Ang Sakripisyo ng Magtitinapa

Gabi-gabing matatagpuan sa bubungan ng kanilang bahay ang dalagang si Janice. Dito kasi siya mataimtim na nananalangin at nakikiusap sa Panginoon. Hangad kasi niyang sa darating na pasukan ay makapasok siya sa kolehiyo. Ngunit sa estado kasi ng kanilang buhay imposible itong mangyari. Dalawa na lamang sila ng kanyang Lola Sima na magkasama. At may sakit pang diabetes ang matanda.

Nabubuhay lamang sila sa pagtitinda ng tinapa ni Aling Sima sa isang bangketa malapit sa palengke. Hindi na niya natagpuan pa ang kanyang mga magulang at ang tanging matandang pinag-iwanan sa kanya ang naging pamilya niya.

Lingid sa kaalaman ni Janice ay lihim na nakikinig si Aling Sima sa kanyang mga hiling.

“Apo, tara na sa baba at kumain. Nagpirito ako ng paborito mong tinapa,” nakangiting paanyaya ng matanda.

Bumaba na sila upang maghapunan. Pagtapos nilang kumain ay panandalian silang nagpahinga sa kanilang sala. Dito na sinabi ng kanyang lola ang magandang balita.

“Apo, dininig ng Diyos ang mga panalangin mo,” sambit ng matanda. “Maraming bumibili ng tinapa nang mga nakaraang araw. Dahil doon ay nakaipon ako bahagya ng pang-matrikula mo sa kolehiyo. Makakapag-aral ka na, apo,” masayang sambit ni Lola Sima.

Gulat na gulat si Janice sa ibinalita ng kanyang Lola. Sa kanyang tuwa ay nayakap niya ang matanda.

“Talaga po, lola? Bakit po noong isang araw na tumulong ako sa pwesto natin ay hindi naman po ganoong kalakasan,” pagtataka ng dalaga.

Advertisement

“Maulan kasi noon saka bandang tanghali na. Matumal talaga sa ganoong oras parang hindi ka pa nasanay,” saad ni Aling Sima. “O siya, matulog ka na at maghanda ka na para bukas. Ayusin mo na ang mga gamit mo at isipin mo nang mabuti kung anong kurso ang kukuhain mo,” dagdag pa niya.

Hindi na makapaghintay pa ng bukas ang dalaga sa kaligayahan. Sa wakas ay natupad na ang lagi niyang dinadalangin.

Kinabukasan ay maagang nagising si Janice. Pagkababa niya sa kanilang bahay ay nakahain agad ang kanyang agahan na inihanda ng kanyang Lola Sima.

“Hindi na kita masasamahan, apo. Kasi kailangan kong magpunta sa puwesto. Kung maaga kang matatapos ay huwag mo na akong puntahan doon. Umuwi ka na dito kaagad at magluto ka na ng makakain natin,” sambit ng lola.

“Sige po, lola. Nga pala nakainom na po ba kayo ng gamot niyo? Nakapag-insulin na po ba rin kayo?” tanong ng dalaga.

“Nakainom na ako ng gamot, apo. Huwag ka nang mag-alala,” sambit ng matanda habang pinapakita ang balot ng kanyang gamot. “Mamaya ay mag-iinsulin na rin ako. Umalis ka na, apo at baka mahuli ka pa riyan,” paalala niya.

Nagmamadaling umalis ng bahay si Janice. Nagtungo siya sa isang pampublikong unibersidad sa kanilang lugar. Buti na lamang at matataas ang kanyang mga nakuhang marka at hindi ganoong kataas ang kanyang matrikula.

Kumuha siya ng kursong accounting. Mura man ang kaniyang matrikula ay kinakapos naman siya sa pangastos at iba pang kailan sa paaralan tulad ng libro. Kaya madalas siyang nasa silid-aklatan upang magsaliksik ng mga aralin. Talagang pinagbuti ni Janice ang kanyang pag-aaral.

Advertisement

“Lola, naisip ko po. Para po hindi masyadong mabigat ang pag-aaral ko sa atin ay magwo-working student po ako. Pagkatapos po ng klase ko sa hapon ay pwede po akong matrabaho. Nang sa gayon ay makatulong din po ako sa inyo,” wika ng dalaga.

“Hindi, apo. Maganda naman ang takbo ng tindahan natin. Hindi mo na kailangan pang magtrabaho. Ang gusto ko ay nakapokus ka lamang sa pag-aaral mo. aba mahirap pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho. Saka baka kung maranasan mo nang kumita ng pera ay ayaw mo nang mag-aral,” paliwanag ng matanda.,

“Hindi po mangyayari ‘yan, lola. Kaya ko po gustong mag-aral ay para maparanas po sa inyo ang magandang buhay. Gusto ko pong ibalik sa inyo ang kabutihan nyo sa akin kahit na hindi nyo naman talaga ako kadugo,” wika ni Janice.

“Ano ka ba namang bata ka, hindi nga kita kadugo pero dito ka sa puso ko nanggaling. Bigay ka sa akin ng Panginoon. Pinapasaya mo ako. At dahil sa’yo ay nagkasaysay ang buhay ko,” naiiyak na sambit ni Aling Sima.

“O siya, tama na nga itong kadramahan natin, apo. Matulog ka na at maaga ka pa bukas. Hindi na ako makapaghintay na makita kang magtapos ng pag-aaral. Ipangako mo sa akin. Kahit anong mangyari ay hindi ka hihinto ng pag-aaral,” giit ng matanda.

Dahil sa pagmamahal na binigay sa kanya ng matanda ay hindi pinabayaan ni Janice ang kanyang pag-aaral. Nais niyang ibalik sa matanda ang pagtityaga na ginagawa nito sa kanya.

Isang araw ay pinuntahan ni Janice ang lola niya sa kanilang pwesto sa bangketa. Nais kasi niyang ipakita dito ang parangal na natanggap niya nang sumali siya sa isang quiz bee. Ngunit nang masipat niya ang matanda ay halos mamaos na ito sa pagmamakaawa na bilhin ang kanyang paninda. Maya-maya ay bigla na lamang bumuwal ang matanda.

Dali-dali siyang tumakbo upang tulungan ang kanyang lola. Sa tulong na rin ng mga nakakita ay naitakbo agad sa ospital ang matanda.

Advertisement

Nang magkamalay ito ay agad siyang tinanong ni Janice.

“Lola ang sabi nyo po ay malakas ang tinda nating tinapa?” naiiyak niyang sambit. “Ang sabi din ng mga doktor ay nagkaganito kayo sa pagod at malamang daw nila ay hindi nyo na iniinom ang gamot n’yo. Ano po ang totoo, lola?” patuloy ang dalaga sa pagtatanong.

Napabuntong hininga si Aling Sima. “Siguro nga ay wala nang punto kung magsisinungaling pa ako sa’yo. Hindi ganoon talagang kalakasan ang tinda nating tinapa, apo. Sinabi ko lang ‘yon para hindi ka na magdalawang-isip na pumasok sa kolehiyo,” sambit ni Aling Sima.

“Alam ko kasing hindi ka papayag kung malalaman mong ang pambili ko ng gamot ang inilalaan ko para sa pag-aaral mo. Patawarin mo ako kung nagsinungaling ako sa’yo. Gusto ko lamang ay matupad mo ang pangarap mo,” saad ng matanda.

Halos bumaha ng luha nang marinig ni Janice ang dahilan niya. Ang balot pala ng gamot na ipinapakita ni Aling Sima sa dalaga ay iisa lamang. Kung hindi niya hinahati ang kanyang gamot ay hindi na lamang siya iinom.

“Maraming salamat po, Lola. Hindi ko po alam kung paano ko po matutumbasan ang pagmamahal ninyo sa akin. Makakaasa po kayo na hindi po ako magpapabaya. Mahal na mahal ko po kayo!” sambit ni Janice habang yakap niya ang kanyang lola.

Dahil iginiit ni Janice na mag working student siya ay pumayag na rin ang matanda sa pangakong kahit kailan ay hindi ito makakaapekto sa kanyang pag-aaral. Tinupad ito ng dalaga.

Makalipas ang ilang taon ay nakatapos na rin ng kolehiyo si Janice ng may karangalan. Nang kumuha ito ng pagsusulit upang maging ganap na accountant at laking gulat niyang siya ang nanguna sa pagsusulit na ito. Laking tuwa ng maglola.

Advertisement

“Lubusan kitang pinagmamalaki, apo! Napakagaling mo!” wika ni Aling Sima.

“Hindi ko po ito mararating lahat kung hindi dahil sa inyo, lola. Utang ko po sa inyo ang lahat ng ito,” saad ng dalaga.

Tinupad ni Janice ang pangako niya sa kanyang Lola Sima na iaahon niya ito sa kahirapan. Hindi na ito nagtinda pa sa bangketa. Pinaranas niya sa matanda ang ginahawa ng buhay na nararapat sa kanila.

Tunay nga na walang pangarap na hindi makakamit sa tulong ng pagsisikap at panalangin. Mabuti na lamang at may Lola Sima si Janice na handang tumulong at umagapay sa kanya sa lahat ng oras.