Inday TrendingInday Trending
Mahirap Maging Maganda!

Mahirap Maging Maganda!

Kakauwi lang ni Janine mula sa trabaho. Inumaga na naman siya. Bakas ang puyat at pagod sa kaniyang mukha, dahil sa nangangapal na eyebags at nangigitim niyang mga mata. Isa kasi siyang call center agent.

Namataan niya ang mga kapitbahay nilang nagkukumpulan na naman sa isang sulok. May mga hawak silang walis-tingting at pandakot. Nakasuot ng maluluwang na daster ang mga ito at walang mga suot na bra. Bahagyang naririnig ni Janine ang kanilang mga pinag-uusapan. As usual, puro tsismis na naman ang mga iyon. Mga tungkol sa kabit, utang, at kung anu-ano pang balita tungkol sa buhay ng iba.

Nang eksaktong madaanan niya ang pwesto ng mga ito’y nanghahaba na naman ang leeg na napatingin sila sa kaniya. Napabuntong-hininga si Janine.

“Sigurado, ako na naman ang topic ng mga ito!” sambit niya sa kaniyang sarili.

Hindi nga nagkamali ang puyat na dalaga. Hindi pa man siya nakalalayo ay narinig na niyang bumulong ang isa sa mga tsismosa.

“Tingnan mo ’yang anak ni Melva. Aba’y umaga na kung umuwi! Saan kaya iyan nagpupunta?” tanong nito sa mga katsismisan.

“Oo nga. Ano ba ang trabaho niyan? Baka iyan ay nagbebenta ng katawan!” tila naman nabibiglang akusa ng isa.

“Naku! Nakakahiya naman kung ganoon! Maganda nga, bayarang babae naman,” sabi pa ng isa pa.

Naikuyom ni Janine ang kaniyang sariling kamao… Kaya lang ay masyado siyang puyat para patulan ang mga tsismosang ito. Kaya minabuti na lang niyang huwag pansinin ang nadinig at dumiretso na lamang nang uwi.

Alas-kwatro na nang hapon, nang tumunog ang alarm-clock niya. Ibig sabihin ay kailangan na naman niyang maghanda para sa pagpasok muli sa trabaho. Sumuweldo na siya kanina kaya nakapagbigay na siya ng pera sa ina. Nagtira na lamang si Janine ng kaunti, para kaniyang sarili.

Matapos maligo ay narinig ni Janine na tumunog ang cellphone niya. Nag-text ang kaniyang boss, slash, masugid na manliligaw.

“I’LL PICK YOU UP AT FIVE. SABAY NA TAYONG PUMASOK. LOVE LOTS! <3” ang sabi sa text na natanggap niya mula rito.

Hindi na nag-reply pa si Janine. Kahit naman kasi tumanggi siya ay hindi naman makikinig ang lalaki. Isa pa, okay na rin iyon, para makatipid siya sa pamasahe.

Naging malaking bulungan sa opisina ang pagbaba niya mula sa kotse ng kanilang boss. Agad siyang nakarinig ng mga pasaring mula sa ibang kaopisina.

“Ang landi!” parinig ng iba.

“Oportunista!” sabi naman ng iba pa.

Mayroon ding nagsabing, “Gold digger slash social climber” siya.

Halos lahat kasi ng mga ito ay bet din ang kanilang boss. Guwapo, mayaman, mabait. Sino nga ba ang hindi magkakagusto sa almost perfect nang lalaki?

Maging si Janine ay aminadong attracted dito. Ngunit para makaiwas sa gulo ay iniwasan na lamang niya ang kaniyang boss… subalit, hindi pa rin doon natapos ang kaniyang kalbaryo mula sa mga insecure! Nang subukan niya kasing dedmahin ang kanilang boss ay tinawag naman siyang, “suplada, maarte, choosy” at kung anu-ano pa!

“Ang hirap maging maganda, ano?” ngingisi-ngising saad ng kaibigan at katrabaho rin niyang si Bing, isang araw na nakasimangot siyang pumasok sa opisina.

“Kapag maganda ka at lumapit ka sa lalaki, kahit pakikipagkaibigan lang naman ang gusto mo, tatawagin kang malandi. Kapag naman hindi mo pinansin, tatawagin kang suplada. Bawat galaw mo, may issue. Bawat kibot, may sasabihin sila. Kapag maganda ka at may araw na uminit ang ulo mo, sasabihin, maganda ka nga pero masama naman ang ugali. Laging may pero ang pagiging maganda mo!” mahabang dagdag ni Bing.

Napatango na lang si Janine, kahit hindi niya alam kung saan tutungo ang kanilang usapan. Hanggang sa tinanong siya nito…

“Alam mo ba kung bakit?”

Agad na umiling si Janine sa tanong ng kaibigan. Kaya naman ito na rin ang sumagot sa sarili nitong tanong.

“Kasi, walang gamot sa inggit!” may diin at malakas na sabi ni Bing. Sapat, upang marinig ng iba sa kanilang mga kaopisina.

“Kapag ang tao, inggit sa ibang tao, hahanap at hahanapin nila kung ano ang pangit sa iyo. Para hindi sila lalong manliit. Para hilahin ka pababa at gawing miserable tulad nila. Ang mga taong inggit, iyan ’yong mga taong lagi na lang negative ang iniisip sa kapwa. Hindi masaya ang buhay nila. At dahil nasa iyo ang gusto nila, gagawin nila ang lahat para hindi ka sumaya,” pagpapatuloy ni Bing sa mahaba nitong litanya kahit nakaharap sa sariling computer.

Tulalang napanganga naman si Janine.

“Kaya kung ako sa ’yo? Hindi ko na iiwasan si Sir, Janine. Huwag mong intindihin iyang mga hipokritang nakapaligid sa atin. Mga utak alimango ’yan. Ganiyan talaga kapag maganda. Maraming nakapaligid na inggitera. Kaya, go lang para sa ikasasaya mo, sis! Kasi, at the end of the day, what they say, will never matter. You know yourself, sister. Alam mong hindi totoo ang mga sinasabi nila at alam din iyon ni Sir. Alam ko iyon at alam ng mga taong totoong nakakakilala sa ’yo. So don’t mind them, and cheer up!”

Doon ay nabuhayan si Janine. “Tama si Bing!” sabi niya sa sarili. Simula noon ay naging bingi na siya sa mga negatibong bagay na sinasabi ng iba tungkol sa kaniya. Nag-focus siya sa kaniyang sarili at sa mga taong mas mahahalaga sa kaniya. Ipinakita at pinatunayan niya na lamang na mali sila at patuloy na umasenso ang buhay ni Janine, sa sarili niyang paraan at sa sarili niyang pagsisikap.

Ano ang natutunan mo sa akdang ito?

Advertisement