Ang Kasiyahan ni Lola Elizabeth

“Kumusta, apo?” tanong ng matanda nang ilapag niya ang kaniyang gamit sa upuan.

Kakarating lamang ni Aya mula sa eskuwelahan kung saan siya nag-aaral. At ngayon ay nagtatrabaho siya sa isang institusyon na nag-aalaga ng mga nakakatanda upang tustusan ang kanyang pag-aaral.

Dito niya nakilala si Lola Elizabeth. Nakagaanan niya ng loob ang matanda ng husto. Apo ang tawag at turing nito sa kanya. Gayundin siya.

Isa itong matandang babae na bagama’t may pera ay pinili na manatili sa lugar na iyon. Ayaw kasi nito na maging mag-isa sa bahay.

Lahat kasi ng kamag-anak nito ay umalis na ng bansa at iniwan ito. Tila nakalimutan na ang matanda.

“Ayos lang po, ‘La. Kumain na po ba kayo?” tanong niya.

Ngumiti ito sa kanya, unti-unti ay umiling.

“Bakit po hindi pa kayo kumain?” tanong niya rito.

Advertisement

Tiningnan niya ang kabuuan ng kwarto. Sa lamesa ay nakapatong pa ang dalawang pagkain na naka-styrofoam.

“Hinintay kita siyempre at gusto kitang makausap, apo. May ibabalita ako sa iyo,” masayang sabi nito.

Nakuha nito ang kaniyang atensyon. Nang tingnan niya si Lola Elizabeth, ay halos kumikinang ang mata nito sa kasiyahan.

“Sige po, ayusin ko lang po para makakain na tayo,” sabi niya bago nila ituloy ang kwentuhan.

Habang inaayos ang pagkain ay hindi niya maiwasang isipin kung bakit ito ganito kasaya. Ano kaya ang nangyari?

“Kain na po tayo,” aya niya.

Umupo ito sa kaniyang harap. Gayundin siya. Maya’t-maya niya itong tinitingnan, hindi nawawala ang ngiti nito.

Palagi naman itong nakangiti, lalo na sa kanya ngunit iba ang isang ito.

Advertisement

“Kain ka ng maigi. Marami ‘yan,” sabi nito at nilagyan pa siya ng manok na himay-himay sa kanyang plato.

“Salamat po, ‘La.”

Ang huling beses itong naging ganito kasaya ay noong—

“La, binisita ka ba nila Kuya Andrew rito?” tukoy niya sa anak nito.

Sa ganoong paraan kasi ito sumasaya. Kaya iyon ang kanyang naiisip.

Umiling ito, nakangiti pa rin.

“Hindi apo. Pero binisita ako ng kapatid ko, si Elena. Dadalhin raw niya ako sa Amerika kung saan siya nakatira. Isasama niya raw ako.” Dinig sa boses nito ang labis na saya.

Samantalang siya ay bahagyang nalungkot. Ibig sabihin ay aalis ito. Hindi na niya makakasama.

Advertisement

“Amerika, ‘La? E ‘di maganda! Mas malapit ka na kila Kuya Andrew!” pinasigla niya ang boses ngunit nahalata nito.

“Ano’ng problema?”

Umiling siya. Siyempre, ayaw niyang hadlangan ang kasiyahan nito. Alam niya kasi na matagal nitong hinintay ang bagay na iyon. Lagi kasi nitong nababanggit ang mga katagang:

“Maiikli na lamang ang ilalagi ko sa mundo. Ang gusto ko na lang sa buhay, makasama ang mga mahal ko sa buhay.”

Kaya sino siya para humadlang?

“Kailan ka raw nila kukunin dito, ‘La? Ingat po kayo dun, ha!”

“Magkikita pa naman tayo, apo! Pangako ‘yan!”

Bago ito umalis ay iniwanan siya nito ng sulat, regalo at kung ano-ano pa. Hinatid niya ito sa airport.

Advertisement

Kitang-kita niya ang saya nito. Hindi niya makakalimutan ang ngiti nito. Alam niyang kahit ‘di nito sabihin ay labis ang tuwa nito na makikita nito at makakasama ang mga anak.

“Huy, Aya! Eto na hinihintay mo. Galing sa kartero.” Inabot ng kasamahang si Linda ang isang sobre.

Malawak ang ngiti niya. Sigurado siyang kay Lola Elizabeth iyon galing.

“Salamat!”

Buwan-buwan itong nagpapadala ng mga litrato. Kita niya sa mga litrato kung gaano ito kasaya, makasama ang mga anak at mga apo sa iba’t-ibang lugar.

“Mag-iingat ka lagi diyan, apo! Ang saya-saya ko rito, sana ikaw rin. Malapit na tayong magkita, nararamdaman ko.”

Kunot ang kanyang noo sa huling bahagi ng sulat nito. Bakit? Uuwi na ba ito sa Pilipinas?

Paano sila magkikita?

Advertisement

Malapit na ang Pasko? Iyon kaya ang ibig sabihin?

Ilang buwan ang lumipas, at naging madalang ang padala nito. Hanggang sa tuluyan nang mawala.

“Kamusta ka na kaya, ‘La?” Iniisip na lamang niya na hindi ito pababayaan ng kaniyang mga anak.

Sumapit ang Disyembre. Nabalitaan niyang umuwi ang buong pamilya. Pagkarating niya pa lamang ay sinalubong siya ng mga kapwa kawani na mga nakaputi.

“Punta kami kay Lola Elizabeth? Sama ka?”

Tumango siya bilang sagot. Kinabahan. Mas tumitindi hanggang sa marating ang bahay nito.

Sa labas ay mga puting sasakyan, puting bulaklak, nakaputing mga bisita at puting ataul. Naintindihan niya agad ang nangyari.

Tumulo ang kaniyang luha sa pagluluksa. Wala na si Lola Elizabeth.

Advertisement

“Aya? Ikaw ba si Aya?” nakilala niya si Ate Sanya.

Ang isa pang anak ng lola na madalas niyang makita sa mga litrato. Sa likod ay si Kuya Andrew. Niyakap siya ng mga ito.

“Nagsisisi kami. Hindi namin napansin na nanghihina na si Mama. Puro kami trabaho, napabayaan namin siya. Hindi man lamang namin siya napasaya kahit na minsan sa buhay niya,” ani Ate Sanya na umiiyak.

“Buti ka pa, Aya. Mas naging anak ka pa sa kanya, kaya maraming salamat.”

Nagpatuloy ang mga ito sa pag-iyak. Unti-unti ay umiling siya at inilabas ang mga litrato na ipinapadala ni Lola Elizabeth buwan-buwan.

“Hindi po, hindi ako naniniwala. Alam ko pong masaya si Lola. Napasaya nyo siya sa mga huling oras ng buhay niya. Alam ko na masaya siyang umalis.”

“Tingnan niyo po, palagi niya kong sinusulatan. Pinapadalhan ng mga litrato. Nakasulat kung gaano siya kasaya na makakasama niya kayo, hindi mapapantayan ng kahit na ano. Mahal na mahal po kayo ni Lola Elizabeth,” paliwanag niya at mas lalong umiyak ang mga ito.

Sinilip niya si Lola mula sa pagkakahimlay. Ang labi nito ay bahagyang nakangiti. Mas lalo siyang napanatag.

Advertisement

Tama si Lola, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa pamilya. Alam niyang masaya ito sa kung saan man ito naroroon.