Inday TrendingInday Trending
Saan Ba Nasusukat ang Tunay na Pag-ibig?

Saan Ba Nasusukat ang Tunay na Pag-ibig?

Fourth year high school si Jennifer noon nang maging nobyo niya si Luis. Nagsimula sila sa pagiging magkaibigan na humantong sa pag-iibigan.

Nang tumungtong ng kolehiyo, nagtuloy-tuloy ng pag-aaral si Luis, habang si Jennifer naman ay pahinto-hinto dahil sa problemang pampinansyal.

Unang nakatapos si Luis ng pag-aaral at agad na naghanap ng trabaho. Siya na din ang sumuporta at tumulong sa nobya upang maipagpatuloy ang pag-aaral.

Taong 2007 nang magpaalam ang binata na lilipat daw ng pansamantalang tirahan upang mas malapit sa opisinang pinapasukan. Kampante naman si Jennifer sa ginawang ito ng kanyang kasintahan dahil mga katrabaho naman daw ang makakasama nito.

Kalagitnaan ng taon noon nang bigla na lamang may natanggap na mensahe si Jennifer mula sa hindi kilalang numero.

“Salamat sa’yo ha? Dahil sa pagiging hitad at malandi mo, wala na kami ng boyfriend ko!”

Labis na ikinagulat ng dalaga ang natanggap na mensaheng ito. Hindi siya pumapatol sa mga “wrong sent” na mga mensahe, pero sa pagkakataong ito ay nag-iba ang kanyang pakiramdam.

“Babe, may nagtext sa akin kamakailan lang. Sinabihan ba naman ako na naghiwalay daw sila ng boyfriend niya dahil sa akin,” kwento ng dalaga.

“Mas mabuti pa siguro na magpalit ka na lamang ng sim card. Alam mo naman na uso yung mga ganyan ngayon,” tugon naman ng lalaki.

Sinunod naman ng babae ang mungakhi ng kanyang nobyo, pero nang papalitan na niya ang kanyang sim card ay bigla na lamang siyang nakatanggap muli ng mensahe mula sa hindi kilalang numero.

“pretty_coleen29@y***.cm”

Bumilis ang tibok ng kanyang puso at nagkaroon ng masamang kutob tungkol dito. Agad siyang nagbukas ng computer noon at hinanap sa friendster ang email address na ibinigay ng hindi kilalang numero.

Nang mahanap ang profile, doon niya nakita ang larawan ng isang babae, maganda, maputi at nagngangalang Coleen.

Naghanap pa siya ng ibang mga litrato ng babae hanggang sa makita niya ang litrato ni Luis at ni Coleen na magkayakap. Nang makita ang litrato ay para bang hindi siya makakilos at naninikip ang kanyang dibdib. Nanlalamig ang kanyang mga kamay at nagbabadyang pumatak ang luha galing sa kanyang mga mata.

“Sino si Coleen?” tanong ni Jennifer sa kanyang text message kay Luis.

“Magkita tayo mamaya,” tugon lamang ng binata.

Nang magkita sila ay inamin ng lalaki ang tungkol kay Coleen. Kung sino ito at kung anu ang relasyon niya dito.

“N-nung lumipat ako noon ng tirahan, kasama ko na si Coleen noon. Nag live in kami. Hindi ko sinasadyang mahulog din sa kanya. Patawarin mo sana ako sa nagawa kong pagkakamali,” mahinang saad ng lalaki.

“B-bakit mo nagawa sa akin yun? Ilang taon na tayong magkasintahan pero niloko mo pa rin ako?” naguguluhang tanong ng babae.

Labis na kirot ang nadarama ni Jennifer, pero kahit ganoon ay hindi niya magawang makaiyak ng mga oras na iyon. Para bang tumigil ang lahat sa mundo habang unti-unting namamanhid ang kanyang buong katawan.

Panandalian siyang nawala sa ulirat at ang lahat ay nagbalik na lamang nang makita niyang nakaluhod sa kanyang harapan habang umiiyak ang kanyang nobyo.

Isang buwan matapos madiskubre ni Jennifer ang lahat, umalis si Luis ng apartment at umuwi sa sariling bahay nito. Naramdaman naman ng dalaga na bumabawi sa kanya ang nobyo, subalit labis siyang nahihirapang magtiwalang muli.

Hinayaan na lamang niya si Luis sa gusto nitong mangyari at inilihim sa kani-kanilang mga magulang ang tunay na kalagayan ng kanilang relasyon.

Isang araw ay muling nagtext sa kanya si Coleen. Ramdam na ramdam niyang nakikibalita ito kung patuloy pa rin ang relasyon nila ni Luis.

Nagsinungaling noon si Jennifer, sinabing “hindi na” kahit na hindi iyon ang katotohanan. Inaya din ng dalaga si Coleen na makipagkita upang personal silang magkausap, at madali naman agad itong pumayag.

Alam niyang masasaktan siya sa kanyang ginagawa pero isa na rin ito sa paraan niya upang makausad mula sa masakit na pangyayari sa kanilang nakaraan.

Sa kanilang pagkikita ay nalaman niyang tuloy pa rin ang komunikasyon at relasyon nila Luis at Coleen. Sa madaling salita, pinagsasabay pa rin pala silang dalawa. Sila pa rin pala daw ng binata, kaso sa pagkakataong ito, halos araw-araw daw silang nag-aaway at nagtatalo.

Bago matapos ang araw ay kinomprontang muli ni Jennifer ang kasintahan, hanggang sa umamin ito sa kanya.

“Totoong kami pa rin ni Coleen. Pasensya ka na, Jennifer. Mas mabuting palayain mo na lang ako kaysa patuloy kitang masaktan,” paghingi ng pasensya ni Luis.

“Sige. Kung iyan ang gusto mo, ibibigay ko sa’yo,” malamig na tugon naman ni Jennifer.

Dalawang buwan bago magpasko ay muling nakatanggap sa mensahe si Jennifer mula kay Coleen.

“Hi Jennifer! Coleen here. Gusto ko lang sabihin sa’yo na hiwalay na kami ni Luis. Hindi ko na matiis ang mga pambabalewala niya sa’kin. Siguro nga’y mas matimbang ka pa rin sa puso niya kaya ganoon.

“Pakiusap ko lang na sana alagaan mo siya tulad ng pag-aalagang ginagawa ko para sa kanya upang magtagal kayo. Salamat at pasensya ka na sa lahat.”

Hindi naman na makatiis si Jennifer sa mga nabasa. Halos umapoy ang mga mata niya sa tindi ng galit na nadarama.

“Hindi ko kailangang alagaan siya tulad ng pag-aalaga na ginagawa mo. Limang taon na kami. Limang taon na kaming magkakilala ni Luis kaya alam ko kung paano siya aalagaan, pero kayo, isang taon lang kayong nagsama!

“Nananahimik na ang buhay ko kaya pakiusap, huwag mo na akong abalahin pa. Kung kayo ang may problema, pwes kayo din ang umayos!” galit na tugon naman ni Jennifer.

Makalipas ang isang linggo ay nakatanggap siya ng tawag kay Luis. Ibinalita nito na wala na daw si Coleen. Kinuha daw nito ang kanyang sariling buhay dahil sa labis na depresyon dulot ng kanilang paghihiwalay.

Mabilis na lumipas ang isang taon, naramdaman ni Jennifer na totoong minahal ni Luis ang namayapa nang si Coleen. Halos isang taon na din kasi na lutang ang isipan ng lalaki. Pero naiintindihan naman niya iyon. Naiintindihan niyang nagmahalan talaga ang dalawa ng tunay.

Minsan ay sinisisi niya ang kanyang sarili. Dahil kung hinayaan niya siguro noon ang lalaki sa piling ni Coleen, hindi siguro aabot sa ganito kakomplikado ang kanilang sitwasyon.

Dahil sa dami ng problemang pinagdadaanan, napagdesisyunan na lamang ni Jennifer na magpakuha sa kanyang kapatid na nagtratrabaho sa Middle East.

Lumipad siya patungong Dubai at doon nagsimula ng bagong buhay. Habang naroroon ay madami siyang naging manliligaw, swerte namang isang pinoy din ang bumihag ng kanyang puso.

Nagdalangtao siya noon habang nagtratrabaho sa Dubai, pero hindi siya nagawang panagutan ng pinoy na nobyo doon. Sa kasamaang palad ay pamilyado na pala ito sa Pilipinas. Huli na ng malaman niyang lahat ang katotohanan.

Sa pagkakataong iyon ay tumawag siya kay Luis upang ipagtapat ang lahat. Pilit siyang pinauwi nito sa Pilipinas, dahil mas malaking aberya daw kung malalaman pa doon ang tunay niyang kalagayan.

Umuwi nga siya ng Pilipinas, dala-dala ang bata sa kanyang sinapupunan. Agad siyang humingi ng tawad sa kanyang mga magulang dahil sa pagkakamaling nagawa, subalit tinanggap pa rin naman siya ng mga ito ng buong-buo.

Ilang araw matapos makabalik ng bansa ay binisita siya ng dating kasintahan. Nag-aagaw na ang dilim at liwanag noon nang dumating si Luis.

“Nakagawa na naman ako ng isang pagkakamali,” saad ni Jennifer habang nangingilid ang mga luha.

“Regalo ang batang iyan mula sa Diyos, kaya huwag mong sabihin na isa ‘yang pagkakamali,” tugon naman ng binata.

“Lagi na lang kasi akong palpak sa pag-ibig. Di ko ba alam. Ang t*nga ko lang talaga siguro,” lumuluhang pahayag ng dalaga.

“Mahal mo pa ba ako, Jennifer?” seryosong tanong naman ng lalaki.

Aminin man niya o hindi, alam niya sa kanyang kaloob-looban na may pagmamahal pa rin siyang nadarama para kay Luis.

“Oo, Luis. May nararamdaman pa rin ako para sa’yo, pero ano pang silbi nun di ba? Nabuntis ako ng ibang lalaki,” sagot ng dalaga.

“Kung ganoon, simula ngayon, ako na ang kililalaning tatay ng anak mo. Handa akong akuin ang responsibilidad na maging asawa mo at ama naman ng batang dinadala mo. Pakasalan mo ako, Jennifer,” seryosong saad ng lalaki.

Pumayag si Jennifer sa alok na kasal sa kanya. Ramdam naman din niya na may pagmamahal pa rin sa puso ni Luis kahit na ilang taon na silang nagkahiwalay noon.

Taong 2011 nang isilang ni Jennifer ang isang batang lalaki. Ngayon ay magwawalong taong gulang na ito. At tulad nga ng sinabi ni Luis noon, siya na talaga ang tumayong ama nito.

Ngayon ay magkasama na sila bilang mag-asawa at buong pamilya. Hindi lamang kinilala ng bata bilang ama ang lalaki, pero ito na mismo ang tumayong tatay para sa bata. Nasundan naman ng isa pang lalaki ang kanilang supling. Magkakasama nila ngayong binubuo ang isang masayang pamilya.

Ang tunay na pag-ibig ay handang magpatawad, magpakumbaba at higit sa lahat ay tumanggap ng pagkakamali. Lahat ng ito ay ipinamalas sa pag-iibigan nila Luis at Jennifer. Bagama’t pinaikot-ikot ng mapaglarong tadhana, ibinalik pa rin sa piling ng isa’t isa.

Advertisement