Sakit-sakitan Lang

Ilang beses nang nararamdaman ni Loisa ang pagkirot ng kaniyang dibdib. Dahil hindi naman ito sanay at mahilig magpatingin sa doktor ay ipinagsasa-walang bahala na lamang ito ni Loisa, at madalas ay pinapahiran na lamang niya ng mga iba’t-ibang klase ng ointment upang mamanhid ito at pansamantalang mawala ang sakit.

Madalas din ay kinakapos na sa paghinga ang dalaga. Aminado naman kasi ito na medyo may kabigatan at kalakihan ang kaniyang katawan, kaya naiisip nito na baka dahil sa kaniyang katabaan kaya niya ito nararamdaman. Mahilig pa itong uminom ng matatapang na kape, na maari rin maging sanhi na kaniyang nararamdaman.

Ngunit kahit bumabagabag ito sa isip ni Loisa, mas pinili pa rin nitong hindi magpatingin sa doktor at sinubukan na lamang iwasan ang mga pagkain at inumin na sa tingin niya ay bawal para sa kaniya. Ngunit tila likas sa mga tao ay magpabaya, matapos ang isang linggo ng pagda-diet ni Loisa, nanumbalik na naman ito sa dati niyang gawain. Kanin dito, kanin doon, taba dito, karne doon, kape dito, alak doon, at halos paulit-ulit lamang nitong pinapabayaan ng kaniyang sarili. Nangangamba na tuloy ang kaniyang mga kaibigan at kamag-anak.

“Loisa, hinay-hinay lang sa kanin at taba. Tandaan mo, lahat ng sobra ay nakakasama,” payo ng isa niyang kaibigan.

Hanggang sa isang araw nang ma-late ito sa trabaho, tinakbong mabilis ni Loisa ng pagpunta sa kanilang building mula sa gate na kaniyang binabaan. Pinilit ni Loisa na tumakbo nang tumakbo, at nang matagumpay nga itong nakaabot, napaupo na lamang ito sa kaniyang upuan sa opisina at pilit na pinakalma ang sarili. Nagpaypay at uminom na ito ng tubig, ngunit napansin nito na hindi bumababa ang pagtibok ng kaniyang puso at mas lalo pa siyang hinihingal.

Unti-unti ay bumibilis ang tibok ng puso ni Loisa at kinakapos na ito ng paghinga. Napapahawak na si Loisa ng mahigpit sa kaniyang dibdib dahil sa labis na sakit, at buti na lamang ay napansin siya ng isa sa kaniyang mga katrabaho. Agad itong nagpatawag ng emergency at sinubukan ng mga katrabaho niya na tulungan siya, ngunit para bang may nakabara sa dibdib ni Loisa kaya hirap na hirap itong humihinga, unti-unti nang nanghihina ang katawan ni Loisa.

“Loisa, nandito na ang emergency, ‘wag kang pipikit,” eto na lamang ang mga salitang naririnig ni Loisa.

“Loisa…”

Advertisement

“Huwag kang matutulog, Loisa!”

Hindi na maalala ni Loisa ang mga sumunod na nangyari. Nagulat na lamang ito nang magising at nakita niya ang kaniyang sarili na nasa emergency room ng ospital at nakahiga sa isang kama dito. Nasa tabi niya ay ang kaniyang nanay at tatay natila ba inaabangan ang paggising niya.

“Loisa, anak! Buti naman at nagkamalay ka na. Dok! Dok!” sigaw ng nanay ni Loisa.

“Anak…” tawag sa kaniya ng kaniyang ama.

“Buti at nagising ka na…” patuloy na sabi ng ama.

Nang magising, dito niya nalaman na dalawang araw na pala siyang walang malay. Natuklasan ng doktor na mayroon sakit sa puso si Loisa at mas lalo itong pinapalala ng maling pag-aalaga ni Loisa sa kaniyang sarili.

Habang nakikinig sa doktor, kitang-kita ni Loisa ang labis na pag-aalala ng kaniyang magulang sa kaniya. Bakas sa mga mukha ng mga ito na wala pa silang tulog. Awang-awa si Loisa sa kaniyang mga magulang. Dalawang linggo pa ang tinagal bago tuluyang nakalabas ng ospital sina Loisa, at talagang malaki ang kanilang nagastos. Hindi man sabihin sa kaniya ng mga magulang niya, ramdam niya ang paghihirap na nararamdaman ng mga ito.

Randam din ni Loisa ang pagbabago sa kaniyang puso, alam niyang hindi na ito normal.

Advertisement

Kaya kinailangan ni Loisa na baguhin ang kaniyang sarili. Nagsimula itong mag-ehersisyo at mag-diet. Kahit mahirap para sa kaniya na isuko ang mga nakasanayan, kailangan niya itong gawin. Kung ‘di ay baka maulit na naman ang ganitong pangyayari na maaring tuluyan ng bawiin ang kaniyang buhay mula sa kaniyang mga minamahal.

Minsan talaga, kailangan na malagay ang tao sa peligro at alanganing sitwasyon bago ito nagigising at nagbabago. Pero hindi ba mas maganda kung sa una pa lamang ay maagap na at handa? ‘Yan lagi ang umiikot sa isip ni Loisa ngayon, dahil ito ang nagsilbing aral sa kaniya upang mas pahalagahan ang ngayon para maging handa sa hinaharap.

At kahit na paulit-ulit na lamang na maririnig ang katagang ito, palaging na ngayon pinapaalala ni Loisa sa kaniyang sarili at sa ibang tao na ang kalusugan ay ang ating unang yaman.