Ang Dakilang Anak

“Jill, tingnan mo si Mayumi. Kung maglakad akala mo hinahabol ng sampung kabayo,” natatawang inginuso ni Elsa ang kanilang si Mayumi sa kaibigan.

“Oo nga, makakasalubong niya si Boss pero para walang nakikita!” nakatawang sabi ni Jill nang malingunan ang tinuturo ng kaibigan.

Patuloy nagtsismisan ang magkaibigan hanggang sa dumating na lang ang oras ng tanghalian.

Isa isang nagtayuan ang kanilang mga katrabaho para lumabas o pumunta sa cafeteria para mananghalian.

Nang mapatapat sila sa cubicle ni Mayumi ay namataan nila itong may sinusulat na kung ano sa isang planner. Sa lamesa nito ay may nakapatong na sandwich at kape, na tila magiging tanghalian na ng dalaga.

“Mayumi, sabay ka na sa amin mag-lunch?” magiliw na paanyaya ni Elsa sa katrabaho.

“Naku, hindi, ayos lang ako, mauna na kayo. Salamat sa paanyaya.” May munting ngiti sa labi ni Mayumi nang tanggihan ang paanyaya ng katrabaho.

“Tara na, mula nang magtrabaho ka rito e parang hindi ka pa naming nakakasabay mag-lunch.” Sulsol naman ni Jill, na nasa tabi ni Elsa.

Advertisement

“Pasensiya na talaga, nagtitipid din kasi ako ngayon,” nakangiwing sabi ni Mayumi.

Unti-unti nang nakadarama ng pagkapikon si Elsa ngunit hindi niya ipinahalata. “Ilibre ka na lang namin?” May alanganing ngiti sa mga labi nito.

Nanlaki ang mata ni Mayumi sa sinabi ng katrabaho. “Naku, hindi! Hindi na kailangan! May ginagawa talaga kasi rin ako, kaya kayo na lang ang lumabas.” Tila pinal na ang desisyon ng dalaga kaya naman wala na silang nagawa.

“Nakita mo ‘yun, Jill? Wala siyang pakisama! Ang ayos-ayos ng paanyaya natin, niyaya pa natin na ilibre siya pero tinanggihan niya pa rin!” naiinis na himutok ni Elsa sa kaibigan.

“Hayaan mo na. Pakiramdam ko ay may ginagawa talaga siya kasi ‘di ba may ginagawa siya nung dumaan tayo?”

“Gaano ba kaimportante yung ginagawa niya at talagang ipinahiya niya pa ako, na inaaya lang naman siya mananghalian!” nanggagalaiti pa rin si Elsa habang papasok sila ng cafeteria.

Samantala, napabuntong-hininga naman si Mayumi nang matapos ang pagka-kalkula na ginagawa.

Mukhang kailangan ko pa ng sampung libo para mabili ang mga gamot na inireseta ng doktor kanina. Iyon ang nasa isip niya habang kumakagat sa sandwich na baon niya.

Advertisement

Alas singko ng hapon.

Nagkayayaan silang magkakatrabaho na lumabas dahil araw ng Biyernes at walang pasok kinabukasan.

“Jill, pustahan tayo, hindi sasama ‘yan si Mayumi,” bulong ni Elsa sa kaibigan.

Tila naiinis naman na bumaling sa kanya si Jill. “Alam mo para kang tanga. Pabayaan mo nga ‘yung tao. Hindi niya naman dapat problemahin pa ‘yan kasi hindi na naman parte ‘to ng trabaho niya.”

Natahimik sandali si Elsa. Napagtanto na may punto ang kaibigan. “Pero, ‘di ba mahalaga na nakikisama ka sa mga katrabaho mo?” Pagkontra niya maya-maya.

Ito naman ang panandaliang nanahimik. Alam na may punto rin siya.

“O, tara na! Mag-relax tayo dahil Biyernes ngayon! Si Mayumi lang ang papayagan kong hindi sumama, ha? Lahat tayo ay lalabas.” Tila pinal nang sabi ng kanilang boss, habang binibigyan ng tila nakakaunawang tingin si Mayumi, bagay na ipinagtaka ng magkaibigang Jill at Elsa.

“Enjoy kayo,” kiming sabi ni Mayumi na naghahanda na din sa pag-uwi.

Advertisement

“Mayumi, bakit ‘di ka sasama? Lagi ka na lang wala kapag may ganitong bonding tayo,” mahaderang bigkas ni Elsa.

“Naku, Elsa, napaka-usisera mo talaga! Tayo na’t lumabas!” Napailing na lang ang kanilang boss.

Si Mayumi naman ay malungkot na naiwan sa opisina habang iniimis ang kaniyang gamit.

Sabado ng umaga. Nasa ospital si Elsa upang dalhan ng gamit ang kaniyang kapatid na nars.

“Ate, magpahinga ka naman. Baka ikaw ang magkasakit niyan, halos hindi ka na umuuwi sa bahay,” nag-aalalang sabi ni Elsa sa kaniyang nakatatandang kapatid.

“Elsa, okay lang. Nag-eenjoy naman ako sa trabaho. Oo, nakakapagod pero fulfilling naman ang trabaho ko,” nakangiting sabi ng kanyang ate.

Naagaw ng isang pamilyar na babaeng pumasok sa isang silid ang kanyang atensiyon.

“Si Mayumi ba ‘yun?” Wala sa loob na nabanggit niya, na umabot sa pandinig ng kaniyang kapatid.

Advertisement

“Kilala mo si Mayumi?” kunot-noong tanong ng ate niya.

“Katrabaho ko siya. Kilala mo si Mayumi?” balik tanong niya.

“Oo. Magdadalawang taon na yata siyang pabalik-balik dito. Comatose ang mga magulang niya rito.”

Nanlaki ang mata ni Elsa sa narinig. Hindi inaasahan na may ganitong kinakaharap ang katrabaho.

Kunsabagay, wala naman akong alam tungkol kay Mayumi maliban lang sa pangalan niya. Napagtanto niya.

Sinilip niya ito sa kwarto at nakita niya ang paghawak nito sa kamay ng matandang babaeng natutulog at maya-maya ay tila nagpunas ito ng luha.

Lumabas ito ng silid at huli na para makapagtago si Elsa. Ayaw sana niyang malaman ni Mayumi na alam na niya ang sikreto nito. Nagulat na lamang ang dalaga nang makita siya nito sa labas ng pinto.

“Naaksidente ang mga magulang ko 2 years ago,” pagsisimula ng dalaga.

Advertisement

“Sabi ng doktor ay may limang porsyentong tiyansa raw para magising sila mula sa pagkaka-comatose. Elsa, kung may kahit isang porsyentong tiyansa lang sila para mabuhay, hindi ko ‘yun pagkakait sa kanila. Ako lang ang meron ang mga magulang ko. Kaya patuloy akong lumalaban para sa kanila,” umiiyak na ito nang magkwento.

“Paano mo nagagawang magbayad sa ospital? Sigurado akong napakalaki ng ginagastos mo rito, at hindi sasapat ang sweldo natin,” tanong ni Elsa.

“Madami akong pinagkakakitaan. Kaya nga halos wala talaga akong oras pagkatapos ng office hours.”

“Bakit naman hindi mo man lang kinukwento na ganito pala katindi ang pinagdaraanan mo?” naguguluhang tanong ni Elsa kapagkuwan.

“Ayoko rin naman kasi na may nadadamay pa sa problema ko. Alam ko naman na may kanya-kanya tayong pinagdaraanan,” sagot nito.

Naantig naman ang damdamin ni Elsa sa nalaman kaya naman napaiyak na rin siya. Sising-sisi sa mga panghuhusgang nagawa sa katrabaho. Napakadakila ng ginagawa nito para sa magulang para husgahan.

Natutunan na hindi niya dapat kwestiyunin ang kahit na sino kung hindi niya alam ang buong pinagdaraanan nito.