Inday TrendingInday Trending
Manloloko, Naloko!

Manloloko, Naloko!

“Online seller.” ‘Yan ang sagot ni Beth kapag may nagtatanong kung ano raw ba ang trabaho niya at tila ang alwan-alwan ng kaniyang buhay.

Sa edad na 25 ay nakapagpatayo na si Beth ng kaniyang sariling bahay. May sarili na rin siyang kotse. May kaunting ipon sa bangko. At ang pinakamahalaga sa lahat, hindi niya na pinoproblema kung saan siya kukuha ng kakainin niya sa araw-araw.

Ngunit hindi ordinaryong online seller si Beth. Isa siyang pekeng online seller. Samakatuwid, isa siyang manggagantso.

Simple lang ang proseso. Nagtatago siya sa pangalang “Bernadette Crisostomo,” hindi niya tunay na pangalan. Kino-contact siya ng mga interesado bumili ng “orihinal pero mura” na gadget. Kadalasan, ang nabibiktima eh ‘yun ding mga gusto makalamang. Kumbaga, ‘yung mga kumakagat sa napakamurang deal kahit na alam nila ang tunay na presyo ng gadget na gusto nila.

Matapos pag-usapan ang detalye ng gadget na kanyang “ipapapadala,” ang sumunod na hakbang ay kuhanin ang partial payment. Kadalasan ay kalahati, pero may mga pumapayag na buong bayad ang ipadala. Matapos niyang makuha ang bayad, ang kailangan niya na lang gawin ay i-block ang bumibili para hindi na ito makapagreklamo.

“Easy money.” ‘Yun lagi ang nasa isip ni Beth sa tuwing kumukuha ng pera na ipinadala sa kanya.

“Hindi ka ba natatakot na baka ma-karma ka?” Iyan ang tanong na madalas niyang marinig sa kapatid. Sa kasamaang palad, aksidente nitong nalaman ang kanyang sikreto nang minsang maiwan niya ang kaniyang cellphone sa bahay nito.

“Sus, marami namang mas masasama pa sa akin. Baka hindi naman ganun kabigat ang karma ko,” ang lagi niyang isinasagot dito.

Nakangiti si Beth nang matanggap ang panibagong pera na ipinadala ng isa niyang kliyente. Nagkaroon siya ng sampung libo ng ganun-ganun na lang.

Ilang sandali lamang ay nakita niya ang chat ng kanyang kliyenteng nagngangalang “Grace.”

Grace: Natanggap niyo na po yung pera?

Hindi niya na sinagot ito at agad nang binlock ito sa kaniyang chat box.

Nakikipag-chat siya sa tatlo pang kliyente nang may isang pamilyar na pangalan ang nag-text sa kanya. Si Ellie Naval. Ang kanyang kaibigan slash kaaway nung high school.

Unknown number: Beth! Si Ellie Naval ‘to. Nakuha ko number mo kay Trish. Kumusta ka na?

Kaibigan niya ito kung tutuusin. Subalit may mga pagkakataon na sinusubok nilang higitan ang isa’t isa. Hindi kasi sila nagkakalayo. Pareho silang maganda at laging nasa itaas ng academic ranking noon. Nireplyan niya ito.

Beth: Ayos naman. Ikaw, kumusta ka na?

Ellie: Okay naman! Hindi na tayo nagkita after college eh. Nagpa-plano akong mag-business. Balita ko successful ka raw sa online selling, ah? Bigyan mo naman ako ng tips!

Napangisi si Beth. Ito na ang kanyang pagkakataon para maipakita rito na mas successful siya kaysa rito!

Beth: Oo naman. Magkita tayo, para naman makapagkwentuhan na rin.

Ellie: Gusto ko ‘yan! Saka may favor din pala akong hihingin sayo. 🙂

Napagdesisyunan nilang magkita ng sumunod na araw.

“Bethany! Ang ganda mo lalo!” Agad siya nitong sinugod ng yakap, mukhang totoo namang tuwang-tuwa sa muli nilang pagkikita makalipas ang mahabang panahon.

Napansin niya na hindi na ito ang Ellie na kilala niya na maluho sa katawan. Napaka-simple na lamang nito. Hindi kagaya niya, na halatang mamahalin ang mga suot mula ulo hanggang paa. Kung susumahin, parang nagbaliktad na ang kanilang posisyon.

“Ellie, kumusta ka na? Nag-iba na ang aura mo,” puna niya agad dito.

“Hindi na kasi ako maluho kagaya ng dati. Alam mo na, nag-iipon nga ako para sa aking negosyo,” nakangiting paliwanag nito.

Madami pa silang napagkwentuhan. Maya-maya ay naalala niya ang sinabi ng kaibigan.

“Ano pala yung favor na hihingin mo?” Interesado niyang tanong dito.

“Ah…” tila bigla itong nag-alinlangan. “Naku, naisip ko bigla na ‘wag na lang pala. Nakakahiya sa iyo.” Mas lalo siyang na-kuryoso.

“Ellie, ano nga?” Inip na pilit niya rito.

Mabagal itong nagpaliwanag. “Kasi gusto ko sana mag-loan sa bangko. Kaso laging denied kasi hindi raw sapat yung assets ko. Papayagan daw ako kung mayroon akong co-applicant.”

“So, kung pwede akong maging co-applicant? Pero hindi ko naman kailangan ng pera,” mayabang niyang bitaw ng salita.

Tila napahiya kausap. Sandaling nag-isip si Beth. Wala namang masamang tumulong sa nangangailangan ‘di ba? Sige, baka pwede pambawas ng kasalanan.

Huminga si Beth ng malalim. “Sige, pero hindi ako kukuha ng pera. Ikaw lang ang magbabayad pati ng interes, malinaw?”

Matamis na napangiti ang kausap. “Salamat, Beth!” Lumapit pa ito sa kanya at mahigpit siyang niyakap.

Mukhang desidido talaga si Ellie na mangutang sa bangko dahil dala na nito ang mga dokumento na kailangan nilang sagutan at ipasa.

“Hindi ka naman nagmamadali, ano?” natatawang tanong niya sa kaibigan.

Umilap ang mga mata nito, bagay na ipinagtaka niya. “Gusto ko na kasi talaga magsimula ng negosyo.” Narinig niya sabi nito habang pumipirma siya sa mga papeles.

Kinabukasan din ay nagpunta sila sa bangko at mabilis na inaprubahan ang loan na nagkakahalagan ng isang milyon.

“Maraming salamat talaga, Beth, ha?” nakangiting sabi ni Ellie nang matanggap nito ang mensahe nai-deposito na daw sa account nito ang pera.

Mabilis na lumipas ang mga araw. Isang umaga ay nakatanggap si Beth ng mensahe mula sa bangko. Magbayad na raw para sa buwan na iyon.

Nalimutan ba ni Ellie na magbayad? Yun ang nasa isip niya habang tinatawagan ang kaibigan.

Nang hindi niya ma-contact ay sinubukan niya i-chat ito ngunit sa kanyang pagkabigla ay b-in-lock siya ng kaibigan. May bumundol na kaba sa kanyang dibdib dahil sa pagiging pamilyar ng sitwasyon ngunit hindi niya ito pinansin.

Nang hindi makontak si Ellie ay pinuntahan niya na ang apartment na inuupahan nito.

“Hija, umalis na si Ellie. Nung nakaraang linggo lang ang flight niya papuntang New York.”

Tila gumuho ang mundo ni Beth sa sinabi ng landlady ni Ellie. Napaupo siya sa may kalsada habang pinoproseso ang impormasyong nakalap.

Sunod niyang pinuntahan ang bangko upang magtanong sa responsibilidad niya bilang co-applicant sa utang ni Ellie.

Nanlumo siya sa sinabi ng ahente. Kung wala raw si Ellie ay siya ang magbabayad. Ipinakita pa nito ang dokumento na may pirma niya.

Kung hindi daw mababayaran ay kukunin ang kanyang bahay at kotse bilang kolateral.

Mapait na napangiti si Beth habang pauwi sa kanyang bahay. Na malapit nang mawala sa kanya.

“Ito pala ang pakiramdam ng niloko,” bulong niya. Nang mga sandaling iyon, siguradong-sigurado siya na iyon ang karma niya. Totoo pala na ang lahat ng ginawa mo babalik sa’yo. Nang triple.

Advertisement