Inday TrendingInday Trending
Tulay ang Babaeng Ito sa Magkasintahang Kaibigan, Ngunit nang Dahil sa Alak ay Magugulo ang Kanilang Buhay

Tulay ang Babaeng Ito sa Magkasintahang Kaibigan, Ngunit nang Dahil sa Alak ay Magugulo ang Kanilang Buhay

“Miss na miss na kita, Apple. Kailan ba tayo magkakasama ulit?” tanong ni Alfred sa babae na kausap sa skype.

“Isipin mo nalang na ginagawa ko ito para sa future natin,” baling naman ng dalaga.

“Basta ang pangako natin sa isa’t-isa ang hindi maaring magbago ha. Tayo dapat hangang dulo,” dagdag pa ng dalaga saka niya hinalikan ang screen ng telepono at ganoon rin naman si Alfred bago natapos ang pag-uusap ng dalawa.

Halos mag dadalawang taong nang LDR ang relasyon ng dalawa. Dahil na rin sa matinding hirap ng buhay kaya napagpasyahan ni Apple na sa ibang bansa magtrabaho at iwan ang kaniyang buong pamilya at ang pinakamamahal niyang nobyo.

Sasama sana si Alfred ngunit mas nanaig sa kaniyang puso ang pagtuturo, guro ang lalaki sa isang malaking unibersidad dito sa Pilipinas.

“Alfred, tapos na ba kayong mag-usap ni Apple? Tara na kain na tayo, pinagluto kita ng kare-kare,” nakabungisngis na alok naman ni Lotlot, ang matalik na kaibigan ng magkasintahan.

“Mabuti na lang talaga at si Apple lang ang nag-ibang bansa at naiwan ang pinakasweet kong kaibigan!” baling naman ni Alfred sa dalaga sabay yakap dito.

Parehas na guro ang tatlo ngunit dahil nangibang bansa si Apple ay naiwan na lang silang dalawa. Labis na naging malapit si Alfred sa kaibigan dahil bukod sa ito ang naging tulay sa kanilang pag-iibigan ni Apple dati at siya pa rin ngayon ang nagiging tulay sa mga sorpresa o away ng dalawa.

“Nako! Mamaya mo na ako yakapin at kumain na tayo! Gutom na ako!” taboy naman ng dalaga sa nakapulupot na lalaki sa kaniya.

“Alfred, may kailangan ka nga palang malaman,” seryosong wika ni Lotlot sa lalaki.

“Buntis ako,” dagdag pa ng babae.

“Hindi mo ako kailangang panagutan dahil alam kong mahal mo si Apple, sinasabi ko lang sa’yo ‘to para alam mo. ‘Yon lang, ayokong makagulo sa inyo,” nakayukong saad ng babae.

Hindi nagsalita si Alfred sa narinig at tumayo ito para yakapin si Lotlot. Minsan kasing may nangyari sa dalawa noong sila’y nalasing at ito na nga ngayon, nagkabunga ang isang gabing hindi na nila maibabalik.

Ipinagpatuloy ni Lotlot ang kaniyang pagbubuntis at walang pagbabagong naganap sa pagkakaibigan nilang dalawa ni Alfred, parang walang nangyari at parang walang paparating na responsibilidad sa kanilang dalawa. Hinahayaan lamang nila ang oras at panahon na lumipas.

Pinili rin nilang hindi ipaalam kay Apple ang nakaabang na malaking sorpresa dahil ginalang niya ang desisyon ni Alfred na ipaalam na lamang sa pag-uwi ni Apple sa susunod na taon.

Hangang sa nakapanganak na si Lotlot at isang itong malusog na batang lalaki.

“Ayos lang Alfred, hindi mo kailangang umiyak. Matagal na naming tanggap ni Adam na ganito ang magiging sitwasyon natin,” wika ni Lotlot sa lalaki habang tinititigan nito ang kaniyang anak na nakatabi sa babae, halos limang oras pa lang ang nakakalipas matapos manganak ni Lotlot.

“Adam ang pinangalan mo sa kaniya?” tanong ng lalaki.

“Oo sana, bakit may gusto ka bang pangalan?” balik na tanong ni Lotlot sa lalaki.

“Wala naman. Adam, napakagandang pangalan,” aniya sabay upo ng lalaki sa tabi nila at hinawakan ang pisngi ng bata saka hinalikan. Palihim namang pinunasan ni Lotlot ang kaniyang luha.

Hindi niya lubos maisip na ganito ang kakahantungan ng kaniyang puso, ng kanilang pagkakaibigan. Kahit pa nga magmaka-awa siya ay alam niyang hindi niya basta-basta mababago ang tibok ng puso ng lalaki at mas inaalala pa nga niya ang magiging reaksyon ni Apple kapag nalaman ang pangyayaring ito.

Ayaw man niyang aminin sa ibang tao ngunit matagal na niyang gusto si Alfred, dati pa man ay may lihim na siyang pagtingin dito pero hindi niya ipinaglaban iyon at mas pinili ang maging tulay at magmahal ng hindi nalalaman ng ibang tao.

Lumipas ang tatlong buwan at nakabawi na ng lakas si Lotlot, hindi naman nagkulang sa pagiging ama si Alfred sa kanilang anak at hindi rin nasira ang kanilang pagkakaibigan.

“Lotlot, susunduin ko si Apple ngayon sa airport,” saad ni Alfred sa babae.

“Matagal na akong handa Alfred,” nakangiting sagot ni Lotlot sa binata at nagulat siyang bigla lumapit ito sa kaniya at hinalikan siya sa noo, pinigilan niya ang pag-agos ng mga luha sa kanyang mata.

“Mahal kita Lotlot,” huling katagang binitiwan ni Alfred saka umalis.

Nanatiling nakangiti si Lotlot habang tinitingnan ang pag-alis ng lalaki.

Halos dalawang buwan rin siyang walang narinig sa dalawa at inaasahan na niya ito. Nag-aantay na lamang sa isang tawag o text kung paano siya mumurahin o paano matatapos ang pagkakaibigan ng tatlo. Kaya naman halos tumalon ang puso niya ng tumunog ang kaniyang espesyal na ringtone na nakalaan lamang para sa numero ni Apple.

“Lotlot! Ikakasal na kami ni Alfred sa susunod na linggo. Aasahan ko ang pagpunta mo, alam ko na ang lahat,” text ni Apple sa kaniya. Napalunok siya ng laway at napangiti.

“At least Lotlot, ayos sila ‘di ba. Magpapakasal pa nga kaya abswelto ka na. Hindi ka naman maghahabol at pupunta ka roon para sa pagkakaibigan.

Nag-ayos ang dalaga at kasama ang kaniyang anim na buwang sanggol ay nagpunta sila sa binigay na address ni Apple. Naabutan niyang naka-ayos na ang lahat at inaantay na lamang na magsimula ang sermonyas nang matanaw niya ang kaniyang kaibigan sa di kalayuan. Agad itong ngumiti sa kaniya na nakapagpawala naman ng kaniyang kaba.

“Namiss kita!” yakap ni Apple sa babae.

“Ito ba si Baby Adam? Kamukhang-kamukha naman pala talaga ni Alfred oh,” dagdag pa ng babae sabay buhat sa bata.

“Sorry, Apple,” mahinang wika ni Lotlot sa kaibigan.

“Hoy! Wag ka nga magsorry, nakamove-on na ako! Saka ‘yong mukha mo naman kunting smile! Dapat maganda ka ngayon kasi araw mo ito,” nakangiting baling ni Apple sa kaibigan.

“Araw ko?” nagtatakang sagot naman ni Lotlot at tiningnan ang dalaga sa pagsenyas niya sa lalaking nasa likuran nito.

“Pasensya ka na Lotlot kung wala kang narinig mula sa akin, pasensya ka na kung ang tagal kong nagising. Pasensya ka na kung kailangan mong dumaan sa masakit na pagkakataon tapos wala ako sa tabi mo. Pasensya ka na,” pahayag ni Alfred kay Lotlot. Takang-taka naman ang dalaga at nanginginig na ang tuhod niya.

“Sinabi kong lahat kay Apple, simula sa pinakamaliit hangang sa araw na naramdaman kong ikaw na yung laman nito, nitong puso ko,”

“Una, natatakot ako dahil baka hindi pa ako sigurado at masaktan kita, masaktan ko si Apple at masaktan ko si Adam kaya hinanap ko muna ang lahat ng sagot sa tanong ko. Inayos ko ang sa amin ni Apple at ipinaliwanag kong hindi natin ito sinasadya at kusa lang talagang nahulog na pala ako sa’yo,” dagdag ng lalaki saka unti-unting lumapit kay Lotlot at hinawakan ang pisnge nito.

“Pero simula nang makita ko si Adam, doon naging malinaw ang lahat. Malinaw pa sa dagat at sa ulap, ikaw ang pamilyang bigay sa akin ng Diyos at buong puso kong niyayakap ito. Kaya sana, hindi ako magkamaling parehas rin ang nadarama mo dahil itatanong ko sa’yo ang sikat na katagang ito. Lotlot Demelop, papakasalan mo ba ako?” tanong niAlfred sabay luhod sa dalaga.

Agad namang tumango ang babae at niyakap ang lalaki, para sa kanya pala talaga ang kasalang inihanda ni Alfred.

Sino makakapagsabing ibinigay ng Dyos ang kahilingan ni Lotlot at pinabaunan pa siya ng mas malaking pamilya dahil buo parin ang kanilang pagkakaibigan at mas lumalaki pa nga ito ngayon. Hindi man siguro niya nakamit kaagad ang pagkakaroon ng buong pamilya pero ibinigay naman sa kaniya ng Dyos ang tamang pag-ibig sa tamang panahon at pagkakataon.

Advertisement