Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Mapanakit na Manikurista! - Inday Trending

Mapanakit na Manikurista!

Papilay-pilay na naglalakad si Aling Baby papasok ng kaniyang bahay. Napapahawak pa nga ito sa kaniyang bahay at napapahinto, tila may iniindang sakit.

“Oh, ‘nay! Bakit nakalamukos ang inyong mukha at ganiyan ka kung maglakad?” tanong ng panganay niyang anak na si Marie.

“Ay naku! Napalinis ako ng kuko doon sa parlor na nadaanan ko. Ay grabe kung kumutkot ng mga singit-singit ng kuko, nagsusugat. Tingnan mo ang paa ko,” umiindang kwento ni Aling Baby sa kaniyang anak.

Bigla naman lumabas ang anak nitong lalaki na si Dan at nakita rin ang papilay-pilay niyang paglalakad.

“Bakit naman po ganiyan kayo maglakad?” nagtatakang tanong ni Dan.

“Naku! Naku! Masakit ang mga daliri ko!” naiinis na sagot ni Aling Baby. Umupo ito sa salas at namahinga na lamang.

Agad naman siyang inabutan ng inumin ni Marie, habang si Dan naman ay patuloy na inaasar ang kaniyang ina.

“Ayan kasi ‘nay! Pa-manicure at pedicure pa more!” nang-aasar na sabi ni Dan sa kaniyang ina, para ngumiti na ito at malimutan ang sakit.

Napapangiti naman si Aling Baby sa pangaasar ng kaniyang anak.

“Tiis ganda ka diyan, ‘nay!” dagdag na biro naman ni Marie.

Hanggang sa dumating ang kumare ni Aling Baby na si Aling Berta.

“Bebang!” malakas na hiyaw ni ni Berta sa labas ng kaniyang bahay.

“Bakit, Berta?” pasigaw din na sagot ni Aling Baby.

Nang makapasok sa loob ng bahay ni Aling Baby ay niyaya siya ni Berta na magpunta sila sa Divisoria upang mamili. Ngunit tinanggihan niya ito dahil alam niyang hindi niya kakayanin.

“Hay, nais man kitang samahan kaso tingnan mo naman ‘tong mga daliri ko sa paa, puro sugat. Bwisit kasing manikurista ‘yon, hindi na ako magpapalinis doon,” pagkukuwento ni Aling Baby sa kaibigan.

“Hala! Ang lala naman niyan! Imbes na mapula sa mertayuleyt ‘yan, naging dugo ang pampapula!” biro ni Aling Berta.

Bigla naman itong napakwento dahil sa mga sugat ni Aling Baby.

“Naku, Bebang! Mag-iingat ka sa pagpapalinis mo ng kuko, lalo na sa hindi mo kilala. Pwede kang mahawa ng kung ano man sakit. Isipin mo na lang, paano kung yung naunang customer bago ikaw ay nasugatan din, tapos may nakakahawa pala itong sakit na pwede mapasa gamit ang dugo? Edi kung hindi nililinis ng manikurista ang gamit niya, sa oras na ginamit niya sayo ‘yon, mahahawa ka,” pagkukuwento ni Aling Berta kay Aling na tila ba tinatakot niya ito.

“Oo nga ‘no? Totoo ba yan?” takot na tanong ni Aling Baby.

“Ay naku! May nabalita nang ganiyan,” sagot naman ni Aling Berta at nagpaalam na aalis.

At nang makaalis ang kaibigan ay hindi mapigilan ni Aling Baby ang mag-alala para sa kaniyang sarili. Pero pilit pa rin naman siyang pinapakalma ng kaniyang mga anak. Lumipas ang magdamag at hindi pa rin mawaglit sa isip ng matanda ang kinuwento ng kaniyang kaibigan.

Mas lalo tuloy itong natakot nang gumising siya na inaapoy na ng lagnat. Sa takot niya at ng kaniyang mga anak ay agad silang nagtungo sa ospital upang magpatingin sa doktor.

Ayon sa doktor ay labis na pagkapagod at stress lang ang sanhi ng lagnat ni Aling Baby dahil wala namang malalang sintomas na makikita sa kaniya. Ngunit dahil nangangamba pa rin siya, ikinuwento ni Aling Baby sa doktor ang tungkol sa kaniyang mga daliri sa paa. Bakas sa mga mukha nito ang labis na pag-aalala at takot.

Kaya kahit na hindi naman kailangan, dahil lagnat lang ang sakit ni Aling Baby, nirekomenda na ng doktor na mapatest siya ng dugo at iba pang mga laboratory test, upang makasiguro at makalma ang kaniyang sarili.

Sinunod naman nila ang mga nirekomendang lab test ng doktora at matiyagang naghintay ng resulta.

“Aling Baby, ito na po ang mga resulta ng mga ginawa nating tests sa iyo. Lahat naman po ay maayos at sa katunayan nga po ay ako’y natutuwa at malusog po kayo. Sanhi lang po ang labis na pagkapagod kaya kayo po ay nilagnat,” paglalahad ng butihing doktor.

“Pero para hindi na po kayo mag-alala pa, at baka mas lalo kayong hindi gumaling, bukod sa gamot niyo po sa lagnat bibigyan ko po kayo ng antibiotic upang maiwasan po natin na maipeksyon ang mga sugat niyo sa daliri. Iwasan rin po natin na mabasa ng tubig, dahil mahirap na po na magkaroon na leptospirosis,” bilin ng doktor.

Sinunod naman ni Aling Baby ang mga bilin ng doktor at nag-ingat upang hindi maimpeksyon ang mga sugat sa paa. Nagsilbing aral naman sa kaniya ang pangyayaring ito, na hindi lang dapat puro pagpapaganda ang ating tinututukan, importante rin ang pag-iingat para sa kalusugan. Mula noon ay binilhan ni Aling Baby ang anak na babae ng gamit sa paglilinis ng kuko, at siya na lamang ang taga-linis nito upang makasiguro na magiging malinis at maingat ito.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.