Ang Itinatagong Lihim ni Mama
OFW ang ina ni Michael. Nagsimula itong mangibang bansa noong minsang mahuli na may ibang babae ang asawa. Bata pa noon si Michael kaya hindi pa masyadong malinaw sa kanya ang lahat.
Ang tanging alam lamang niya noon ay naging magulo ang pamilya nila simula ng magtrabaho sa Maynila ang kanilang ama. Sa huling balik nito sa Maynila, hindi na ito muling bumalik pa. Dahilan para mag doble-kayod ang ina ni Michael na itago na lang natin sa pangalang Mercy.
Naging maswerte naman noon si Mercy sa kanyang naging amo, dahil naging mabait ang mga ito sa kanya. Pinapayagan siyang magbakasyon taon-taon.
Minsan kapag may okasyon o may magtatapos sa mga anak ay pinapayagan siyang makauwi ng isang lingo upang makapagbakasyon. Hindi naman na mahalaga noon sa kanila kung gaano katagal ang ilalagi ni Mercy sa Pilipinas, ang mahalaga ay makasama niya ang mga anak.
Habang lumalaki ay unti-unting nag-iba ang ugali ng mga bata, lalong-lalo na si Michael. Natutunan na niyang mapabarkada at magkaroon ng mga bisyo. Naging madalang na rin ang pagbubukas niya ng skype at facebook na siyang paraan lamang upang makausap sila ng ina.
“Wala naman ibang ginawa yan si mama kundi ang sermonan at payuhan lamang ako. Puro pangaral, eh wala naman siya dito” reklamo ni Michael noon.
Minsan nga ay umabot pa ng halos isang buwan niyang hindi kinausap ang ina dahil lamang sa nabubwisit siya na kausapin ito. Hanggang sa isang araw ay muli na namang umuwi si Mercy sa Pilipinas upang magbakasyon.
“Isang buwan din dito si mama, mga anak. Matagal-tagal din tayong magkakasama,” nakangiting saad ng ginang.
“Umuwi pa, wala naman din mababago kahit nandito siya o nasa abroad,” mahinang bulong ni Michael.
Labis ang inis na naramdaman ng lalaki magmula nang umuwi ang kanyang ina, dahil hindi na niya magawa pang lumabas at makapagbisyo kasama ang mga kabarkada dahil palaging nakabantay ang kanyang ina.
“Ano pang silbi ng pag-uwi niya, eh halos araw-araw naman ay wala din siya,” reklamong muli ng anak na lalaki.
Minsan kasi ay maaga pa lang umaalis na ang ginang. Minsan tanghaling tapat at minsan din na buong maghapong wala. Pero labis naman itong ikinatuwa ni Michael dahil nagagawa niyang magliwaliw pag wala ito. Binibilang na rin niya ang mga nalalabing araw ng bakasyon ng kanyang ina, dahil makakabalik na muling siya sa dating gawi.
Sa huling apat na araw ni Mercy sa Pilipinas ay umalis itong muli sa kanilang tahanan. Ang huling sabi nito ay gabi na daw makakauwi, kaya naman nagplano agad ng paggala ang pasaway na si Michael. Bago umalis ang kanyang ina ay humingi muna siya ng pera na kanyang gagamitin sa pagliliwaliw.
Dahil alam niyang wala ang kanya ina, nagpakalasing at nagpaumaga sa labas ang binatilyo. Ilang pakete ng sigarilyo ang kanyang inubos at ilang bote rin ng alak ang kanilang nainom. Tila ba wala na siyang pakialam, ang mahalaga ay masaya lamang siya noon.
Kinaumagahan ay umuwi siyang masakit ang ulo at lutang na lutang dahil sa dami ng nainom. Laking gulat na lamang niya na madatnang wala pa ring tao sa kanilang bahay kaya agad siyang dumeretso sa kwarto upang matulog, pero isang bangungot ang nangyari sa kanya. Sa kanyang panaginip ay pumanaw na daw ang kanyang ina.
Isang masamang pangitain na pala ang panaginip na iyon. Sa mga sumunod na araw, natuklasan niya ang lihim na pilit na itinatago ng kanyang ina. Mayroon palang mas malalim na dahilan ang pag alis-alis nito ng madalas, at iyon ay ang ipagamot ang tumubong tumor sa katawan.
Napaluha na lamang si Michael nang malaman ito. Hindi niya napansin ang mga pag-alis ng kanyang ina dahil nakatutok siya sa pansariling kaligayahan.
Akala niya ay nagliliwaliw lamang ito kasama ang mga kaibigan o baka may ibang lalaking pinupuntahan, ang hindi niya alam ay nagpupunta pala ito sa doctor sa kagustuhang gumaling pa, upang makasama pa sila ng mas matagal.
Naalala na lamang niya ang mga araw na binibilang niya ang pagbabalik ng kanyang ina sa abroad, para lamang magkaroon siyng muli ng kalayaan.
Isang araw, natauhan na lamang siya dahil tuluyan nang naamaalam ang kanyang ina. Binawian na ito ng buhay dahil sa malubhang karamdaman.
“Patawad, mama. Hindi ko namalayang nawala ako dahil sa pagkabulag ko sa mga bagay na akala kong makakapagpasaya sa akin. Hindi ko man lang napansin ang pagbagsak ng iyong katawan at ang unti-unti mong panghihina.
Hindi ko nabigyan ng sapat na atensyon ang mga pagtangis mo sa gabi sa labis na sakit na nadarama. Wala akong binigyang pansin na mga senyales ng mga pagkakasakit mo,” lumuluhang saad ni Michael habang nakatayo sa puntod ng kanyang ina.
Ngayon ay halos isang taon na nang pagkawala ng kanyang ina. Halos isang taon na niyang hindi naririnig ang pagtawag nito kapag handa na ang pagkain, kapag ipapaabot ang mga sabon sa tuwing maglalaba ito, mga pagyakap, malalambing na halik at mga masasayang ngiti na tanging ina lamang niya ang kayang magbigay.
Isang taon nang hindi niya nakikita ang kanyang ina na simula’t sapul ay tumanggap at nagmahal sa kanya, umaruga, nagtiyaga at nagsakripisyo para sa ikagaganda ng kanyang buhay.
Hindi niya mailagay sa salita ang mga sakit na nadarama niya ngayon. Labis na pagsisisi ang kanyang nadarama para sa lahat ng kanyang nagawa. Tila ba ubos na ang luha sa kanyang mga mata sa labis na pag-iyak. Ang puso niya’y durog na durog sa pagkawala ng ina at mukhang hindi na mabubuo pa kahit kalian.
Sa harap ng puntod ng kanyang ina, kalakip ang nakasinding puting kandila, ipinangako niya, na siya ay magbabago na at hinding-hindi na magiging pabigat sa kanyang pamilya.
Huli man na, kanyang pagsusumikapan pa rin na muling buuin ang kanyang pagkatao. Tatahakin niya ang bagong buhay na dala sa puso at isip ang lahat ng mga pangaral ng kanyang ina. Darating ang araw na muli siyang haharap sa puntod ng pinakamamahal na ina, bilang isa nang mabuti at matagumpay na tao.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!