niya ang ina at tuluyan na siyang sumama sa kanila pauwi. Pinagpatuloy niya ang pagtatrabaho niya sa spa ng matandang kanyang tinulungan.

Hindi naglaon ay nakaalis muli ng bansa si Ester sa tulong na rin ng kanyang ipon at ng kanyang pamilya.

Advertisement